
Walang Kaamor-Amor ang Ina sa Kaniyang Anak; Malalim na Peklat Pala ang Ugat Nito
“Oh, ba’t hawak mo na naman ‘yang gitarang ‘yan? Sabi nang ayaw kong nakikitang tumutugtog ka niyan eh! Hindi ka naman magaling, nakakarindi ka at parang sirang lata!” galit na galit na sabi ng inang si Carmela kay Leo.
Napayuko naman ang binata dahil sa tindi ng sakit na naramdaman buhat ng mga salita ng ina. Binitawan niya ang gitara at pumasok sa kwarto nilang magkakapatid.
“Hon, grabe ka naman dun sa bata. Hayaan mo siya, eh kung iyon ang gusto niya eh,” paglalambing naman ng stepfather na si Mario.
Si Leo ay sobrang sama ng loob na humiga sa kama. Simula pa noong una ay wala talagang kaamor-amor sa kaniya ang ina. Pinipilit niyang maging magaling sa lahat ng bagay para lang maging proud ito sa kaniya. Sa eskwela ay matataas ang kaniyang marka. Ni minsan ay hindi siya nasangkot sa anumang gulo ‘di tulad ng mga kaedad niya. Isa sa mga pinakamahal niyang gawain ang pagtugtog ng gitara, ngunit kahit mahusay siya doon at nananalo sa mga patimpalak, imbis na matuwa at ipagmalaki siya, labis pa na nagagalit ang ina sa kaniya. May mga nagsasabing may talento raw siya doon ngunit mas nangingibabaw sa isip niya ang panlalait ng ina sa kaniyang ginagawa.
“Kung inuuna mo ang pag-aaral mo at hindi sinasayang ang oras mo sa mga ganitong walang kwentang bagay, baka matuwa pa ‘ko sa’yo!” tandang-tanda niyang sabi nito.
Sa murang isip ay hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang galit ng ina sa kaniya. Minsan ay sumasagi nga sa isip niya na baka ampon lang siya. Ang ama naman niya ay pumanaw na noong limang taong gulang pa lamang siya kaya’t wala siyang mapagtanungan. Siguro nga ay sadyang hindi lang siya kamahal-mahal.
Kapag ganitong lugmok ang kaniyang pakiramdam ay sa musika niya ibinubuhos ang lahat, ngunit iyon ang isang bagay pa na talagang ikinagagalit ng kaniyang ina. Namana lang niya ang gitara sa amang namayapa at noon ay nagtatago pa siya para lang makatugtog. Ngunit ngayon nga, parang gusot niya na ring sukuan ang musika. Tila ba ito kasi ang lalong naglalayo sa kanila ng ina.
Kinabukasan sa eskwela, sakto naman na napili si Leo na tumugtog at kumanta sa kanilang graduation day. Matagal na siyang ‘di nakakahawak ng gitara at alam niyang hindi siya magaling dahil iyon ang sabi ng ina niya…
“P-pero Ma’am, hindi po talaga ako magaling. Tunog lata d-daw po ako tumugtog at m-masakit sa tainga,” hiyang-hiyang tanggi ni Leo sa harap ng buong klase. Tawanan naman ang lahat dahil sa pagkautal at pamumula ng mukha niya. Lalong nawalan ng kumpiyansa sa sarili si Leo.
“Naku eh narinig nga kita noong isang beses, magaling ka ah!” sabi ng gurong si Ms. Santos. Nagsihirit na rin ang mga kaklase niya at gusto rin daw siyang makitang tumugtog. Dahil sa pagpuri ng mga ito ay para tuloy gumaang ang loob niya. Parang gusto niya tulo na subukan… pero tiyak magagalit ang ina.
Pagkatapos ng klase ay nilapitan ni Leo ang guro at sinabi ang agam-agam sa gagawin. “Hindi po talaga ako magaling, kahit sabi nga ni mama. At saka po, tiyak magagalit iyon,” malungkot na sabi ng binata.
Naantig naman si Ms. Santos sa sinabi ng estudyante. Alam niyang gustong-gusto nito na gawin iyon ngunit napipigilan lang ng hiya at kawalang kumpiyansa sa sarili. Isa pa, naniniwala ang guro na ang talentong ibinigay ng Diyos ay dapat lang ibahagi sa iba. Dahil doon, naisip niyang kausapin ang ina ni Leo patungkol doon.
Walang alam sa nangyari, umuwi si Leo sa bahay at sumalubong sa kaniya ang galit na galit na si Carmela. Pinagbabato siya nito ng kung anu-ano ngunit pinakamasakit ang mga salita nito.
“Ano ha?! Kukuntsabahin mo pa pati titser mo para lang magawa mo ang gusto mo?! Pinapalabas mo ba na masamang nanay ako, ha?!” galit na sabi nito. Mabuti na lang at inawat ito ni Mario. Saka lang nagkalakas ng loob si Leo na isiwalat din ang tampong matagal nang kinikimkim.
“Naging mapagmahal na ina po ba kayo?! Bata pa lang ako puro panlalait at pagkukumpara ang ginawa niyo sa akin. Ni wala akong narinig na magandang salita sa inyo ma kahit na ginagawa ko ang best ko! Sana ‘di niyo na lang ako pinanganak kung nalulungkot ka na ganito lang ako!” umiiyak na sabi ng binata.
“Dahil sa’yo, sumakabilang buhay ang ama mo!” sigaw ni Carmela. Tila ba natigilan ang lahat sa ibinunyag ng ginang. “Naghihingalo ako nang ipinaganak ka at mahina ang puso mo. Sabi ng doctor, mamamat@y ka raw kung ‘di mapapalitan ang puso ‘mo, at ang ama mo… siya ang nagbigay ng puso para sa’yo! Nagising akong wala na siya…” hagulgol ang lahat matapos ikwento ni Carmela ang nangyari.
Magaling na musikero raw pala ang ama ni Mario kaya’t ayaw na ayaw ni Carmela ng kahit anong paalala sa masakit na nakaraan. ‘Di namalayan ng ginang na sa pagluluksa niya sa pagkawala ng kaniyang mahal na asawa, napalayo na ang loob ng anak niya sa kaniya.
Matapos ang madamdaming gabing iyon, walang salitang namutawi sa labi ng mag-ina. Hanggang dumating na nga ang graduation day at tumugtog si Leo sa entablado.
Halos lahat ng nakikinig ay umiiyak dahil sa tindi ng emosyon ng binata. Nang matapos ang kanta at idilat ni Leo ang mata, tuluyang tumulo ang kaniyang luha nang makita ang ina na malakas na pumapalakpak.
Pagbaba niya ng entablado ay agad siya nitong niyakap at paulit-ulit na humingi ng tawad. Nangako ang ina na babawi sa lahat ng mga nagawa nito at sa mga oras na sinayang nito sa kalungkutan. Masayang yumakap pabalik si Leo dahil unang beses niya lang maramdaman ang yakap ng ina at pakiramdam niya ay iyon na ang pinakamasayang pakiramdam sa buong mundo. Naayos ang lamat sa pagitan ng mag-ina at masaya silang namuhay. Kasama nila ang alaala ng ama na nagsakripisyo upang magpatuloy sila sa buhay nang may pagmamahal sa isa’t isa.