Inday TrendingInday Trending
Galit Siya sa Nanay Niyang Nang-iwan sa Kaniya; Isang Sikreto ang Gumulat sa Kaniya Matapos ang Tatlong Dekada

Galit Siya sa Nanay Niyang Nang-iwan sa Kaniya; Isang Sikreto ang Gumulat sa Kaniya Matapos ang Tatlong Dekada

“Mommy! Inaasar na naman ako ni kuya!” Nakabusangot na sumbong sa kaniya ng bunsong anak na si Lily.

“Gavin, tigilan mo ‘yang kapatid mo. Mamaya mag-aaway na naman kayo at magsisiiyakan kayo sa akin.” Mahinahon na sermon niya sa panganay na anak.

“Mommy, joke lang naman ‘yun. Pikon lang po talaga si Lily kahit siya ang unang nagsabi na mataba raw ako.” Nakangusong sagot ng sampung taong gulang na anak niya.

“O siya, siya. Makipagbati ka na sa kapatid mo. Ano nga’ng lagi kong sinasabi sa’yo?” Tanong niya sa anak.

Lihim siyang natawa nang lalong sumimangot ang anak. Wala naman itong nagawa at lumapit sa kapatid at ilang saglit lang ay nakita niya na ulit ang dalawang anak na nagtatawanan.

  • Natutuwang minsadan niya ang dalawang anak. Masaya siya na napalaki niya nang maayos ang mga anak. Akala niya kasi ay hindi siya magiging mabuting ina.

    Mapait siyang napangiti. Hindi maiwasang maalala ang mapait na nakaraang pilit niyang kinakalimutan.

    “’Ma, saan po tayo pupunta?” Nagtatakang tanong ng sampung taong gulang na si Evelyn sa ina niyang si Rosa.

    “Sa kaibigan ko, anak. Matagal na kaming hindi nagkikita ng kaibigan kong ‘yun.”

    Napansin niya ang bahagyang pananamlay ng ina.

    “’Ma, may sakit po ba kayo? Bakit parang matamlay po kayo?”

    “Wala anak, ‘wag kang mag-alala. Kumain ka lang diyan.” Inabutan pa siya ng ina ng tsitsirya habang nasa biyahe sila.

    “Mukhang malayo ang bahay ng kaibigan ni mama,” sa isip-isip niya.

    Naalimpungatan siya nang maramdaman ang marahang tapik ng ina sa kaniyang pisngi.

    “Anak, nandito na tayo.” Narinig niya ang tinig ng ina.

    Bumaba sila ng bus at naglakad ng may sampung minuto.

    Huminto sila sa isang malaking bahay na may magarbong gate.

    Manghang-mangha naman si Evelyn. Hindi niya alam na may kaibigan pala ang mama niya na mayaman.

    Minasdan niya ang paligid. May malaki itong bakuran, at may malaking swimming pool. Sa TV pa lang siya nakakakita ng ganitong kalaking bahay.

  • Sinalubong sila ng isang may-edad ngunit eleganteng babae.

    “Rosa!” Maligayang bati nito sa kaniyang ina.

    “Luisa!” Bati nito sa kaibigan.

    “Ito na ba si Evelyn? Naku, napakagandang bata!” Napapitlag siya nang yakapin siya ng babae.

    “Siya si Tita Luisa, anak, kaibigan ko.” Pakilala ng ina sa babae.

    “Tawagin mo akong Mama Luisa, hija. Malapit na kaibigan ko ang mama mo.” Magiliw na sabi ng babae, na mabilis niyang nakagaanan ng loob.

    “Tara sa loob, nagpahanda ako ng maraming pagkain para sa pagdating niyo.”

    “Talaga po? May ice cream?” Excited na tanong niya kay Tita Luisa.

    “Oo, anak, madami. Sinabi sa akin ng mama mo ang mga paboritong mong pagkain, at ‘yun ang mga pinahanda ko.”

    Mabilis na lumipas ang maghapon. Tuwang-tuwa si Evelyn dahil sa napakaraming bagay sa bahay ni Mama Luisa ng wala sa bahay nila. Masaya siyang nakapag-computer, tablet, at maghapon siyang naglalangoy sa malaking swimming pool.

