
Lumuwas ng Maynila ang Ama Upang Magbakasakali sa Pagiging Karpintero; Susukatin Ba Nito ang Kaniyang Matatag na Prinsipyo?
Pasipol-sipol habang naghahalo ng graba at semento ang karpinterong si Terio, 48 taong gulang, tubong Camiguin. Kaluluwas lamang niya sa Maynila. Nagbabaka-sakaling makatisod ng magandang kapalaran para sa pamilya. Tatlo ang anak niya. Dalawang babae, isang lalaki. Mahirap malayo sa pamilya.
Subalit para sa katulad niyang pursigido sa buhay, titiisin niyang malayo sa kanila. Tiis-tiis lang. Kahit lungkot na lungkot na siya.
“Terio, masaya ka ah? Porke’t suwelduhan na bukas?” bati sa kaniya ni Mando, ang piyon. Kapapasok lamang ni Terio sa construction site na iyon. Salamat sa kapitbahay niyang si Sinong na nakapalagayang-loob niya. Dalawang buwan na siyang nagtatrabaho roon. Sa wakas, sasahod na siya. Makakapagpadala na siya.
“Oo p’re. Nagte-text na nga si misis,” natatawang tugon ni Terio. Nagsusukat naman siya ng mga kahoy.
“Sana lang may pondo kompanya kasi kung sasabihin na naman ni Taba na walang pondo, suwitik, wala na. Nganga.”
Napakunot ang noo ni Terio. Si “Taba” ang pagador nila. Siya ang nakatokang magpasuweldo sa lahat ng mga manggagawa. Mukha itong aparador sa laki kaya tinatawag sa bansag na Taba.
“Imposibleng mawalan. Bakit magpapagawa sa atin kung walang pondo?” sansala naman ni Terio.
Napangisi si Mando.
“Hindi mo pa nga pala alam. Kinikilo ang suweldo rito. Sasabihin ni Taba, walang pondong pampasuweldo kasi nag-overprice ang mga materyales. Pero may kilo. Ibig sabihin, ibebenta mo sa kanila yung tunay mong suweldo. May taga ‘yon, sampung porsyento. Kaya ikaw na gipit, wala kang magagawa. Kailangan mo eh,” paliwanag ni Mando.
“Hindi yata tama ‘yon ah. Bakit walang nagrereklamo?”
“Magrereklamo ka pa, eh ‘di nawalan ng kuwarta! Kaya nga nagsiluwas din sa probinsiya ‘yang mga kasama natin dito, kasi gustong magkapera. Pipikit ka na lang,” tugon ni Mando.
Napailing na lang si Terio. Marami talagang mapagsamantala sa mundong ito. Kailan kaya mababago ang mga ganitong klaseng suliranin?
At natapos na naman ang maghapong paggawa. Mapalad si Terio at ang ilang mga kasamahan. Pinayagan silang matulog sa construction site. Marami sa kanila, gustong makatipid ng pamasahe. O kaya naman, malayo ang uuwian.
Sa mga oras ng pag-iisa, kinakausap na lamang ni Terio ang kaniyang misis sa pamamagitan ng video call. Para kahit paano, maibsan ang kaniyang pangungulila.
“Musta kayo diyan? Kumain na kayo?” tanong ni Terio sa misis na si Iday. 9:00 ng gabi.
“Oo. Tulog na mga bata. Pinatulog ko na. Ikaw ba? Baka hindi ka pa kumain?”
“Kumain na…” tugon ni Terio. Kahit ang totoo, biskwit lang ang kinain niya.
“Baka naman nagkakasakit ka na diyan? Uwi ka na rito. Kailangan sa hacienda ng magsasaka. Sama ka na lang kina Tatay Pilo.”
“Ano ka ba naman. Kaya nga ako umalis diyan. Ayoko na pagod na ako. Dito mas maraming pagkakakitaan. Malapit na nga pala akong magpadala. Abangan mo,” sansala naman ni Terio.
“Sige… basta huwag mong pababayan ang sarili mo. Saka huwag kang mangangaliwa. Baka naman babae ang hinahanap mo diyan,” kunwa’y nagseselos ang misis.
“Hindi ah. Ikaw lang sapat na. Baka nga ikaw ang naghahanap diyan…” balik naman ni Terio.
“Hindi rin. Oh siya magpahinga ka na. I love you, ingat ka!”
