
Kumapit sa Patalim ang Dalagita Para sa Kaniyang Pamilya; Nagulat Siya sa Ginawa ng Unang “Parukyano” Niya
Tamang-tama. Walang masyadong mga parak. Makakatayo at makaka-display si Maritoni, 17 taong gulang. Nagmukha siyang 25 pataas sa makapal niyang kolorete sa mukha. Kayumanggi siya subalit pinilit niyang magpaputi. Nagmukhang ibinabad sa espasol ang mukha niya. Animo atsuwete ang kaniyang mga labi. Maiksi ang kaniyang shorts. Mataas ang takong ng sapatos.Halos kita ang kaluluwa niya.
Alas nuwebe y media ng gabi. Oras ng mga halang ang bituka. Mga matang mapagmatyag. Mga isip na gumigiling ng mga pakana. Unang beses na ginawa ito ni Maritoni. Tila siya isang hilaw na karneng nakalapag sa sahig at nakaabang sa mga hayok sa laman na mag-uunahang sasagpang sa kaniya. Kabadong-kabado siya. Kailangang-kailangan niya ng pera. May sakit ang lola niya. Natanggal sa trabaho ang tatay niya. Walang trabaho ang nanay niya. Bahala na, usal niya.
May huminto sa kaniyang tapat. Itim na kotse. Tila naparalisa si Maritoni. Hindi niya alam ang gagawin. Bumaba ang pamintana ng kotse, sa driver’s seat.
“Miss, gawa mo riyan?”
Hindi maaninag ni Maritoni ang mukha nito. Pero maganda ang boses. Lalaking-lalaki. May awtoridad. Subalit wala siyang pakialam. Gusto niya, pera. Kahit ano pang hitsura ng kukuha sa kaniya. Basta may pambayad.
“Magkano?” tanong ni Maritoni.
“Sakay sa loob,” utos ng lalaki. nagpalinga-linga muna si Maritoni, bago buksan ang likurang pintuan. Pumasok siya sa loob. Hindi niya alam kung bakit komportable siya sa lalaki. Hindi siya malandi. Hindi siya sanay sa lalaki. Isang lalaki lamang ang pinag-alayan niya ng pagkabirhen niya. Unang lalaking minahal at naging nobyo niya, subalit iniwan din siya at ipinagpalit sa binabae.
Tahimik na nagmaneho ang lalaki. Tantiya niya, mga 30 minuto bago pumasok ang sasakyan nito sa isang mumurahing motel. Umupa ito ng isang kuwarto. Economy. Tatlong oras.
Mabango sa loob ng silid. Puti ang kama. Sa ibabaw ay may dalawang nakasupot na tuwalya. May lumang telepono. Hawak nila ang dalawang bote ng tubig. May malaking telebisyon. Malamig naman ang aircon subalit pinagpapawisan si Maritoni. Butil-butil.
Naupo ang lalaki sa kama. Ngayon lamang niya ito napagmasdan. May hitsura naman, mukhang malinis. Matangkad. Tantiya niya ay nasa 40 hanggang 45 taong gulang. Hindi kalakihan ang pangangatawan.
“Maghuhubad na ba ako?” tanong ni Maritoni.
Natawa ang lalaki.
“Sabi ko na nga ba. Bago ka lang. Hindi mo pa alam ang gagawin mo. Bakit mo ba ginagawa iyan?” untag ng lalaki.
“Ano ba? Hindi naman teleserye ito kaya simulan na natin,” saad ni Maritoni. Hinubad niya ang blusa. Lumitaw ang malulusog niyang dibdib.
“Huwag, anak. Nagtungo ako rito upang makipag-usap lamang,” saad ng lalaki. Pumikit pa ito.
Muntik matawa si Maritoni.
“Anak? Tinawag mo ‘kong anak? Ano, tatay ba kita? O sugar daddy?”
“Anak, may pag-asa pa. Hindi mo kailangang gawin ang mga bagay na ito. Unang kita ko pa lamang sa iyo, alam kong may matindi kang pinagdaraanan. Alam kong nangangailangan ka ng tulong. At alam kong hindi mo talaga ginagawa ito.”
“Sino ka ba talaga?” Anong pinagsasasabi mo?” nagtatakang tanong ni Maritoni.
“Isa akong pari. Isinama kita para mailayo sa posibleng putik na kalubluban mo kapag ipinagpatuloy mo iyan, anak. Hindi sagot ang pagbebenta ng katawan. Maraming paraan. Manalig ka sa Diyos at tutulungan ka Niya.”
Binunot ng nagpakilalang pari ang kaniyang pitaka. Naglabas ng limang libo. Iniabot sa kaniya.
“Gamitin mo ito bilang simula. Huwag kang magtungo sa isang bagay na hindi sigurado. Huwag kang masadlak sa isang bagay na alam mong hindi ka na makakalabas dahil nakasanayan mo na.”
Napahagulhol si Maritoni.
“Hindi po ako ganito, Father. Hindi po ako ganito. Kinailangan ko lamang pong kumapit sa patalim! Para sa pamilya ko po, Father…”
“Lahat naman tayo, hindi lamang nabubuhay para sa sarili lamang. Nabubuhay tayo para sa ating kapwa, lalo na sa ating mga mahal sa buhay. Pero huwag mo ring kalimutan ang sarili mo.”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Maritoni sa mga pangaral ng pari. Lumabas na sila sa motel. Muli siyang ibinaba ng pari sa lugar kung saan sila unang nagkita. Walang nangyari sa kanila.
“Maraming salamat po Father. Hindi ko po makakalimutan ang gabing ito. Salamat po sa pagliligtas sa akin,” pagpapasalamat ni Maritoni.
“Gamitin mo sa tama ang perang ibinigay ko sa iyo. Magsimula kang muli. Pagpalain ka ng Diyos,” saad ng pari, at umalis na ito. Nakalimutan niyang tanungin ang pangalan nito.
Ibinigay ni Maritoni ang kalahati ng pera sa kaniyang tatay. Pambili ng gamot para sa kaniyang lola.
Kinabukasan, nagtungo ang kanilang kapitbahay sa kanila. May nagpapahanap daw sa kaniya ng kasambahay. Inalok si Maritoni. Tinanggap naman niya ito.
Naalala ni Maritoni ang sinabi ng pari. Totoo nga. Magtiwala lamang sa Kaniya. Nanalangin siya nang taimtim. Totoong hindi Siya natutulog.