Inday TrendingInday Trending
Nilait at Pinagtawanan ng Tatlong Empleyado ang Matandang Mensahero; Mas Magaling pa Pala Ito sa Kanila

Nilait at Pinagtawanan ng Tatlong Empleyado ang Matandang Mensahero; Mas Magaling pa Pala Ito sa Kanila

Ilang taong nang nagtatrabaho si Mang Julian sa isang opisina sa Pasig bilang mensahero kaya isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ng may-ari ng kumpanya. Kung pagtitiwala at respeto ang ibinibigay sa kaniya ng kanilang boss, iba naman ang tingin sa kaniya ng ibang empleyado.

“Ang tagal-tagal na rito ni Mang Julian, pero mensahero pa rin ang trabaho niya,” natatawang sabi ni Irvin.

“Hindi na umasenso ang matandang ‘yon. Siguro ay dahil hindi naman ‘yan nakapagtapos sa pag-aaral kaya hindi ma-promote rito!” sabad naman ni Claire.

“Mukha naman kasing tatanga-tanga ‘yang si Mang Julian kaya hanggang pagiging mensahero na lang ang trabaho niya sa kumpanya,” saad ni Renan.

“Huwag niyo masyado pagtulungan ang huklubang matanda. Paborito kaya siya ni boss,” hirit pa ni Irvin.

“Kung paborito ni boss, eh bakit mensahero pa rin? Naaawa lang si boss sa kaniya kaya naririto pa siya. Kung ako ang may-ari nitong kumpanya, matagal ko nang pinalayas ang matandang ‘yan!” nakangising sabi ni Renan sa mga kasama.

Habang nilalait ay mas lalo pang pinagtawanan ng tatlo ang pobreng matanda.

Isang araw, sinabi ng kanilang boss na magkakaroon ng awarding sa kanilang opisina. Pararangalan ang natatanging empleyado ng taon. Tuwang-tuwa naman sina Irvin, Claire at Renan dahil siguradong isa sa kanila ang mapipili.

Hindi matatawaran ang husay ni Irvin sa pagiging Sales Manager. Maganda naman ang performance ni Claire sa kumpanya bilang Accounting Manager at si Renan naman ay ang maaasahang Payroll Officer sa kanilang opisina.

“Kung sino man ang mapili sa ating tatlo, kino-congratulate ko na, ha? Kasi natitiyak kong isa sa ating tatlo ang makakakuha ng award,” buong kumpiyansang sabi ni Irvin sa dalawang kaibigan.

“Eh, sino pa bang mapipili? Tayo lang namang tatlo ang nararapat sa parangal na iyon. Ang tagal na natin sa kumpanya at walang mas hihigit pa sa performance natin,” pagyayabang ni Renan.

“Balita ko, bukod sa plake ay makakatanggap din ng pera ang masuwerteng mapipili ni boss,” sabad ni Claire.

Magkakasamang ipinagdiwang ng tatlo ang posibleng nalalapit nilang tagumpay. Lumabas sila nang gabing iyon at nag-inuman.

Dumating ang araw ng pagbibigay ng parangal sa natatanging empleyado ng taon. Excited ang mga empleyado kung sino sa kanila ang makakatanggap ng pinakamataas na parangal na taon-taong ibinibigay ng kumpanya. Maya-maya ay dumating na ang kanilang boss na si Mr. Gomez.

“Magandang araw sa inyong lahat! Nais kong ipaalam sa inyo na nakapagdesisyon na ako kung kanino ko ibibigay ang award para sa natatanging empleyado. Ilan sa inyo ang qualified sa ibibigay kong parangal ngunit isa sa inyo ang pinakanatatangi sa lahat.” paunang salita ng may-ari ng kumpanya.

Hindi na mapakali sina Irvin, Claire at Renan. Atat na atat na silang malaman kung sino ang mapipili. Nagsesenyasan pa ang mga ito na binabati na ang isa’t isa.

“Ibinibigay ko ang natatanging empleyado ng taon kay Julian Banaag!” hayag ni Mr. Gomez.

Hindi makapaniwala ang mga empleyado lalo na ang tatlong magkakaibigan nang tawagin ng kanilang boss ang pangalan ni Mang Julian. Agad nila itong kinuwestyon.

“Sir, bakit po si Mang Julian na isa lamang mensahero ang napili niyong tumanggap ng parangal?” pagkontra ni Irvin.

“Oo nga naman po. Porket mas matagal na siyang nagseserbisyo rito sa kumpanya kaya siya ang inyong napili?” gatol ni Renan.

“Ano po ang mayroon kay Mang Julian na wala ang ibang empleyado, sir?” hirit naman ni Claire.

“Ang pagiging natatanging empleyado ay hindi lamang nasusukat sa tagal at galing ng isang tao sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya, ito ay ibinibigay sa taong nakapagbigay rin ng magandang ehemplo hindi lang dito sa opisina maging sa kaniyang tahanan. Si Mang Julian ang nararapat na makatanggap nitong parangal dahil sa ipinakita niyang sipag at tiyaga sa trabaho bilang mensahero ay napag-aral at napagtapos niya ang kaniyang apat na anak sa kolehiyo. Ngayon ay may mga anak na siyang Engineer, Architect, Teacher at Nurse.

Sa trabaho niya na pagiging mensahero ay nagawa niyang makapagpatapos ng mga anak na propesyunal. Alam niyo rin ba na dapat ay matagal nang na-promote si Mang Julian ngunit tinanggihan niya ang promotion dahil para sa kaniya ay masaya na siya sa trabaho niya. Kaya wala akong nakikitang rason kung bakit hindi siya maaaring makatanggap ng parangal. Tandaan ninyo na hindi mahalaga ang posisyon, ang mahalaga ay nagagawa ng tama at marangal ang trabahong iniatang sa inyo. Kaya ako, saludo ako sa iyo, Mang Julian!” hayag ng may-ari ng kumpanya.

Napanganga ang tatlong magkakaibigan sa sinabi ni Mr. Gomez. Bigla silang nanliit nang malamang mas magaling palang empleyado si Mang Julian kaysa sa kanila dahil nagawa nitong mapatapos sa kolehiyo ang mga anak samantalang ang mga anak nila ay mga bulakbol sa eskwelahan at mahihina ang mga ulo, kaya laking inggit nila sa matandang mensahero.

Isa namang masigabong palakpakan ang iginawad ng mga empleyado kay Mang Julian nang araw na iyon. Sa wakas ay nagbunga rin ang kaniyang pagsisikap at pagiging masipag na empleyado sa kanilang kumpanya. Labis naman ang pagsisisi nina Irvin, Claire at Renan sa kanilang mga sinabi noon sa matanda. Naiwan ang tatlo na nagmumukmok sa isang tabi sa sobrang pagkapahiya sa kanilang ginawa.

Advertisement