Inday TrendingInday Trending
Nang Hindi Pautangin ay Siniraan ng Ginang na Ito ang Kumare, Kabang-kaba Siya Nang Balikan Siya ng Ginawang Tsismis

Nang Hindi Pautangin ay Siniraan ng Ginang na Ito ang Kumare, Kabang-kaba Siya Nang Balikan Siya ng Ginawang Tsismis

“Grabe ka naman, mars! Baka nakakalimutan mo, ako ang nagpautang sa’yo noon para may maipuhunan ka d’yan sa negosyo mo!” ika ni Sabel sa kaniyang kumare, isang araw nang tanggihan siya nitong pautangin nang binebenta nitong mga produkto.

“Hindi ko naman ‘yon nakakalimutan, mars, kaya lang, ang laki na ng utang mo sa akin, eh. Hindi na kita mabibigyan. Bayaran mo muna ako para mapakuha ulit kita,” paliwanag nito sa kaniya habang binibilang ang pake-paketeng tapang kaniyang ginawa.

“Paano nga kita mababayaran kung ayaw mo ako bigyan ng pagkakakitaan? Babayaran ka naman, eh!” inis na niyang sagot.

“Mars, halos bente pirasong tapa yung pinautang ko sa’yo noong isang linggo, ni isang pirasong tapa hindi mo pa binabayaran. Ako naman ang malulugi niyan,” sambit pa ng kaniyang kumare dahilan upang mag-init ang kaniyang ulo.

“Ah, sinusumbatan mo pa ako ngayon? Sige, babayaran kita, pero huwag mo na ako lalapitan kapag bumagsak yang negosyo mong puro botcha!” bulyaw niya dito, nagtinginan naman ang ibang mamimiling nasa kaniyang likuran nang marinig ang kaniyang sinabi, tinaasan niya pa ito ng kilay bago umalis.

Mag-isang binubuhay ng ginang na si Sabel ang kaniyang dalawang anak na babae. Sa murang edad ng kaniyang mga anak, nagawa siyang iwan ng kaniyang anak dahil lamang napagod at nagsawa ito sa kaniyang ugali.

May pagkataklesa kasi ang ginang at tila lahat na lamang ay napapansin. Palagi rin itong nakasigaw at palaging nasasangkot sa gulo sa kanilang barangay. Ika nga ng iba, siya raw ang numero unong tsismosa sa kanilang lugar.

Ngunit kahit pa ganoon, ginawa niya ang lahat upang maitaguyod ang kaniyang mga anak. Pumasok siyang bilang katulong at tuwing linggo, nagpapautang naman siya ng ulam na galing sa kaniyang kumare.

Dahil sa kaniyang pagtitiyaga, maayos naman niyang napalaki ang mga anak. Ngunit, noong isang linggo lamang, tila napapwesto siya sa saklaan dahilan upang magastos niya ang ipapangbayad niya sana sa kaniyang kumare para sa inutang niyang paninda. Ayaw tuloy siyang pautangin muli ng kumare kaya ganoon na lamang ang kaniyang galit.

Dahil nga sa galit na nararamdaman, naglabas siya ng sama ng loob sa isang tumpok ng tsismosa sa harapan ng kaniyang bahay.

Kinuwento niya sa mga ito ang kadamutan daw ng kaniyang kumare at ika niya pa, botcha nga raw ang ginagamit nitong baboy sa tapang pinapalako sa kaniya.

“Te-teka, hindi ba’t kumuha pa ako sa’yo ng tapa kagabi? Iyon kasi ang inulam namin, eh, tapos nasa ospital ang anak ko ngayon dahil nalason daw sabi ng doktor. Naku, malaman ko lang talagang dahil sa tapa niyo ‘yon, malilintikan kayo ng kumare mo sa akin!” galit na galit na ika ng isa nilang kapitbahay na napadaan lamang at tila narinig lahat ng kaniyang hinaing.

Napatameme na lamang siya sa bantang narinig at nagmadaling pumasok sa kanilang bahay. Takot na takot siya sa maaaring mangyari sa mga susunod na araw dahil sa kaniyang mga sinabi.

“Nakakainis talaga ‘tong dilang ito, eh! Kung ano-ano ang sinasabi! Hindi naman botcha ang tapa ni kumare, eh! Paano na kung bigla kaming mapagbintangan?” kamot-ulong sambit niya.

Kinaumagahan, nakasalubong niya pa ang kapitbahay niyang iyon. Sobrang sama ng titig nito sa kaniya at pinagbantaan na naman siya, “Magkita na lamang tayo sa korte, Sabel.”

Dahilan upang labis siyang matakot. Naisip niyang tumakas at magpakalayo-layo upang maabswelto ngunit naisip niya ring kawawa naman ang kaniyang mga anak. Kaya naman, nagdesisyon siyang sabihin lahat ng ito sa kaniyang kumare kahit pa hiyang-hiya siya dito.

“Nakakainis naman talaga ‘yang bunganga mo, o!” sambit nito nang malaman ang nangyari.

“Pa-pasensya ka na,” nakatungong sagot niya.

“Ayos lang, kampante naman akong hindi dahil sa paninda ko ‘yon. Hindi naman ako gumagamit ng botcha katulad ng tsismis mo. Hayaan mo, ako bahala sa’yo,” pailing-iling na tugon nito, tila nabuhayan naman siya ng loob nang malamang hindi galit sa kaniya ang kumare.

Pagkauwi niya, nakasalubong na naman niya ang kaniyang kapitbahay at ngayon, kasama na nito ang anak niyang nalason. Lilihis sana siya ng daan ngunit bigla siya nitong hinabol at binalitang, “Sa tubig pala namin nalason ang anak ko, pasensya ka na at pinagbantaan kita.”

Halos manlambot siya sa magandang balitang natanggap at tila nabunutan siya ng tinik. Doon na niya napagtantong mali talaga ang ginawa niyang paninira.

Simula noon, ginawa niya ang lahat upang makabawi sa kumare at makuha muli ang loob ng kaniyang mga kapitbahay na hindi botcha ang kanilang binebenta.

Muli siyang nakakuha ng mga produkto sa kaniyang kumare nang minsan siyang makabayad at doon na siya muling nagsimulang mag-ipon para sa mga anak.

Ginawa niya rin ang lahat upang matikom ang bibig sa tuwing may kinagagalitang tao at dahil doon, naging matiwasay at masaya ang kaniyang buhay kasama ng kaniyang dalawang anak.

Wala talagang nagagawang mabuti sa ating buhay ang paninira sa iba. Imbis na siraan, mas maiging iangat natin sila, dahil sa dulo, tayo rin naman ang pagpapalain.

Advertisement