Mahilig Magmaneho nang Lasing ang Drayber na Ito; ‘White Lady’ Tuloy ang Makakatapat Niya

Parang naduduling na si Paulo habang naglalakad siya patungo sa kaniyang taxi. Isang oras din pala siyang nakatulog sa karinderyang kinainan niya kanina kung saan nagkayayaan din silang mag-inuman ng mga kapwa drayber niyang ngayon ay wala na sa kaniyang tabi.

Masiyado pala siyang nalasing kanina, sa dami ba naman ng kaniyang nainom. Para siyang gutom na gutom na naman sa alak dahil ilang araw din siyang natengga buhat nang pagalitan siya ng kaniyang operator.

Palagi na lamang ganito si Paulo. Kahit may impluwensiya pa siya ng alak ay nagmamaneho siya at namamasada. Katulad na lamang ngayon. Grabe na ang kaniyang hilo ngunit hindi iyon sapat para huminto siya. Talagang balak niya pang mag-pick up ng pasahero!

“Saan ho kayo?” tanong ni Paulo sa babaeng kasasakay lamang sa kaniya. Pumara ito sa tapat ng isang bar.

“D’yan lang ho sa—” Biglang napahinto ang nasabing babae at suminghot-singhot na para bang may naamoy itong hindi kaaya-aya. “Wait, manong, kayo ho ba ’yong amoy alak?” tanong ng babae. Halata sa boses nito na agad itong nainis.

“H-ha? A, e…” Napakamot na lamang si Paulo sa kaniyang ulo. Hindi naman na kasi siya makakatanggi na rin, dahil dadalawa lang naman sila sa loob ng sasakyan. Isa pa, hindi pa gumagana nang maayos ang utak niya ngayon dahil sa tama ng alak.

“Bababa na ho ako, manong. Umuwi na ho sana kayo at huwag nang mamasada pa. Grabe, mandadamay pa kayo kung sakaling maaksidente kayo dahil sa pagmamaneho nang lasing,” iiling-iling tuloy na sabi pa ng babae kay Paulo bago ito nagmamadaling bumaba ng kaniyang taxi.

Ngumiwi na lamang si Paulo at biglang pinaharurot ang taxing minamaneho niya. Naasar siya doon sa babae. Pasahero na kasi sana ito, nawala pa. Ang hirap pa namang maghanap ng mga pasahero sa ganitong oras.

Napadaan na si Paulo sa tulay kung saan dapat ay nagdadahan-dahan na siya nang takbo, dahil nga palaging may naaaksidente sa lugar na ito, ngunit nananatiling mabilis ang kaniyang pagpapatakbo. Para siyang hinahabol ng kung ano, sa sobrang pagharurot ng kaniyang taxi!

Maya-maya pa’y nakarinig siya ng busina sa kaniyang likuran. Dahil doon ay napasulyap tuloy siya sa kaniyang rare view mirror, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makitang mayroon pala siyang pasahero!

Isa iyong babae, na sobrang puti at sobrang haba rin ng itim na itim na buhok na siyang tumatakip naman sa mukha nitong ang nakikita lang ay ang isa nitong matang namumula pa sa katititig sa kaniya. Dahil doon ay napapreno siya nang hindi oras! Nilingon niya ang babaeng pasahero, ngunit sa pagkakataong ito ay wala na iyon sa kaniyang pwesto kanina!

Napapikit si Paulo. Iniisip niyang mukhang malala na talaga ang tama ng alak sa kaniya ngayon kaya naman dinadaya na siya ng kaniyang paningin! Natawa pa nga siya sa kaniyang sarili dahil kinabahan siya sa nakita. Bali-balita na kasi noon pa na mayroon daw talagang nagpapakitang ‘white lady’ sa tulay na ito, lalo na sa mga drayber na makukulit, katulad niya.

“Imposible namang magkatotoo ’yon. Tinatakot ko lang ang sarili ko,” nangingisi pang sabi ni Paulo sa kaniyang sarili sabay harap muli sa manibela…

Ngunit halos tumalon mula sa dibdib niya ang kaniyang puso nang bigla niyang makita ang white lady sa kaniyang harapan! Nakaharang ito sa daraanan niya, kaya naman kahit sinubukan niyang tapakan ang gas ng kaniyang sasakyan ay hindi iyon umandar!

Biglang nabutas ang kaniyang mga gulong habang ang nasabing babae naman ay unti-unting gumagapang pasakay sa harapan ng kaniyang sasakyan! Nanlalaki ang mga mata ni Paulo habang nakatingin sa nasabing white lady. Pakiramdam niya ay nagtatayuan ang lahat ng kaniyang balahibo.

Wala na siyang nagawa pa kundi ang mapahawak na lamang sa kaniyang mga tainga at ipikit ang kaniyang mga mata upang hindi niya ito makita! Takot na takot si Paulo. Panay ang sambit niya ng pagdarasal, kaakibat ng pangakong hindi na ulit siya magmamaneho nang lasing!

Maya-maya pa ay may mga nanghuhuli nang traffic enforcers sa kaniya, dahil kanina pa pala siya nakaharang sa daang ’yon. Agad namang sumama si Paulo, kahit pa alam niya namang magkakaroon siya ng problema sa ginawa niya. Sa totoo lang ay nakahinga na siya nang maluwag ngayong may ibang tao nang nasa paligid niya. Bigla na lang din namang naglaho ang white lady na nagturo sa kaniya ng leksyon.