Inday TrendingInday Trending
May Nagmumulto Raw sa Loob ng Laboratoryo ng Paaralan; Ito nga Kaya ang Nawawalang Lab Technician?

May Nagmumulto Raw sa Loob ng Laboratoryo ng Paaralan; Ito nga Kaya ang Nawawalang Lab Technician?

Nagulantang ang bagong gurong si Rachelle nang katukin siya ng roaming guard ng paaralang pinagsisilbihan. Nasa Science laboratory siya ng mga sandaling iyon.

“Nakakagulat ka naman, manong…” naisaloob na lamang ng guro sa guwardiya. Nakatutop ang kaniyang kanang kamay sa kaniyang dibdib. Talagang nagulat siya. Buhos na buhos ang kaniyang atensyon sa ginagawa. Nagwawasto siya ng mga pinasang worksheet ng mga mag-aaral, sa aralin niya kanina hinggil sa pagda-dissect ng palaka.

“Pasensiya na po, Ma’am,” paghingi ng paumanhin nito. “Gabi na po kasi…”

Napasulyap si Rachelle sa kaniyang relo. 7:00 nang gabi. Masyado siyang napasarap sa ginagawa. Oras na nga para umuwi. Naalala niya, tuturuan pa pala niya ang kapatid sa mga takdang-aralin nito. Hindi puwedeng pabayaan.

“Sige po, manong, magliligpit na po ako. Salamat sa paalala.”

Sinimulan niyang salansanin ang mga papel. Inilagay sa loob ng malaki niyang folder. Hindi pa rin umaalis ang guwardiya.

“Buti Ma’am, wala po kayong nararamdaman ditong kakaiba?”

“Kakaiba? Wala naman po. May dapat ba akong maramdamang kakaiba?” usisa ni Rachelle.

“May nagmumulto raw po kasi rito. Yung dating lab technician. Hindi na po siya natagpuan, Ma’am. Ang sabi, sumakabilang-buhay na raw siya, dahil pinagsamantalahan. Hindi naman natagpuan ang bangk@y niya. Hanggang ngayon, hindi malaman kung buhay pa ba siya o wala.”

Ang totoo niya, may nararamdaman talaga siyang kakaiba sa laboratoryo na iyon, lalo na kapag napapatingin siya sa modelo ng bungo at kalansay, na nakadisplay sa loob ng estante. Pakiramdam niya kasi ay nakatingin ito sa kaniya. Hindi na siya nagtanong pa kung ano ang gamit nito. Bilang guro ng Science, alam niyang ito ang ginagamit sa pagtuturo ng skeletal system.

“Tinatakot mo naman ako, manong. Kung may nararamdaman man ako ngayon, eh nagugutom na ako. Saka kung may multo man talaga, eh ‘di sana hindi ako tumagal dito sa pagche-check,” nasabi na lamang ni Rachelle.

Matapos ang ilan pang pagliligpit, umuwi na siya.

Sa pagdaan ng mga araw, marami ngang naririnig na kuwento si Rachelle tungkol sa isinalaysay ng guwardiya. Hanggang ngayon daw, wala pang balita kung nasaan ang nawawalang lab technician. Isang magandang guro. Subalit may mga tsismis na kumakalat sa kaniyang mga kapwa-guro.

“Ang sabi eh sumama raw sa nobyo niya ‘yun, kaya hindi pa nakikita!”

“Naglayas raw kasi ayaw na sa mga responsibilidad niya sa pamilya!”

“Hindi namin alam eh… nasaan na nga kaya si Ma’am Cathy?”

Mga tanong na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan.

Isang araw, habang naglalakad patungo sa kaniyang klase, nakasalubong niya ang punungguro. Mataba ito at nakakalbo na. Si G. Sagun. Hindi maunawaan ni Rachelle kung bakit kakaiba ang mga titig nito sa kaniya. Parang tumatagos sa kaniyang uniporme ang mga titig nito. Tila nanghuhubad.

“Hi. Ikaw yung bagong lab technician at Science teacher namin, hindi ba?”

“O-Opo sir. Ako nga po,” kiming tugon ni Rachelle.

“You’re pretty…”

Kinikilabutan pa rin si Rachelle kapag naaalala niya ang mga papuri sa kaniya ng matandang punungguro. ‘You’re pretty.” Hindi naman masama ang sinabi nito, pero parang nakaka-off lang sa pakiramdam niya. Naasiwa siya na hindi niya maintindihan. Mas kinikilabutan pa siya sa paraan ng pagtingin nito sa kaniya, kaysa sa kuwento-kuwento ng multo sa loob ng laboratoryo. Gabi na noon, at maya-maya lamang ay tiyak na iikot na naman ang guwardiya.

Saka niya naalala ang buto’t kalansay sa loob ng estante.

May kung anong puwersang nagtulak sa kaniya upang lapitan ito. Kinuha niya ito at sinuri. Matigas na matigs ito. Hindi gawa sa plastik. Itinuktok niya ito sa semento. Kakaiba ang tunog. Makinis ang bungo at mga buto. Parang sa totoong tao?

Nagulat na lamang siya nang may biglang tumakip sa kaniyang bibig. Nagpumiglas siya. Nakatakip ang mukha ng lalaki.

“Gusto mo bang matulad sa kaniya? Sumunod ka na lang sa gusto ko…”

Mabuti na lamang at may sapat na kaalaman sa martial arts si Rachelle. Sinipa niya ang pagkalalaki nito. Umaringkingking sa sakit. Kinuha niya ang mga buto ng kalansay at pinaghahampas dito. Pagkakataon upang hablutin ang bonet na nakataklob sa mukha nito. Nagulat siya.

Ang punungguro.

“Ikaw?”

Saka dumating ang guwardiya at nasaksihan nito ang mga pangyayari.

Matapos ang pagdulog sa pulisya, naungkat ang lihim ng punungguro. Ito pala ang naging dahilan kung bakit nawala ang dating lab technician. Ang mismong bungo at mga kalansay sa laboratoryo ay mismong bangk@y nito. Buong akala ni Rachelle, ito ay isang ordinaryong modelo lamang ng skeletal system.

Kaya marahil nagmumulto ito ay dahil sa hindi pa matahimik ang kaluluwa. Hindi pa rin mailibing-libing ang kaniyang bangk@y.

Nabigyang-hustisya ang pagkawala at pangmomol*stya ng punungguro sa lab technician. Pinili na lamang ni Rachelle na magpalipat ng ibang paaralan upang mabaon sa limot ang madilim na bangungot ng kahapon.

Advertisement