Isang Nanay ang Nagtanggol sa Kaniyang Anak Mula sa Pabibong Kaklase, Mabibilaukan lang Pala Siya sa Huli

“Ano!? Pinahiya ka kamo ni Tricia? ‘Yung anak ni Juanita sa palengke?! Aba nga naman, mukhang sinusubukan talaga ako ng mag nanay na iyon!” baling ni Aling Rose sa kaniyang anak.

“E, mommy, totoo naman talaga na nangongopya at nangongodigo ako, ‘di ba? Alam mo naman ‘yun at alam na rin ng ibang kaklase ko ‘yun pero hindi naman sila nagsusumbong hindi katulad ni Tricia!” iyak pa ni Barbie ang anak ng babae.

“Alam ko, alam na alam kong totoo iyon pero para isumbong ka pa at ipatawag pa ako sa eskwelahan ay malaking kahihiyan! Bakit niya kailangan mangialam ng style mo sa pag-aaral at sa pagpasa?! Wala siyang pakialam kahit mangopya ka pa ng limang daang beses dahil buhay natin ‘to. Humanda sa akin ang batang iyan!” baling pang muli ng ale sa kaniyang anak at tinikom pa nito ang kaniyang kamao sa galit.

Presidente ng PTA si Aling Rose at bukod sa marami siyang koneksyon ay isa rin sila sa may kaya sa kanilang lugar na siyang palaging niyayabang ng babae sa mga kaibigan nito.

“Hoy, Juanita, alam mo ba ‘yang ginawa ng anak mo sa anak ko? Ang lakas din naman talaga ng anak mong mamahiya ng kaklase e kung tutususin ay napakababa niyo para sa mga katulad namin!” sugod ni Aling Rose sa ale.

“Ano ka ba naman, Rose, pati ba naman away ng mga anak natin ay papakialaman mo? Pinagsabihan ko naman na ang anak ko at alam naman namin ang lugar namin kaya utang naloob lang ay tigilan mo na ako, kahit alam mo naman na mali naman talaga si Barbie,” iritableng sagot ng ale habang nagtatali ito ng kangkong.

“Aba nga naman, palengkera ka talaga hindi lang sa gawa maging sa asal mo! Hoy, Juanita, baka nakakalimutan mo, kayang-kaya kitang paalisin sa talipapa na ito sa oras na siniraan kita sa mga amiga ko! Sa oras na malaman-laman ko lang talaga na binangga na naman ng anak mo ang anak ko ay malilintikan ka na talaga sa akin!” babala pang muli ni Aling Rose.

Hindi naman nagsalita si Aling Juanita at tiningnan lamang nang masama ang ale.

Advertisement

Habang si Aling Rose naman ay sinimulan na ang pagkalat ng kung ano-anong tsismis tungkol kay Aling Juanita dahil sa inis pa rin nito sa babae. Hindi pa siya nasiyahan dito dahil inabangan pa talaga niya si Tricia sa gate ng eskwelahan para kausapin.

“Tricia, kilala mo naman siguro ako, hija?” bating tanong ni Aling Rose sa dalaga saka ito hinatak at pumilit ng ngiti lalo na nga at maraming pang taong nandoon. Hindi naman umimik si Tricia at walang nagawa kung ‘di ang sumunod nang hatakin siya ng ale.

“Nasasaktan po ako,” mahinang bulong ni Tricia rito habang pumapalag sa pagkakahatak sa kaniya ng babae.

“Masasaktan ka talaga kapag hindi ka umayos,” sabi ni Aling Rose habang nakangiti pa rin sa mga taong nakakasalubong hanggang sa madala niya ang bata sa likod ng isang jeep na nakaparada.

“Ikaw, kung ayaw mong maging sakit sa ulo sa nanay mo ay tigilan mo ang anak kong si Barbie! Hayaan mo, huwag mong bantayan ang anak ko lalo na sa eskwela! Kung naiinggit ka dahil maganda at mayaman si Barbie ay hindi ko na kasalanan ‘yun. Isa pa, huwag na huwag mong sasabihin na nangongopya siya kaya mo siya sinumbong dahil lahat ng mga estudyante’y pinagdaraanan ‘yun! Normal sa hayskul ang ganoon kaya huwag kang pabibo dahil hindi nakakatuwa!” baling kaagad ni Alin Rose kay Tricia at dinuro-duro pa ang dalaga.

