
Naukilkil sa Isip at Puso ng Abogado ang Pagiging Tapat sa Lahat ng Pagkakataon; Babaliin Niya Kaya Ito sa Tawag ng Kaniyang Propesyon?
Babang-luksa para sa kaniyang ama.
Habang nangyayari ang padasal para sa kaluluwa ng kaniyang Papa, hindi niya maiwasang maalala ito.
Parang nakikita niya ito sa kaniyang tabi. Noong bata pa siya, madalas sila sa parke. Hihiga sa mga damuhan. Titingin sa mga umaandar na ulap. Hindi iindahin ang pagpapak ng mga lamok.
“Miguel, anak… guwapo ba ang Papa?” Magpapa-cute ito sa kaniya. Iiling siya. Totoo naman. Sabi mismo ng Mama niya. Kuwela lang ito kaya nagustuhan niya.
Kabisado na niya. Tatawa ito nang ubod-lakas. Wagas na wagas.
“Iyan ang gusto ko sa ‘yo ‘nak eh. Hindi ka sinungaling. Tama iyan ‘nak. Lagi mong tatandaan ha? Ang pagsasabi ng tapat, pagsasama nang maluwat.”
“Ano po ‘yong maluwat?” Hindi naman niya talaga alam. Masyadong malalim na Tagalog. Hindi pa malawak ang bokabolaryo niya noon. Limang taong gulang pa lamang siya.
“Maluwat… ibig sabihin, matagal at mabagal. Lagi mong tatandaan anak, kapag tapat ka, maraming may gusto sa iyo. Gugustuhin kang makasama. Saka, pagtitiwalaan ka,” paalala nito.
Hindi niya maitindihan ito noon. Saka na lamang niya naisip ang malalim na kahulugan.
Matapat na tao ang kaniyang ama subalit hindi naman ito nagtagal sa mundong ibabaw. Kung kailan ganap na abogado na siya. Kung kailan natupad na niya ang pangarap niyang maging mahusay na manananggol ng mga api. Isa siya sa mga top notchers ng BAR. Kaka-graduate lamang niya. Unang beses niyang sasabak sa trabaho. Sabik siya.
“Ma, pagkatapos nitong padasal kay Papa, kailangan ko nang umalis,” bulong niya sa ina.
“Kliyente?”
“Kliyente.”
“Oh sige… pero hindi ka ba muna kakain? Mabilis lang sana. Para may laman ang tiyan mo,” pilit ng kaniyang ina.
“Hindi na po siguro. Mamaya kakain din kami for sure. Big time ang kliyente ko,” tugon niya.
“Big time? Sino?”
“Si Mayor. Mayor Luscano.” Siya ang punong-lungsod ng kanilang bayan.
“Anong kaso niya? May naririnig-rinig akong mga alingasngas tungkol sa mayor na ‘yan.”
“Hindi siya. Para sa anak niya. Malalaman ko pa lang mamaya. Sige na, Ma. Alis na po ako.” Nagmano na siya. Bago umalis, lumapit siya sa nakatirik na larawan ng Papa niya. Hinaplos ito. Nag-antanda.
Nagmaneho na siya patungo sa “bigating” kliyente.
Ilang oras lamang, nasa munisipyo na siya. Sinalubong siya ng sekretarya ni Mayor Luscano. Sinamahan siya patungo sa pinakaitaas, sa pinakahuling palapag. Naroon ang tanggapan ng punong-lungsod.
“Mayor, narito na po si Attorney.”
“Attorney! It’s good to see you. Pasok, pasok!” malapad ang ngiti sa mga labi nito. Sinenyasan ang sekretarya. Lumabas na raw. Tumango ito, lumabas saglit. Muling pumasok. May dalang tray na kinalalagyan ng minindal.
“Yes attorney. Hindi na ‘ko magpapatumpik-tumpik pa. I need your help for my son. Ikaw ang pinili ko kasi naniniwala ako sa iyo. Imagine, kaya kong kumuha ng mas mahusay na abogado, yung may karanasan na talaga sa korte, pero ikaw ang pinili ko. I’m counting on you,” saad ng mayor.
“Ano po bang kaso?”
“Well, napagkasunduan namin ng anak ko na palayasin na ang mga taga-Amungcay, ang mga iskwater na iyan, na sabi sa akin ay susuportahan ako noong eleksyon, pero nalaman ko na hindi naman. Kinuha lang yung mga pinamigay kong pera. Pero sorry sila, nasa akin pa rin ang huling halakhak!” nakangising saad ng mayor.
“A-Amungcay? Sorry mayor, pero ang pagkakaalam ko ho, naibigay na po sa kanila ang lupang iyan. Ibinigay na po ni Mayor Teodoro sa termino niya.” Ang binanggit niya ang dating mayor na sinundan nito. Hindi lamang kalaban kundi matinding kalaban. Sampu ng kanilang pamilya at angkan.
“Yes. Pero wala na si Teodoro. I mean… ako na ngayon ang ama ng bayang ito. I can do whatever I want. Lintik lang ang walang ganti. Besides, sayang ang lupa. Puwedeng pagtayuan ng mga establishments,” saad nito. Kinuha nito ang pipa. Humithit-buga.
“Ano pong gusto ninyong gawin ko?”
“Ikaw na bahala. File a case with them. Puwede kang gumawa ng mga palsipikadong dokumento para mapaalis sila riyan. Palabasin mong sa pamilya ko ang lupa na iyan. I have to win. I have to get it!”
“At ano po ang plano ninyo sa kanila? May relocation site na po ba?”
Napatingin ang mayor sa kaniya. Humithit sa pipa. Binuga.
“Wala akong pakialam sa kanila. Hindi sila kawalan. Bumoto man sila o hindi, ako pa rin ang mananalo sa susunod na eleksyon.”
Tumayo si Miguel. Nagulat ang mayor. Kita sa mga mata nito ang pagkabigla.
“Saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos…”
“Tinatapos ko na ho, mayor. Mawalang-galang na ho. Hindi ho kaya ng konsensya ko ang pinapagawa ninyo. Hindi ho ako sinungaling.”
Matigas ang kaniyang pagbibitiw ng mga salita.
“Are you crazy? Ang pagiging abogado ay isang sinungaling na propesyon! Sa dalawang kaso, isa ang nagsasabi ng totoo, isa ang hindi. Isa ang tunay, isa ang peke.”
“Pasensiya na po. Hindi ko po mahahawakan ang kasong ito. Salamat po sa pagkonsidera, paalam ho.” At lumabas na siya ng tanggapan nito. Hindi na niya pinakinggan ang mga mura nito.
Habang nagmamaneho pauwi, muli niyang naalala ang Papa niya.
“Lagi mong tatandaan anak, kapag tapat ka, maraming may gusto sa iyo. Gugustuhin kang makasama. Saka, pagtitiwalaan ka.”
Ipinagpasalamat ni Miguel na naging matibay ang pundasyong ibinuo ng kaniyang Papa sa kaniya, pagdating sa mga paninindigan sa buhay.
Maaga mang nawala, hindi man naging “maluwat,” alam niyang ipinagmamalaki siya nito, kung nasaan man itong dako ngayon.