    Nang maggagabi na, tinanong niya ang ina, “Mama, uuwi na ba tayo? Gusto ko pa dito kila Mama Luisa.”

    “Evelyn, gusto mo bang dito ka matulog? Matutulog ka sa sarili mong kwarto.” Singit naman ni Luisa.

    Nanlaki ang mata ni Evelyn sa narinig. “Talaga po? May sarili akong kwarto? Wow!”

    “Oo naman, gusto mo ikaw pa mamili ng sarili mong kwarto sa taas.”

    Mabilis na siyang nagtatakbo paakyat sa magarang bahay upang mamili ng kwarto. Kaya naman hindi niya na nakita ang malungkot ng ina bago ito tuluyang humagulhol habang nakaupo sa malambot na sofa.

    Nang gabing iyon, komportableng natulog sa kaniyang kwarto si Evelyn. Paggising niya na lamang napag-alaman na umalis na ang kaniyang ina. ‘Yun na ang huling beses na nakita nila ang ina.

    Nagbalik lamang siya sa kasalukuyan nang maramdaman niyang bumalong ang mainit na luha sa kaniyang pisngi. Halos tatlong dekada na ang nakaraan ngunit sariwa pa sa alaala niya ang pag-abandona sa kaniya ng kaniyang ina.

    Ang kaniyang ina na mag-isang nagtaguyod sa kaniya. Ang kaniyang matalik na kaibigan.

    Sa naisip ay may lalo lamang tumindi ang galit na nadarama niya para sa ina. Mabuti na lamang ay naging tunay na ina sa kaniyang ang kaniyang Mama Luisa. Maging ito ay hindi alam ang dahilan sa biglang pagkawala ng kaniyang ina. Hindi nito sinabi sa Mama Luisa niya ang dahilan ng pag-alis nito.

    Malaki ang utang na loob niya dito. Ito ang naging pamilya niya. Dahil dito, natupad niya ang pangarap na maging doktor. At magkaroon ng kompleto at masayang pamilya.

    “Hinding-hindi kita mapapatawad sa pang-iiwan mo sa akin, mama…” Bulong niya sa hangin.

    Hindi niya na ninanais pa makita ang kaniyang ina. Kaya naman isang araw ganun na lamang ang gulat niya nang makatanggap ng tawag mula sa pulis. Siya daw kasi ang nakalistang kamag-anak ng isang matandang palaboy-laboy na natagpuan ng mga ito.

    “Kilala niyo po ba ang matandang ‘yan? Sabi sa damit na suot niya, Rosa Ramirez daw ang pangalan niya. Kayo ho ba ang anak niyang si Evelyn Ramirez?” Tanong ng pulis.

    Hindi nakasagot si Evelyn. Nakapako ang tingin niya sa matandang tahimik na nakaupo sa isang sulok.

  • Nakatulala habang hawak-hawak ang isang marusing na manyika na kilalang-kilala niya. Ang paborito niyang manyika.

    Bakit ganun ang itsura niya? Bakit nasa kaniya pa ‘yun? Takang tanong niya sa sarili.

    “Hindi na ho Evelyn Ramirez ang pangalan ko. Ako na ho si Evelyn Amante.” Sagot niya sa pulis sa malakas na boses, hangad iparinig sa ina ang sinabi.

    Ngunit hindi ito natinag. Kagaya kanina, tagus-tagusan ang tingin nito sa labas ng presinto.

    “Hindi ko ho siya kilala.” Matigas na sabi niya sa kausap at tumalikod na.

    “Naku, Sir, dalhin na lang natin siya dun sa pinanggalingan niyang ampunan, tutal mukha namang wala siyang pamilya. Mukha wala din sa katinuan ‘yung matanda, baka mapahamak lang kung lalaboy-laboy siya.” Hindi niya maiwasang marinig ang sinabi ng pulis.

    Sa kagustuhang masagot ang mga katanungan sa isipan niya, walang nagawa si Evelyn kundi magpakilala bilang anak ng matanda.

    Nagtataka man ang mga pulis ay hindi na nag-usisa ang mga ito nang sabihin niyang gusto niyang sumama sa lugar na pagdadalhan dito.

