Inday TrendingInday Trending
Labis na Nagluluksa ang Lalaki sa Pagkawala ng Kaniyang Ina; Mararamdaman Niya pa rin Pala ang Pagmamahal Nito Kahit Ito’y Nasa Langit na

Labis na Nagluluksa ang Lalaki sa Pagkawala ng Kaniyang Ina; Mararamdaman Niya pa rin Pala ang Pagmamahal Nito Kahit Ito’y Nasa Langit na

Simula nang sumakabilang buhay ang ina ng binatang si Joven, dalawang buwan palang ang nakararaan, nawalan na siya ng gana sa buhay. Ito na lamang kasi ang tanging taong nagbibigay oras, ligaya at pagmamahal sa kaniya. Ito lang din ang tanging kasama niya sa pagkain, paglalaba, paglilinis ng maliit nilang bahay, at kung ano pa mang gawain dahilan upang ganoon na lamang siya maaapektuhan sa pagkawala nito.

Lalo pa siyang nasasaktan sa pangyayaring ito sa tuwing naaalala niyang wala siya sa tabi ng kaniyang ina sa huli nitong mga oras sa mundo.

Araw iyon ng Lunes, maaga siyang pumasok sa trabaho kahit pa ilang araw nang nasa ospital ang kaniyang ina dahil sa pagdurugong mayroon ito sa loob ng katawan.

Ayaw niya na sanang pumasok noon sa trabaho dahil nga sa kalagayan ng kaniyang ina. Kaya lang, siya’y pinilit nitong pumasok sa trabaho. Sabi pa nito sa kaniya, “Kung hindi ka papasok sa trabaho, anak, paano ako gagaling? Kung wala tayong perang maibigay sa ospital na ito, tiyak, hindi nila ako aasikasuhin. Kaya ko namang mag-isa rito, eh, huwag mo na akong alalahanin at kumita ka ng maraming pera para gumaling na ako agad!” kaya wala siyang ibang nagawa kung hindi ang pumasok noon sa trabaho.

Ngunit bago pa matapos ang oras ng kaniyang trabaho noon, nakatanggap na siya ng tawag mula sa doktor nito na tuluyan nang sumuko ang katawan ng kaniyang ina.

Sa awa ng Diyos, hindi man siya agad nakausad sa pangyayaring ito, nagagawa na niya ngayong unti-unting makahinga nang maluwag at makapagtrabaho nang maayos. Hindi katulad noong mga unang araw na nawala ang kaniyang ina na halos natulala lamang siya buong araw sa kanilang opisina.

Sa araw-araw na papasok at uuwi siya galing trabaho, mayroon siyang isang dalaga na palaging napapansin sa harap ng kanilang bahay. Palagi itong nakatingin at ngumingiti sa kaniya na talagang nagbigay inis at kuryosidad. Kaya naman, isang araw, diniretsa na niya ito.

“Wala kang mapapala sa akin, miss. Sirang-sira na ang buhay ko kaya ayokong magkaroon ng nobya. Kung pwede lang, huwag ka nang magpapakita sa akin dahil naiinis lang ako,” pabalang niyang sabi rito ngunit imbis na umalis na ito, inabutan pa siya nito ng ilang piraso ng siomai na paboritong-paborito niya lalo na kung gawa ng kaniyang ina.

At dahil bahagya niyang naalala ang kaniyang ina sa pagkaing iyon, dali-dali niya itong tinanggap saka agad na pumasok sa kaniyang bahay upang tikman. Halos mapaiyak siya sa tuwa nang mapagtanto niyang kalasang-kalasa nito ang gawa ng kaniyang ina!

“Mukhang dinadalaw mo ako, mama, ha? Salamat po! Kahit wala ka na, pinaparamdam mo pa rin sa akin ang pagmamahal mo!” mangiyakngiyak niyang sabi habang patuloy na nilalantakan ang naturang pagkain.

Nasundan pa nang nasundan ang pagbibigay ng naturang dalaga ng pagkaing kalasa ng luto ng kaniyang ina na agad niya namang tinatanggap dahil nga labis siyang nangungulila sa kaniyang ina.

Sa tuwing kinakain niya ang mga pagkaing ito, hindi man ang kaniyang ina ang nagluto nito, pakiramdam niya’y nasa tabi lang niya ito at masaya siyang pinagmamasdang kumain katulad dati.

Dahil nga parehas na parehas ang lasa ng mga luto ng dalaga sa luto ng kaniyang ina, isang araw, nang muli siya nitong abutan ng isang lutong ulam, kaniya na itong inusisa.

“Bakit mo ito ginagawa, miss? Ni hindi nga natin alam ang pangalan ng isa’t-isa,” tanong niya rito.

“Alam ko ang pangalan mo, ang hilig mo, at lahat tungkol sa’yo dahil ako ang nars na nag-alaga sa nanay mo ng halos isang buwan sa ospital,” kwento nito na talagang nagpalaki sa kaniyang mga mata, “Sa araw-araw na pag-uusap namin, ikaw lang ang lagi niyang bukang-bibig at kahit sa huling hininga niya, ikaw pa rin ang iniisip niya. Sa katunayan, hiniling niya sa akin na paglutuan ka araw-araw gamit ang kaniyang recipe book. Ayaw niya raw na malipasan ka ng gutom, lalo’t higit, malimutan mo ang lasa ng kaniyang luto,” sabi pa nito na agad na nagpaluha sa kaniya.

“Huwag ka nang umiyak, Joven. Kabilin-bilin ng nanay mo, huwag ka raw mag-aaksaya ng luha para sa kaniya dahil tuwing umiiyak ka, naiiyak din siya,” payo pa nito dahilan para lalo siyang mapaiyak. Pigilan man niya ang kaniyang mga luha dahil nga ito’y ayaw ng kaniyang ina, wala siyang magawa dahil sa labis na pangungulilang kaniyang nararamdaman.

Nagpatuloy ang pagkikita nila ng dalagang iyon at sa araw-araw nitong pagluluto para sa kaniya, hindi na niya naiwasang tuluyang mahulog dito. Hanggang sa paglipas ng ilang buwan, nagpasiya na siyang ligawan ito. Sa kabutihang palad naman, may pagtingin na rin pala ito sa kaniya. Nauwi sa matamis na pagmamahalan ang kanilang pagkakaibigan.

Advertisement