“Napakataba mo, Angela! Kailan ka kaya papayat? Oink! Oink! Oink!” muli na namang pang-aasar ng grupo nina Cristy kay Angela.
Halos pare-pareho silang nang ika-dalawang baitang ng elementarya. At sa murang edad nila ay nauuso na ang pambubully. Magpinsang buo sina Cristy at Angela. Ngunit dahil mataba at palaging nadadapa at nadidisgrasya ang huli ay sumama sa ibang barkada si Cristy at tumulong na rin sa pang-aalipusta sa kanyang pinsan. Nang lumaon ay siya pa ang nanguna sa pang-aasar dito.
Sabi rin ng mama niya ay siya daw ang pinakamatalino sa kanilang magpipinsan kung kaya naman hindi rin maiwasan na mainggit sa kanya ang mga kamag-anak.
“Hindi naman ako mataba!” agad na sagot ni Angela. Hindi naman siya makapapayag na paapi na lang sa mga batang kasing edad niya. “Ang sabi ng mommy ko ay chubby lang daw ako! At ang chubby ay cute!”
“Cute?” sarkastikong ika ni Cristy. “Baka kamo nakakata-cute!”
Malakas na tawanan ang umalingawngaw sa buong classroom. Sa tuwing gustong maiyak ni Angela ay pinapasok niya sa kukote niya ang palaging sinasabi ng kanyang yumaong amo isang taon nang nakalilipas, “Tandaan mo, kapag umiyak ka talo ka.”
Kaya naman simula nang sabihin iyon ng kanyang ama sa kanya ay hindi na siya kailanman umiiyak sa tuwing may nang-aaway sa kanya. At iyon yata ang dahilan kung bakit nanggigigil ang grupo nina Cristy at mas lalo pa siyang inaasar.
Hanggang sa kinalakihan na nila ang pambubully kay Angela na kahit 13 years old na ay ganoon pa rin ang pangangatawan. Kahit anong pagda-diet o pag-eexercise kasi ang gawin niya, makakita o makaamoy lang siya ng masarap na pagkain ay ginugutom na siya.
Hanggang sa sumapit ang ika-18 taong gulang niya. Sabay pa sila ng pinsang si Cristy ng kaarawan. Ang pinagkaiba lang ay engrande ang handaan ng maganda’t sexy na si Cristy, samantalang siya ay simpleng cupcake at pancit na luto ng kanyang ina lang ang kanyang handa.
Ngunit wala siyang iniinda doon. Ang mas ininda niya ay nang sadyain talaga siya ng pinsan niya sa bahay nila noong araw na iyon. Maaliwalas ang mukha nito, kasama pa ng tiyahin niya na ina nito, “Angela, sumabay ka na ng celebration sa akin. Tutal naman ay pareho naman tayong debutante ngayong araw.”
Tila kinabahan agad siya sa sinabi nito. Ngunit agad naman siyang pinagtulakan ng kanyang ina na tuwang tuwa sa narinig, “Sumama ka na anak. Panigurado ay mag-eenjoy ka doon. Hindi tulad dito, kaunti na nga ang handa mo ay putol pa ang kuryente natin.”
Kaya naman nang hilahin siya ng tiyahin ay tuluyan na siyang walang nagawa, “Mag-eenjoy ka doon pamangkin, promise.”
Para sa kanya ay makahulugan ang sinabi ng kanyang tiyahin. Lalo na ang ngiti ng kanyang pinsang si Cristy. Dinala muna siya nito sa itaas na kwarto ni Cristy.
“Sana tayo pupunta?” tanong niya sa pinsan at tiyahin.
“Si mama na ang bahala sayo. Bibihisan ka niya at ime-make over.”
Mabilis siyang pinagpalit ng kanyang tiyahin ng damit. Noong una’y nagtanong siya kung bakit costume na pang-belly dancer ang pinasuot nito sa kanya.
“Yan ang theme ng birthday party ng pinsan mo. Hindi mo ba alam?” tugon ng kanyang tiyahin.
Wala na siyang nagawa kundi ang sundin ito. Nagulat pa siya nang makita ang magagarang suot ng mga bisita sa bulwagan. Tila gusto niyang umatras dahil siya lamang ang naiiba ang suot. Ang halay pa dahil labas na labas ang bilbil niya.
Nang kaladkarin siya ng tiyahin sa loob ay napuno na naman ng tawanan ang buong paligid. Doon niya na hindi napigilan ang maiyak. Grabe na talaga ang kanyang pinsan at tiyahin, sa isip isip niya pa.
Tumatak sa isipan ni Angela ang araw na iyon–ang mga tawanan ng mga tao sa paligid, ang matagumpay na ngiti ng kanyang mga kamag-anak, at higit sa lahat ay ang iyak ng kanyang ina dahil hindi niya alam na sinundan pala sila nito.
Ilang taon ang lumipas ay nagbalik si Angela sa kanilang lugar mula sa kanyang pag-aabroad sa Italy. Hindi niya inakalang susuwertihin siya sa unang subok niya ng pag-aabroad noon. Kung dati ay baboy kung tawagin siya, ngayon ay isa na siyang magandang dilag na may balingkinitang pangangatawan.
Halos hindi na nga siya makilala ng mga kamag-anak pag-uwi.
“Kamusta na po yung pinapatayo nating salon, Ma?”
“Sa inyo yung tinatayong salon d’yan sa kanto?!” gulat na tanong ng kanyang tiyahin, ina ni Cristy.
Nang tumango siya ay halos mangislap ang mga mata nito, “Napakaswerte talaga sayo ng ina mo, Angela. Hindi tulad ng Cristy ko, kaaga-aga’y nagbuntis. Pinatapos lang ang debut niya!”
Gulat man ay hindi na rin nagtaka si Angela sa narinig. Alam niya kasing nasa elementarya palang sila ay marami nang nobyo ang kanyang pinsan. Nang magkita silang muli nito ay nagulat siya dahil lumobo at lumosyang ang pangangatawan nito.
“Cristy, ikaw ba yan?” tanong niya sa pinsan.
Nakatungo lang ito. Ngunit sa puso ni Angela ay wala siyang paghihiganting gustong gawin sa kanyang pinsan na minsang nanghamak sa kanyang pagkatao. Kaya naman dahil alam niyang kailangan rin nito ng trabaho ay nag-offer siya dito sa pagbubukas ng kanyang salon.