    “Naku! Maraming salamat naman ho at naiuwi niyo si ‘Nay Rosa. Ilang araw na kami alalang-alala sa kaniya. Kawawa naman ang matanda. Maraming salamat po!” Mangiyak ngiyak na sabi ng dalagang sumalubong sa kanila.

    “Naku, walang anuman iyon. Naawa rin kami sa matanda, mukhang wala sa sariling pag-iisip, eh. Ano bang nangyari sa matanda?” Usisa ng pulis.

    “Mahabang istorya ho. Pumasok ho kayo. Maghahanda ho ako ng kape.” Yaya ni Angela.

    Nag-aalangan namanag sumunod si Evelyn.

    “Matagal na hong nandito si Nanay Rosa. Nasa dalawampu’t siyam na. Hindi pa ako pinapanganak, nandito na siya.”

    Tahimik na nakikinig si Evelyn. Nag-iisip. Ibig sabihin dito na siya naglagi simula nang iwan niya ako, sa isip isip niya.

    “Ano’ng trabaho niya rito?” Tanong ng pulis na nagngangalang Allan.

    “Hindi ho siya nagtatrabaho dito. Pasyente siya dito. Simula nang dumating siya, alam na nila dito na may sakit na dementia si Nanay Rosa kaya hindi niya natatandaan ang mga nangyari sa mga nakalipas na taon.”

    “Ang natatandaan niya lang ay may anak siya na si Evelyn ang pangalan.”

    Napatingin ang dalawing pulis sa kaniya, bagay na ipinagtaka ni Angela.

    “Teka, ikaw po ba si Evelyn?” Namimilog ang matang tanong ni Angela sa kaniya.

    Tumango si Evelyn, gulantang pa din sa mga narinig kay Angela.

    “Taon-taon ka binibilhan ng regalo ni Nanay Rosa, Ate Evelyn. Nahinto lang siya nung lumala na ang sakit niya. Sa kwarto ni nanay ay makikita mo na puro gamit o nung bata ka pa ang nandun. Nakasulat din sa dingding ang pangalan mo kasi ayaw niya daw na pati ikaw ay makalimutan niya.”

    “Mahal na mahal ka ni Nanay Rosa, Ate Evelyn. Ikaw lang ang tanging hindi niya nakalimutan. Iniwan ka lang niya dahil ayaw niyang maging hadlang sa pangarap mong maging doktor.”

    “Doktor na ho ba kayo, Ma’am?” Muling usisa ni Allan.

    Tumango lamang siya bago tuluyang pumatak ang mga luha. Tila isang malaking tinik ang nawala sa kaniyang dibdib, at napalitan ito ng matinding awa sa inang nagsakripisyo para sa kaniya.

    Matagal namayai ang katahimikan. Ang mahinang hikbi lamang ni Evelyn ang maririnig.

    “Evelyn…” Maya-maya ay narinig niya ang tinig na halos limot niya na.

    Sinalubong ng kaniyang mga mata ang imahe ng ina. Mukhang pinaliguan na ito dahil malinis na ito at nakapagpalit na ng damit.

    May malaking ngiti sa labi nito. “Ikaw nga… ang anak ko.”

    Muling tumulo ang kaniyang mga luha. Kahit sa estado nito, nakilala pa rin siya nito.

    Sinugod niya nang yakap ang ina. “Sorry, mama…”

    “Bakit ka umiiyak, anak? Inaway ka naman ba ni Arlene?” Tukoy nito sa kababata niya.

    “Hindi po, mama. Na-miss lang kita.” Mahigpit pa din ang pagkakayakap niya sa ina.

    “Na-miss din kita, anak.” Wika nito habang hinahaplos ang kaniyang likod.

    Tila paslit na umiyak siya sa bisig na ina, ang kauna unahang tao na nagmahal sa kaniya.

    “Mama, uuwi na po tayo sa bahay natin…” Nakangiting sabi niya sa ina.

    Inuwi niya ang ina sa bahay nilang mag-anak at ang masasakit na alaala ay pinalitan nila ng masasayang alaala. Namuhay ito ng masaya bilang lola sa kaniyang mga anak, ina sa kanilang mag-asawa, at kaibigan sa kaniyang pangalawang ina na si Mama Luisa.

    Advertisement