Inday TrendingInday Trending
Palaging Kulang ang Sahod ng Lalaki Ngunit Hindi Niya Magawang Magreklamo Dahil sa Isang Kadahilanan

Palaging Kulang ang Sahod ng Lalaki Ngunit Hindi Niya Magawang Magreklamo Dahil sa Isang Kadahilanan

“Boss bakit po kulang ulit ang sinahod ko ngayong cut off? Noong isang buwan po kasi ay parehong kulang ang dalawang cut off na sinahod ko. Bakit po ganito, boss?” malungkot na wika ni Ariel sa kanyang amo.

Isa siyang dishwasher sa isang restaurant. Malakas ang restaurant na pinapasukan niya kung kaya naman halos hindi mabakante ang lababo na pinaghuhugasan niya ng mga plato araw araw. Ilang taon na rin siya sa trabaho at sa loob ng ilang taon na yun ay tiniis niya ang halos hindi makatarungan na pagpapasahod at benepisyo ng kanyang among si Randy.

Matanda na ang kanyang amo at dating kapitan sa kanilang baranggay. Kung kaya naman wala rin siyang magawa kung hindi nito ibigay nang ayos ang bawat pasahod nito sa kanya. Hindi niya magawang awayin ito dahil unang una ay mauuwi lang sa wala ang pagsasabi niya sa boss dahil hindi rin naman siya iintindihin nito.

“Nagrereklamo ka pa, mabuti nga’t tinanggap pa kita dito. Samantalang ni elementarya ay hindi ka nakatapos d’yan!”

Ikalawa ay ito palagi ang pinapamukha sa kanya ng amo. Na hindi daw siya nakapagtapos ng elementarya at peke lang daw ang kanyang diploma. Sinubukan niya kasing magtrabaho sa iba noon, at mareregular na sana siya nang mahuli pa siya ng HR na pagawa lang sa Recto ang kanyang diploma.

Takot na takot siya noon at abot-langit ang nerbyos na baka ipakulong siya sa trabahong pinasukan. Mabuti na lamang at mabait pa rin ang Diyos sa kanya dahil hinayaan na lang siya ng mga ito at sa halip ay tinanggal nalang sa trabaho at pina-blacklist upang hindi na daw siya muling makapanloko pa.

Simula nang mangyari ang kamalasang iyon sa kanyang buhay ay hindi na siya kailanman nagtangka na maghanap ng mas maayos na trabaho. Muli na naman niyang tinanggap ang trabaho sa restaurant ni Randy.

Kagandahan lang ay napromote siya ng bahagya doon na mula sa paglalampaso ng sahig ay ginawa na siya nitong tagahugas ng plato. Yun nga lang ay talagang sinasamantala ni Randy ang alam niyang kahinaan ng kanyang empleyado. Tulad na lamang niya na hindi nakapagtapos. At alam nitong hindi na muli makakapasok sa ibang mas maayos na kumpanya’t trabaho.

Sa isang araw ay 250 na nga lang ang sinasahod niya ay madalas pa itong bawasan ng kanyang boss. Maraming nakalagay na kung anu-anong dahilan sa payslip niya bilang deductions. Minsan nang silipin niya pa ang record ng kanynag government contributions tulad ng SSS, Philhealth at Pag-ibig ay nagulat siya nang malamang walang hulog ito mula sa boss niyang si Randy.

Nang sabihin niya ito dito ay binulyawan pa siya nito at pinagbantaan, “Bwisit ka! Isa pang reklamo mo, tatanggalin na kita sa trabaho! Nakapaswerte mo na nga’t tinanggap kita dito kahit wala kang pinag-aralang lintik ka!”

“Mawalang galang na…” sabay silang napalingon sa isang customer sa gilid. Nakita nila ang isang matandang lalaki. “Pasensya na, hindi ko sinasadyang marinig ang usapan niyo. Galing kasi ako sa C.R.”

Napakunot-noo ang boss niya sa sinabi ng matanda. Magsasalita pa lang sana ito nang ituro siya ng matandang customer, “Hijo, anong mga alam mong gawin o trabaho?”

“Po? Bakit po, Sir?” gulat niyang tanong dito.

“Ay hindi nakapagtapos ‘yan. Kahit elementarya ay hindi natapos n’yan, bobo ‘yan Sir!” singit ng kanyang amo.

Napailing ang matandang customer, “Alam mo bang hindi dahilan ang tinapos ng isang tao upang magtagumpay siya sa buhay? Minsan sipag at tiyaga lang ang puhunan sa pagtatagumpay.”

Napanganga sila pareho sa sinabi ng matandang customer. Lalo na sa sumunod na sinabi nito, “Hijo, ito ang calling card ko. Tawagan or puntahan mo ako sa opisina ko. Gusto kitang kunin bilang personal secretary ko. Huwag kang mag-alala, you’ll undergo training. Basta masipag ka lang, sisiguraduhin ko sayo, aasenso ka.”

Pagkatapos ay tumingin ito sa kanyang amo, “Hindi naman sigurong masamang kunin ko siya sayo? I’ll pay for any fine nalang.”

Wala nang nagawa pa ang kanyang amo. Hinayaan na siya nito matapos itong bayaran ng malaking halaga ng matandang customer na nakilala niya sa pangalang Jose Mari. Napakabait nito at talagang tinututukan ang training niya. Nalaman niyang isa rin pala ito sa mga hindi nakatapos at minaliit dahil sa baba ng pinag-aralan nito. Kung kaya naman nagsumikap at pinilit makapagpatayo ng sariling negosyo na ngayon ay pagkalago-lago na.

“Tandaan mo, hijo… hindi lahat hindi nakapagtapos sa pag-aaral ay nararapat nang nakalubog sa lupa. At hindi rin naman lahat ng nakakapagtapos sa pag-aaral at may medalya ay umaasenso,” palaging payo sa kanya ng matanda. “Tandaan mo, sa pamamagitan lamang ng determinasyon, dedikasyon at pagiging mapagkumbaba, walang imposible. Lahat ay pwede nating makamit.”

Advertisement