“Papayag kang pakasalan si Kean? Alam mo naman na may isang anak na ‘yon. Jusko! Jenny, napakaraming lalaki sa mundo. Pwede bang mamili ka ng binata, ” wika Sanya.
“Ano naman ngayon? Mahal ko si Kean, kaya mamahalin ko rin ang anak niya gaya ng pagmamahal ko sa kaniya,” nakangiting wika ni Jenny.
“Ikaw na, girl. Bilib na ako sa’yo,” naiinis na wika nito.
Simula pa lang ay alam na ni Jenny ang lahat kay Kean. Alam niyang hiwalay na ito sa asawa at may isa itong anak na nasa poder mismo ng lalaki. Pero hindi iyon naging hadlang upang mahalin niya ang lalaki. Handa siyang magpaka-ina sa anak ni Kean, gano’n niya ito kamahal.
Makalipas ang isang buwan ay naganap na nga ang kasal na matagal na nilang inaantay ni Kean. Sa wakas! Ganap na nga silang mag-asawa ng lalaking mahal niya.
“Jenny, mahabang pasensiya ang kakailangin mo upang mapa-amo ang anak ni Kean,” banta pa ni Sanya.
“Handa akong habaan ang pasensiya ko, Sanya.” Nakangiting wika ni Jenny.
Gaya nga nang sinabi niya ay ginagawa lahat ni Jenny ang makakaya niya upang mapalapit lamang ang loob kay Kesha, ang anak ni Kean sa unang asawa. Ngunit lahat ng ginagawa niya’y hindi pinapansin ni Kesha. Lagi itong nakabusangot sa kaniya at hindi siya kinakausap. Ngayon pa lang ay gusto na niyang sukuan si Kesha.
“Anong iniisip mo, mahal?” Nag-aalalang tanong ni Kean sa kaniya.
“Hindi yata ako magagawang mahalin ni Kesha, mahal.” Malungkot na wika ni Jenny. “Lahat naman ginagawa ko pero parang kay hirap abutin ni Kesha. Lagi niya akong nilalayuan at ayaw kausapin. Kapag nilulutuan ko naman siya’y hindi niya pinapansin ang niluto ko,” dugtong pa niya.
“Habaan mo lang ang pasensiya kay Kesha, mahal. Naninibago lang siya sa’yo,” mababang boses na wika ni Kean.
Gano’n na nga ang ginagawa ni Jenny, ngunit wala pa rin. Ilang buwan na silang kasal ni Kean, ngunit ang pakikitungo ni Kesha sa kaniya ay gano’n pa rin. Hanggang sa magsawa siyang amuhin si Kesha at mas piniling pabayaan na lang ito sa nais gawin. Mabubuhay siya nang normal kahit hindi pa siya imikan at pansinin ni Kesha. Ang mahalaga ang maayos silang mag-asawa.
Isang gabi ay nagising na lang si Jenny, na may nakatayong maliit na rebulto sa pintuan ng kwarto nilang mag-asawa. Nang lingunin niya ay nakita niya si Kesha, na agad ding tumakbo palayo nang mapansing gising siya.
“Kean, baka may nangyaring masama kay Kesha.” Nag-aalalang wika ni Jenny. “Teka lang at titingnan ko siya,” aniya saka ngali-ngaling lumusad upang puntahan si Kesha sa sariling silid nito.
Natagpuan naman niya si Kesha na inaayos ang pagkakahiga. Tama nga ang hinala niya na ito ang rebultong nakita niya kanina sa may pintuan nila.
“M-may kailangan ka ba Kesha?” Mahinang tanong niya.
Agad namang umiling si Kesha at patalikod na humiga. “W-wala po.” Maiksing sagot nito.
“S-sige. Matulog ka na,” aniya at akmang aalis na sana.
“S-sinilip ko lang po kayo. Nanaginip po kasi ako na lumayas na po kayo. Kaya bigla akong natakot na baka iiwan niyo rin po kami ni papa, gaya nang ginawa ni mama sa’min,” mangiyak-iyak na wika ni Kesha. “Kaya hindi po ako nakakatulog nang maayos kasi lagi po kitang binabantayan. Baka kasi bigla ka na lang umalis,” pag-amin nito.
“D’yos ko Kesha,” wika ni Jenny, saka humakbang palapit sa anak-anakan at agad itong niyakap ng mahigpit. “Hindi ko kayo iiwan ni papa mo, Kesha.”
“Pangako niyo po ‘yon sa’kin… m-mama?” wika nito na sadyang ibinitin ang huling salita.
Mangiyak-iyak siyang tumango habang may malapad na ngiti sa labi. Isang karangalan para sa kaniya ang tawagin siya ni Kesha na mama. Pakiramdam niya ay nanalo siya sa luto. Lahat ng paghihirap niya’y nasuklian ng mas higit pa sa inaasahan niya.
“Simula ngayon ay mama na ang itawag mo sa’kin ah. Tapos simula rin ngayon, doon ka na matutulog sa kwarto namin ni papa mo. Para mas mabantayan mo ako. Ayos ba iyon anak?” Masayang wika ni Jenny.
Agad namang tumango si Kesha at mahigpit siyang niyakap. “I love you po mama,” anito.
“I love you too anak.”
Mula nga noon ay mas lalong umayos ang samahan nilang tatlo. Kahit hindi niya tunay na anak si Kesha ay tunay naman ang pagmamahal na binibigay niya para sa bata. Hindi kailangang galing sa’yo ang isang bata upang mapatunayan mong isa kang ina. Ang pagmamahal nang isang ina ay walang pinipiling kahit sino.