
“Malambot” Kumilos ang Unico Hijo ng Mag-asawa; Paano na ang Pangarap Nila Para sa Kaniya?
Taong 1995.
Pinagmamasdan ni Resty ang kaniyang unico hijo na si Lemuel. Wala siyang pakialam kung makalat na naman ang bakuran dahil sa mga pinagkukukuhang dahon ni Lemuel para sa lutu-lutuan, o dahil kinalkal na naman nito ang mga buhangin para gawing kanin.
Lutu-lutuan. Larong pambabae.
“Ikaw naman… hayaan mo lang. Bata pa ‘yan. Ganiyan talaga ang mga bata,” sansala sa kaniya ni Lerma, misis niya.
“Wala naman akong masamang tinapay sa mga binabae, pero siyempre, may pangarap ako para kay Lemuel. Gusto ko, magkapamilya siya. Paano na ang apelyido ko? Hindi na maipapasa?”
“Ikaw talaga, Resty. Masyado kang paranoid. Sa ‘yo na mismo galing. Walang masamang tinapay sa ‘yo. Bakit alalang-alala ka ngayon?”
“Eh bakit ikaw? Hindi ka ba nag-aalala? Ayaw makipaglaro sa labas. Ayaw makipaghabulan. Hindi nakikipagbasketball. Nakikita mo ba ang pitik sa mga daliri niya?” usig ni Resty sa misis.
“Nakikita. Pero kung totoo man ang hinala mo, alam mo ba ang gagawin ko?”
“Ano?”
“Patatayuan ko pa siya ng parlor! Bongga ‘di ba?”
“Sira-ulo ka! Kunsintidora!”
Hanggang sa dumating ang panahong kailangan nang magpatu*li ni Lemuel. Abot sa langit ang pag-atungal nito. Si Resty ang naglalanggas sa kaniya, kasama pa ang pangaral.
“Anak, ingatan mo iyan ha, magiging sandata mo ‘yan para makabuo ka rin ng pamilya mo balang-araw. Pero huwag muna ngayon o bukas o sa susunod. Kakatu*li lang sa ‘yo,” pagbibiro ni Resty.
Sa pagtuntong ni Lemuel sa ika-14 na taong gulang, kasibulang-gulang, mas naging kapansin-pansin ang pagkamalambot nito. Laging mga babae ang kaibigan.
“Mukhang kumpirmado talaga. Wala na ba tayong magagawa para maituwid pa siya?” minsan ay naitanong ni Resty sa misis. Papatulog na sila noon.
“Wala tayong dapat gawin. May nabasa ako. Kapag lalo raw pinipigilan, lalong sumisige. Kaya hayaan mo lang. Baka mamaya magrebelde.”
Isang araw, masinsinang kinausap ni Resty ang kaniyang anak. Tinawag niya ito.
“Bonding tayo ‘nak,” sabi niya.
Kitang-kita niya ang pagningning ng mga mata ni Lemuel.
“Yehey! Ano po?”
“Tara. Magbihis ka.”
Kompletos rekados. Nakapambasketball silang mag-ama. Nagtungo sila sa basketball court ng kanilang subdibisyon.
“Nak, tuturuan kita magdribol, saka makapuntos ng tatlong puntos,” saad ni Resty. Binuslo niya ang bola. Pasok! Ipinasa ang bola sa anak. Tinitigan lang nito.
“Ipasok mo! Ihagis mo sa ring!”
Ginawa ng anak. Sup*t. Gumulong ang bola. Kitang-kita ni Resty kung paano kumendeng ang unico hijo upang habulin at kunin ang bola.
“Wala na ‘to. Kumpirmado,” bulong ni Resty. Lalo pang umigting ang kaniyang obserbasyon dahil dumating ang mga tunay na manlalaro ng basketball. Mga hubad-baro. Kitang-kita niya kung paano nanlaki ang mga mata ng anak.
“Tara na Lemuel, uwi na tayo.”
“Pa… mamaya na po, maglalaro pa po tayo ‘di ba…”
“Lemuel, uuwi na tayo!”
Walang nagawa si Lemuel. Bagsak-balikat. Hahabol-habol na lamang ng sulyap sa “masarap” na panginorin, nakatatakam na tanawin.
Matuling lumipas ang panahon. Napansin ni Resty na nagbago naman si Lemuel, lalo na sa panahon ng kolehiyo. Lagi itong nagpupunta sa gym upang magpaganda ng katawan. Hindi na rin siya malambot. Lalaking-lalaki kung magsalita, manamit, at kumilos.
“Mukhang nasa tuwid na landas na ang anak natin,” saad ni Resty sa misis nang minsang nanonood sila ng telebisyon. Hindi naman kumibo si Lerma.
Dumaan pa ang panahon at nakatapos na rin ng pag-aaral ang anak. Magna cum laude. Tuwang-tuwa si Resty sa malaking karangalang natamo ng unico hijo.
Habang kumakain sa hapag-kainan para sa kanilang salusalo, may sinabi si Lemuel.
“Pa, Ma, ipapakilala ko po sa inyo bukas ang girlfriend ko, si Trixie.”
Bumadha ang kasiyahan sa mukha ni Resty.
“Talaga, anak? Sige, sige, magpapahanda tayo nang masarap na pagkain!”
Pinaghandaan nila ang araw na iyon. Nagluto si Lerma ng picadillo, adobo, at menudo. Mga paborito ni Lemuel. Maya-maya, dumating na nga ito kasama ang girlfriend.
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Resty.
Isang transg*nder ang tinutukoy nitong girlfriend.
“Pa, si Trixie po… kilala na po siya ni Mama. Sana matanggap po ninyo na hindi ako straight. Alam ko po mataas ang inaasahan ninyo sa akin, pero ito ako Pa. Tanggap ako ni Mama. Sana kayo rin po…” naiiyak na sabi ni Lemuel.
Natawa na lamang si Resty.
“Matagal na kitang tinanggap, anak. Bata ka pa lang, alam ko na. Nagulat lang ako ngayon. Pero lagi mong tatandaan, mahal na mahal ka namin ng Mama mo, at hindi mababago ‘yan, kahit ano ka pa…”
Sumambulat ang iyak ni Lemuel. Niyakap niya ang kaniyang ama. Pakiramdam niya’y lumaya siya mula sa hawlang siya pala mismo ang nagkulong sa kaniyang sarili. At masaya nilang pinagsaluhan ang mga nakahain sa hapag-kainan.