Inday TrendingInday Trending
Inuna ng Isang Ama na Iligtas ang Anak ng Isang Bata, Kaya naman Kakaibang Pangyayari ang Tinamo ng Kanyang Anak

Inuna ng Isang Ama na Iligtas ang Anak ng Isang Bata, Kaya naman Kakaibang Pangyayari ang Tinamo ng Kanyang Anak

Nakapaghanda na ang Baryo Maligaya para magsilikas. Paparating na kasi ang bagyo na ayon sa balita ay maaaring magdulot ng malaking pinsala. Gayon din ang pamilya Manansala. Handa na sila sa paglikas. Itinali na rin ni Mang Ernesto ang bahay nila, maging ang mga gamit nila ay itinaas na niya at ang iba’y dinala sa “evacuation center”.

Maaga pa lang ay may umikot na sa kanilang lugar na magsilikas na. Takip-silim nang dumating ang bagyo. Malakas ang patak ng ulan na may kasamang malakas na hangin. Maririnig mula sa labas ang mga langingit ng bubong ng bahay. Ang iba nama’y nagliliparan pa. Maririnig rin ang sigawan at iyakan ng mga taong naabutan sa labas. Halos lahat ng tao sa loob ng gusaling iyon ay nagdarasal ng taimtim  na maging ligtas ang lahat ng naroroon.

“Diyos ko huwag mo kaming hayaang mapahamak.”

“Huwag po tayong matakot!” ikaw ni Mang Ernesto sa ibang mamamayan. Isa kasi siyang kagawad sa kanilang baranggay. “Huwag din po tayong mabahala. Bagkus magtulungan po tayong lahat.”

Ngunit lumalakas pa ang hangin dahilan para masira ang bubong ng evacuation na kanilang kinaroroonan. Nagsigawan at nag iiyakan na ang lahat nang biglang mawalan ng kuryente. Dahilan ng pagkawatak-watak ng kanyang pamilya. Buti na lamang at nakasabit lamang sa leeg niya ang flashlight. Kaya naman sinuyod niya ang buong evacuation center.

“Olive! Jake! Jessy! Nasaan kayo?!” tawag niya sa asawa’t mga anak.

Maya-maya ay biglang dumating ang daluyong na kanilang kinatatakutan. Maaaring mataas na ang lugar na kinaroroonan nila, subalit hindi pa rin sila ligtas sapagkat walang humpay ang ulan at hangin. Maya maya ay bigla na lamang bumulusok ang malakas agos ng tubig sa kinaroroonan nila.

“Saklolo! Saklolo!” natatarantang sigaw ng nakararami.

Patuloy parin si Mang Ernesto sa paghahanap sa kanyang pamilya ng biglang rumagasa ang tubig sa kinaroroonan niya. Dahilan upang tumalsik siya kasabay ng isang bata. Buti na nga lamang ay medyo nagliliwanag na.

“Saklolo! Tulungan niyo po ang anak ko!” malakas na iyak ng isang nanay habang humihingi ng saklolo.

Maagap naman si Mang Ernesto upang saklolohan ang batang iyon. Masaya siya at nailigtas niya ito sa tiyak na kapahamakan. Maya-maya ay naalala niya muli ang kanyang pamilya.

Kaya naman nilangoy niya ang dulong bahagi ng evacuation center upang magbakasaling naroon ang mga ito.

“Olive! Jake! Jessy! Nasaan na ba kayo!?” umiiyak na tawag ni Mang Ernesto.

Labis-labis na ang kanyang pag-aalala. Sapagkat tumataas na ang tubig doon at hindi niya pa rin nakikita ang kanyang mag-iina. Alas-singko na ng umaga subalit madilim pa rin ang kapaligiran. Lusong dito at lusong doon na ang kanyang ginagawa. Wala pa ring humpay ang malakas na hangin at ulan. Kaya naman lalong tumaas ang tubig, papundi na din ang ilaw ng kanyang flashlight. Kaya naman pinanghihinaan na siya ng loob.

“Saklolo! Tulungan niyo kami! Tulungan niyo ang anak ko!”

 Napatigil siya nang marinig ang boses ng asawa. Hinanap niya ang lugar kung saan niya naririnig ang boses ng asawa, “Olive! Nasaan ka ba? Nasaan ba kayo?!”

“Dito! Sa likod mo bilis! Bilisan mo si Jessy inanod ng rumaragasang tubig kanina!”

Nataranta siya sa sinabi ng asawa. Hinanap niya agad si Jessy pero ‘ni anino nito ay hindi nila makita. Maya-maya ay nakarinig na naman si Mang Ernesto ng tawag sa kabilang bahagi.

“Parang-awa niyo na! Tulungan niyo ang apo!”

Nakita niya ang matandang babae na umiiyak. Hindi niya napigilan ang sarili at tumakbo sa kinaroroonan ng mga ito upang iligtas ang bata.

“Ernesto! Ernesto, si Jessy! Ang anak mo, bilisan mo!” rinig niyang tawag ng asawa.

Subalit hindi siya kaagad nakatakbo sa kinaroroonan ng kanyang mag iina sapagkat iniligtas niya pa ang bata. Saka lamang niya tinungo ang kinaroroonan ng kanyang mag-iina. Nakita niya ang huling tingin ng anak bago ito tangayin muli ng rumaragasang tubig.

Hindi niya na ito naabutan. Sinuyod niya ang buong evacuation center subalit hindi pa rin ito nakita. Noo’y maliwanag na, marami ng nangamatay, marami ang nawalan ng pamilya. Marami ring naghahanap pa rin ng kani-kanilang kamag-anak at isa na sila sa mga iyon.

Iyak nang iyak ang kanyang asawa habang sinisigaw ang pangalan ng kanilang bunsong anak na si Jessy.

“Erning! Olive!” natagpuan ni Kael ang anak mong si Jessy!

“Nasaan?” mabilis na tanong ni Olive.

Sinamahan sila nito sa kinaroroonan ni Jessy. Hindi maipaliwang ni Ernesto ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib habang nakasunod kay Kael.

“Papa!” nanlaki ang mga mata niya nang makita si Jessy.

“Nakita siya ng asawa ni Aling Gina, ama ng niligtas mo kanina. Nasa malapit na ospital siiya ngayon. Pasasalamat niya daw sa pagligtas mo sa anak niya kanina. Hindi mo daw ininda kahit nawawala na rin ang iyong pamilya.”

Taimtim siyang nagpasalamat sa Panginoon pati na rin sa lalaking nagligtas sa kanyang anak. Naisip niyang ang pagtulong sa kapwa ay walang pinipiling oras at tao.

Advertisement