Binalikan ng Dalaga ang Kababatang Minamahal, Laking Gulat Niya nang Isang Sorpresa ang Sumalubong sa Kaniya

“Paano naman si Michael? Tuluyan mo na ba siyang iiwan?” tanong kay Yna ng kaniyang matalik na kaibigan na si Clarisse. Hindi makasagot si Yna at ipinagpatuloy ang pag-eempake ng damit habang pinipigilang tumulo ang kaniyang mga luha.

“Ang tagal-tagal kong hinintay ang pagkakataong makasama ang taong mahal ko, sa tingin mo ba matutuwa siya kapag sinama ko si Michael? Isa pa, parte lang siya ng mapait na nakaraan ko,” nanginginig ang tinig na sabi ni Yna.

Buo na ang loob niya na umuwi sa Pilipinas at balikan ang kaniyang pinapangarap na buhay, kasama ang kaniyang pinakamamahal na lalaki – si Alex. Matapos siyang pumunta sa ibang bansa para ipagpatuloy ang kaniyang pangarap, nagkawalay sila ng kababatang si Alex. Mahal na mahal nila ang isa’t isa ngunit kinailangan ni Yna na magsakripisyo para sa hinaharap nila. Naging malamig ang komunikasyon sa pagitan nilang dalawa ngunit kamakailan lang ay ‘di inaasahang nagtagpo silang muli sa Amerika sa isang meeting. ‘Di niya akalaing makikita ito doon, at tumibok muli ang kaniyang puso na para bang kahapon lang nangyari ang lahat. Simula nang magkita sila sa Amerika, bago ito bumalik sa Pilipinas ay muli silang nagkamabutihan. Nangako sila sa isa’t isang itutuloy ang naudlot na pagmamahalan. At ngayon nga, matapos ang anim na buwan na pag-aayos ng papeles, ngayon ay maaari na siyang umuwi sa Pilipinas.

Lumapag ang eroplano ni Yna sa airport, napabuga siya ng hininga. Maganda na ang kaniyang buhay, ang mahal niyang lalaki ay naghihintay sa kaniya. Dapat ay siya ang pinakamasayang tao sa mundo ngunit bakit pakiramdam niya ay may mahalagang parte ng puso niya ang naiwan sa Amerika? Kasimbigat yata ng bagahe niya ang puso niya nang mga sandaling iyon. Bago dumiretso sa bahay nila kung saan naroon ang pamilya pati na si Alex ay pilit nagpaskil si Yna ng malaking ngiti sa mukha.

Pagdating sa bahay nila masasayang bati at yakap ang sumalubong sa kaniya.

“Yna! Naku! Ang ganda-ganda naman ng pamangkin ko! Mukhang hiyang ka sa Amerika ha,” sabi ng kaniyang tiyahin. Halos maiyak naman ang kaniyang ina at ama nang yakapin niya. Miss na miss nila ang isa’t isa dahil limang taon din siyang ‘di nakauwi sa kanila. Tulad ng inaasahan, may magarbong salo-salo bilang selebrasyon. Panay ang kwentuhan at pagyapos sa kaniya ng mga kamag-anak at kababata. Napatigil ang lahat nang dumating si Alex.

“Alex!” masayang bati ni Yna sabay takbo sa bisig ng binata. Matagal silang nagsalo sa mainit na yakap, ngunit ‘di tulad ng dati na panay hirit ang mga kamag-anak nila sa kanila, tila ba ngayon ay may bulungan sa paligid niya.

“Masaya akong nakauwi ka na Yna,” sabi ng binata. Dahil sa dami ng taong nangumusta kay Yna ay hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap nang matagal ni Alex. Matagal itong naghintay na makausap siya ngunit bandang huli ay umalis na rin.

Advertisement

“Bakit ba parang hinahamig niyo ang atensyon ko at kanina niyo pa ko hinihila palayo kay Alex? Umalis na tuloy yung tao,” nagtatampong sabi ni Yna nang silang malalapit na pamilya na lang ang nandoon.