Sabado. Hanggang alas kuwatro ng hapon lamang ang gawaan. Nakaabang na ang mga manggagawa. Mahuhugasan na naman ang isang linggong pagod, ngunit isang araw lamang mararamdaman ito. Nakalista na ang mga bayarin. Nakalista na ang mga utang na dapat bayaran. Nakalista na ang halaga ng intrega kay misis, padala sa pamilya, at pang-aliw sa sarili.
Dumating na ang pagador. Siya ang pinakamachong lalaki sa paningin ng lahat.
“Hep hep, pila na kayo. Walang pera ah? Kilo tayo. Kapag ayaw ninyo, bahala kayo,” saad ni Taba.
Nagsipila na ang mga manggagawa.
Nang si Terio na, nagulat siya nang makitang kalahati lamang ang matatanggap niya, batay nga sa kilo. Ikinaltas daw ang kaniyang nabasag na hollowblocks noong nakaraan.
“Maawa naman kayo sir. Kailangan ho ng pamilya ko—“
“Oh sige, alis ka na rito?” maanghang na saad sa kaniya ni Taba.
Walang nagawa si Terio. Naiiyak siya. Kulang na kulang ang maipadadala niya. Kapag ipinadala niya lahat, wala nang matitira sa kaniyang pera.
“Ganiyan talaga sila rito p’re, kapag nagsalita ka, mapapahamak ka pa,” saad naman ni Mando.
Para siyang binangag na aso.
Linggo. Naisipan ni Terio na maglakad-lakad sa loob ng construction site. Wala ang mga guwardiya. Day off. Katatapos lamang niyang lumabas. Nagpadala siya sa pamilya. 500 piso na lamang ang natitira sa kaniya. Lahat ibinigay niya kay misis.
Bahala na, saad niya.
Sa kaniyang paglalakad, naispatan niyang bukas ang opisina sa loob ng construction site. Ito ang opisina ni Taba. Mukhang pumasok ito ngayon.
Linggo ngayon. Bakit narito ‘tong kumag na ‘to?
Dahan-dahan siyang lumapit sa bandang likuran ng pinto. Bahagya siyang sumilip. Nanlaki ang mga mata niya. Nakakita siya ng “umaatikabong eksena” na hindi niya kailangang makita. Ang suwitik na Taba, ginawang motel ang opisina. Dito pa dinadala ang kalaguyo. Kilala niya ang misis nito, at tiyak siyang hindi ito ang kinakabayo nito ngayon sa mismong mesa pa. Kitang-kita niya ang pag-alog ng malaking tiyan nito.
Bastos. Isumbong kaya niya sa may-ari?
Ngunit ang mas nahagip ng kaniyang mga paningin ay ang bag nito, na hindi na siguro namalayang nasa labas. Dahan-dahan niya itong kinuha. Nanlaki ang kaniyang mga mata pagsilip niya sa loob. Pamilyar sa kaniya ang mga maliliit na sobre na ibinibigay sa kanilang mga manggagawa. Kumuha siya ng isa.
Napakaraming pera!
May kung anong demonyong bumulong sa kaniya. Kunin mo na. Kapag kinuha mo na iyan, uwi ka na sa probinsya. Wala silang habol sa iyo, hindi naman nila alam kung taga saan ka. Ganti mo na iyan sa kaniya.
Kukunin na sana niya ang pera nang tumunog ang kaniyang cellphone. May nag-text. Misis niya. Binasa niya ang mensahe.
“Mahal, best in conduct ang bunso natin, may award siya sa school.”
Tila pinitik ang ulo ni Terio. Nawala ang demonyong bumubulong-bulong sa kaniya. Naalala niya, siya pala ang nagturo sa kaniyang mga anak, na kahit mahirap lamang sila, kailangan nilang maging tapat at mabubuting mga bata. Kahit na salat sila sa kayamanan, ang mabuting kalooban ang kanilang maipagmamalaki para sa lahat.
Agad na siyang lumayo sa “tukso.” Alam niya, gagantimpalaan din siya ng Diyos at magbibigay rin sa kaniya ito ng magandang trabaho.
Hanggang sa inaya siya ni Mando na lumipat sa ibang construction site na nangangailangan din ng mga manggagawa. Pakyawan daw. Pumayag siya. Mas maayos ang naging pagtrato sa kanila roon, maayos ang pasuweldo, at may bonus pa.
Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Terio sa Diyos dahil hindi siya pinabayaang mabulid sa tukso, mahulog sa kasalanan.