Inday TrendingInday Trending
Bulakbol ang Lalaki Noong Siya ay Nag-aaral pa; Hindi niya Akalaing Malaking pala ang Magiging Epekto Nito sa Kaniya

Bulakbol ang Lalaki Noong Siya ay Nag-aaral pa; Hindi niya Akalaing Malaking pala ang Magiging Epekto Nito sa Kaniya

Pinahid ni Arwin ang mga butil ng pawis na naglalandas mula sa kaniyang noo papunta sa kaniyang pisngi. Nanlalagkit na siya sa tindi ng sikat nang araw kahit pa nga alas nueve pa lang ng umaga.

Mahigit isang buwan nang nag-a-apply ng trabaho si Arwin ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nakukuhang matinong papasukan. Paano ay hindi naman siya tapos ng pag-aaral kahit high school man lang, kaya wala ring tumanggap sa kaniya kahit na janitor man lang na posisyon.

Malaki ang pangangailangan ni Arwin sa pera ngayon. Nabuntis niya ang kaniyang nobya sa edad lamang na Bente dos anyos!

“Sobrang hirap maghanap ng trabahong may maayos na kita. Kung sana, nagtino lamang ako noon…”

Napayuko si Arwin sa pag-ala-ala sa nakaraan niya. Noon kasi ay wala siyang ibang inintindi kundi puro pagpapakasaya, barkada, bisyo, babae at pagbubulakbol kahit na halos magkandakuba na ang kaniyang magulang sa pagpapaaral sa kaniya. Kung anu-anong gulo ang kaniyang pinapasukan. Mga gulong ang kaniyang mga magulang lamang din naman ang siyang umaayos at nagtatama upang matulungan siya.

Napabuntong-hininga si Arwin. Nagsisisi siya. Sa totoo lang, alam naman niya sa kaniyang sarili na wala siyang ibang dapat at pupuwedeng sisihin kundi mismong siya lang dahil siya naman ang gumawa ng kaniyang kapalaran.

“Arwin Bartolome?”

Nag-angat si Arwin ng mukha mula sa pagkakayuko sa sahig ng sementadong kalsada nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon.

“Sir Bayle?” pagrekognisa naman niya sa kaniyang dating guro noong highschool. Nadestino kasi ito sa ibang eskuwelahan kaya hindi nito alam na hindi naman siya naka-graduate ng highschool. Natatandaan niya, itong si Mr. Bayle ang pinakapaborito niyang guro noon. Ito kasi ang nagtitiyagang magpayo sa kaniya nang maypayo kahit pa isa siya sa pinakapasaway nitong estudyante noon.

“Oh, anak! Kumusta ka na? Bakit parang pawis na pawis ka yata? Papasok ka ba sa eskuwela?” nangiti at sunod-sunod na tanong nito sa kaniya.

Bigla siyang napayukong muli bago inilingan ang kausap. “Ang totoo po niyan, sir, naghahanap po ako ng trabaho, e.”

“Trabaho? Ah, nagwo-working student ka ba, anak?” tanong muli nito.

“Hindi po, sir. Hindi na po ako nag-aaral. Ang totoo po niyan, nagbulakbol po ako kaya hindi ako naka-graduate, tapos ngayon…” Halos hindi niya maituloy ang sasabihin. “Nakabuntis pa ako, sir, pero walang tumatanggap sa akin kahit na anong apply ko.”

“Ganoon ba, anak?” Nalungkot ang tinig ni Mr. Bayle. “E, natuto ka naman ba sa mga pagkakamaling nagawa mo?” dagdag pang tanong nito.

Tumango siya bilang tugon sa dating guro. “Opo, sir.”

“Kung ganoon, sumama ka sa akin pauwi at ipakikilala kita sa asawa ko. Naghahanap siya ngayon ng gagawing delivery boy para sa maliit naming negosyo. May kainan kasi kami at patok na patok ang delivery service namin. Iyon ay kung ayos lang sa ʼyo ang ganoon,” biglang pag-aalok nito kay Arwin na agad ding nagpaaliwalas sa mukha ng binata!

“Hala! Opo, sir! Kahit ano po. Ayos na ayos po sa akin ʼyon. Maraming salamat po!” sagot niya na nagpangiti rin kay Mr. Bayle.

“Kaya lang, hijo, may kondisyon ako…”

“Ano po ʼyon, sir?”

“Gusto kong bumalik ka ulit sa pag-aaral at tutulungan kita.”

Nang sabihin sa kaniya ni Mr. Bayle ang mga katagang iyon ay hindi na napigilan pa ni Arwin ang mapaluha.

“Sir, maraming-maraming salamat po sa tulong na gusto ninyong ibigay sa akin. Pero bakit po? Hindi po ba, dapat ninyo akong kagalitan dahil hindi ako nakinig sa mga pangaral ninyo noon sa akin?” Puno ng kyuryosidad ang kaniyang tanong.

“Kasi, kahit nagkamali ka, naniniwala akong gusto mong itama ang mga iyon, Arwin. Naniniwala ako na kahit ano pang mali ang nagawa ng isang tao, deserve pa rin nila ng pangalawang pagkakataon at ako ang kasangkapan ng Diyos upang ibigay iyon sa ʼyo.” Tinapik siya ni Mr. Bayle sa balikat at nakangiting dinagdagan ang salitang binitiwan nito sa kaniya. “Pagbutihan mo, anak. Hindi pa huli ang lahat para tapusin mo ang pag-aaral. Mababago mo pa ang kinabukasan mo at ng magiging pamilya mo. Naniniwala ako sa ʼyo.”

Matapos ang pag-uusap na iyon ay tila nabuhayan ng loob si Arwin na itama ang kaniyang mga pagkakamali. Ginawa niya ang payo ni Mr. Bayle. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho sa tulong ng kaniyang dating guro hanggang sa makamtan niya na ang pinakaaasam na diploma.

Advertisement