“Ate, ‘di mo ba alam? Umuwi si Kuya Alex, may dalang anak.“ sabi ng bunsong si Mary. Dahil sa sinabi nito ay nakatanggap ito ng kurot sa ina niya at matalim na tingin mula sa iba pa.

“Ano? A-anak? May anak na si Alex?” ‘di makapaniwalang tanong ni Yna. Tila ba nanlamig ang buong katawan niya. Walang nabanggit ang binata tungkol doon…

“Oo anak, sana ay makapag-usap nga kayo. At bago niyo ituloy ang kasal ay siguraduhin mong gusto mong tanggapin ang responsibilidad ng pagiging ina ng ibang bata,” sabi ng kaniyang ina. Biglang bumugso ang kalungkutang matagal nang pinipigilan ng dalaga. Naluha siya at agad na pumunta sa kaniyang silid.

Kinabukasan ay isang katok ang gumising sa kaniya. Nandoon daw si Alex, mamamanhikan, kasama raw ang batang dala nito galing Amerika. Buong gabing nag-isip si Yna sa kaniyang magiging desisyon. Sa huli ay nanaig sa kaniya ang pagmamahal, tatanggapin niya ito. Pagbaba niya ng hagdan ay bumigay ang tuhod niya nang makilala ang kasama ni Alex. Walang iba kung hindi ang anak na iniwan niya sa Amerika – si Michael!

“Yna! Ayos ka lang ba?” tila hilong-hilo si Yna sa mga pangyayari. Paano napunta kay Alex ang batang pinaampon niya apat na taon na ang nakalilipas? Paano ito naging ama ng kaniyang anak na bunga ng panghahal@y sa kaniya?

Nag-aalala na ang mga tao sa paligid lalo na nang umiyak si Yna at niyakap ang batang si Michael.

“Michael, anak! Patawarin mo si mama, Michael…” hagulgol ng dalaga. Umiiyak na pinaliwanag ni Yna ang nangyari sa kaniya sa Amerika. Baguhan pa lang siya nang isang gabing pauwi, isang lalaki ang nanamantala sa kaniya, tapos ay iniwan siyang walang malay. Takot na takot si Yna at halos ma-trauma. Sa matalik na kaibigan niya lang sinabi ang nangyari dahil ayaw niyang mag-alala sa kaniya ang pamilya. Ayaw niya ring umuwi sa Pilipinas dahil sayang ang pinunta niya doon. Kahit anong pilit nito na magsumbong siya sa mga pulis, ‘di niya ginawa. Lalong naging miserable ang kaniyang buhay nang magbunga ang kr*men. Agad niyang pinaampon ang bata dahil alaala ito ng masakit na nangyari sa kaniya. Ang kaibigan niya lang ang sumubaybay dito at minsan ay pinipilit siyang tingnan man lang ang anak sa ampunan. Nang mabalitaan niyang may mag-aampon na sa kaniyang anak ay sabi niya sa sarili na ayos lang dahil ngayon, magiging malaya na siya. Ngunit minsan sa gabi, iiyak siya hanggang sa makatulog. At ngayon nga, tila isang milagro na si Alex pa pala ang nakaampon kay Michael. ‘Di niya akalaing ganoon siya magiging masaya na mayakap sa unang pagkakataon ang anak.

Advertisement

“Mahabang kwento kung paano ko natagpuan si Michael, pero ang masasabi ko lang, ang kamay ng Diyos ang nagtulak sa akin na ampunin ang batang ito. At ngayon, naiintindihan ko na kung bakit,” sabi ni Alex na katulad ng lahat ng naroon ay may luha sa mga mata.

Nagyakapan ang buong pamilya at nagkapatawaran. Pinangako ni Yna na hindi na sasarilihin ang mga problema. Ngayon niya napagtanto na kapag mahal mo pala talaga ang isang tao, tatanggapin mo ang lahat sa kaniya. Katulad ng pagpapatawad at pagtanggap sa kaniya ng mga taong ito sa kabila ng kaniyang mga kamalian.