“Grabe, mas malala pa pala kayo kay Barbie!” singhal na reklmano ni Tricia sa ale at pumalag sa mahigpit na pagkakahawak nito sa kaniya.

“Tingnan mo nga naman, akala ko ba kinausap ka na ng nanay mo e bakit wala ka pa ring galang katulad niya! Mga palengkera nga kayo!” sagot din ni Aling Rose rito.

“Alam niyo sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung anong klaseng pagpapalaki ang ginawa niyo sa anak niyo. Dahil ako, kahit minamaliit niyo ang nanay ko sa pagiging tindera sa palengke ay walang ginawa iyon kung ‘di ipaalala sa akin ang mag-aral nang mabuti at huwag na huwag mandaya dahil wala akong mararating sa buhay,” baling din ni Tricia rito at tinaasan niya lalo ang kaniyang noo.

Advertisement

“Wala kasi kayong pera! Wala kang tatay, tindera lang ang nanay mo, ni bagong salawal nga yata ay wala ka!” pang-aasar pang muli ni Aling Rose sa dalaga.

Saglit na huminga nang malalim si Tricia at ipinikit ang kaniyang mga mata.

“Kung ikakahanga niyo po na walang alam ang anak niyo, sige, hahayaan ko na kayo. Malapit na kami magtapos pero hindi pa rin yata marunong sa division si Barbie dahil kinukunsinti niyo ang pangongopya at pangdaraya niya sa mga pagsusulit. Nawa’y magawa niya iyon kapag nasa kolehiyo na kami o kapag may trabaho na siya. Kasi sa totoong buhay, walang kodigo at mas lalong walang kumukuhang empleyado na walang alam! Higit sa lahat, nawa’y masuportahan ng pero niyo si Babrbie hanggang pagtanda dahil kung bukas makalawa man ay bigla kayong kuhanin ni Satanas, kawawa naman ‘yung anak niyo, inutil na nagpapanggap sa mundo. Isipin niyo na lang, isipin niyong mabuti kung may pakialam talaga kayo sa buhay ng anak niyo! Hindi lahat ng bagay o pagkakataon ay pwedeng dugain, kopyahin, o bayaran, tandaan niyo ‘yan!” matapang na binitiwan iyon ni Tricia saka umalis.

Hindi naman nakapagsalita si Aling Rose at napanganga siya. Hindi niya akalain ganoon katapang si Tricia at mas lalong hindi niya akalain na tama ang lahat ng mga sinabi nito. Napaupo siya sa jeep at napaiyak. Aminado siyang masyado niyang kinunsinte ang kaniyang anak at hindi niya naisip ang kinabukasan nito. Kaya naman dali-dali siyang umuwi at kinuha ng tutor ang kaniyang anak.

“Mommy, ano ba ‘yan, pwede mo naman abutan na lang ang principal para mataas ang grades ko at makasama sa top 10! Bakit kailangan ko pang mag-aral!” reklamo ni Barbie sa kaniya.

“Anak, baka masampal kita nang wala sa oras kaya kung ako sa’yo ay mag-aaral ako dahil tama si Tricia! Hindi ka pwedeng bobo! Hindi ka pwedeng inutil dahil lang may pera tayo! Hindi ito para sa kaniya kung ‘di para sa’yo. Kaya mag-aral ka!” sigaw ni Aling Rose sa kaniyang anak.

Hindi na rin niya pinakialaman pa si Aling Juanita at ang anak nito. Nang makapagtapos ay valedictorian si Tricia at doon nakita ni Aling Rose ang tamang pagpapalaki ng ale sa kaniyang anak. Simula noon ay hindi na niya hinayaan pang manduga o mangopyang muli si Barbie.