Inday TrendingInday Trending
Panay ang Pakikinig ng Isang Ginang sa Sulsol ng Kaniyang Mga Kaibigan Tungkol sa Asawa Nito; Tanging Ito Lamang ang Naging Tugon ng Mister

Panay ang Pakikinig ng Isang Ginang sa Sulsol ng Kaniyang Mga Kaibigan Tungkol sa Asawa Nito; Tanging Ito Lamang ang Naging Tugon ng Mister

Marami ang nagdududa sa tunay na intensyon ni Ernesto nang ayain niyang magpakasal ng ganoong kabilis ang ngayo’y asawa na niyang si Mildred. Bukod kasi sa limang taong agawat ni ng ginang sa lalaki ay sinasabi ng marami na hindi sila nababagay dahil sa angking kagandahang lalaki ni Ernesto at matipuno nitong pangangatawan.

Maraming kababaihan ang nahuhumaling sa ginoo kaya laking pagtataka nila na kung bakit ang simple at may edad nang si Mildred ang kaniyang napili.

“Mars, sigurado ka bang hindi lang pera ang gusto sa iyo ng asawa mo?” saad ni Ellen sa kaniyang kumare.

“Sa tingin ko naman ay mahal ako ni Ernesto. Ipinaparamdam niya iyon sa akin,” tugon ni Mildred.

“Ang ibig mo bang sabihin ay ni isang beses ay hindi pa siya nanghingi sa’yo?” usisa ng isa pang kaibigan.

“Nanghihingi rin. Siya naman na kasi ang humahawak ng negosyo. Tinutulungan niya ako nang sa gayon daw ay hindi na ako mapagod pa,” sambit ng ginang.

“Sinasabi ko sa’yo, Mildred. Masama ang kutob ko d’yan sa asawa mo. Hindi ko gustong sirain nag relasyon ninyo ngunit malaki ang tiyansa na niloloko ka lang niya at ang nais lamang niya sa’yo ay ang pera mo!” sulsol ni Ellen.

“Sobra naman kayo, porket ganito ba ang itsura ko? Hindi na kami nababagay ng asawa ko?” sambit ng ginang.

Ngunit hindi maitatanggi ni Mildred na minsan ay napapaisip nga siya kung tunay ba siyang mahal ni Ernesto. Sa mga ikinikilos naman ng asawa ay masasabi niyang tapat ito. Ngunit ang hindi niya alam ay hanggang kailan ito.

Isang araw ay nagmamadali ang mga kaibigan ni Mildred na tawagan siya upang makipagkita sa isang malapit na kainan. Nakita raw kasi ng isa sa mga ito na si Ernesto ay may kasamang babae sa kainan ng isang mamahaling hotel.

“Ano ang ginagawa ng isang lalaki at babae sa hotel, mars? H’wag ka ngang tanga! Kitang kita ng dalawang mata ko na silang dalawa lamang. Date ang tawag doon!” wika ni Ellen.

“Baka naman kamag-anak niya,” pagdepensa ni Mildred.

“Malakas ang kutob ko, Mildred. May hindi tamang ginagawa ang asawa mo. Kung ako sa iyo ay ngayon palang ay proteksyunan mo na ang lahat ng pag-aari mo. Kasi kapag nakipaghiwalay siya sa iyo ay baka wala kang makuha kahit isang kusing. Alam ko ang galawan ng ganiyang mga lalaki. Papaibigin ka at sa bandang huli ay iiwan ka. Siyempre marupok tayo, e!” walang awat sa paglalahad ang kaniyang mga kumare.

Gusto man tanungin ni Mildred si Ernesto kung sino ba talaga o kung totoo bang may kasama siyang babae sa nasabing hotel. Ngunit hindi niya magawa. Ni hindi niya matingnan nang deretso ang kaniyang asawa ng gabing iyon. Gusto niyang umiyak ngunit ayaw niyang magduda ito sa kaniya.

“Halika na dito, mahal, at tabihan mo na ako,” malambing na wika ni Ernesto sa kaniyang asawa.

“Kumusta naman ang araw mo ngayon dito sa bahay? Ang sabi ng mga kasambahay ay umalis ka raw? Nakipagkita ka ba sa mga kaibigan mo? Kwento ka naman, sobrang miss kita ngayong araw, ang daming trabaho sa opisina,” saad ni Ernesto.

Ngunit halatang walang kagana-gana si Mildred na makipagkwentuhan sa asawa.

“Mauna ka na matulog, mahal. May gagawin lang ako sa baba sandali,” sambit nito sa asawa.

Nararamdaman ni Ernesto na may kakaiba sa asawa ngunit hinayaan na lamang niya ito. Sapagkat kilala niya si Mildred at nais niya itong bigyan ng espasyo sa tuwing ito ay may dinaramdam.

Kinabukasan ay ipinaghanda ni Ernesto ang kaniyang asawa ng agahan at dinala ito sa silid.

“Sana ay mabuti na ang pakiramdam mo, mahal,” sambit ni Ernesto.

“Mahal mo ba talaga ako, Ernesto? O pinakasalan mo lang ako dahil sa pera ko?” deretsang tanong ni Mildred sa asawa. Nagulat si Ernesto sa sinabi ng misis. Hindi siya nakasagot.

“Kailangan ko nang pumunta sa trabaho, mahal. Sana sa pagbalik ko ay masagot mo na rin ‘yang katanungan mo,” tanging tugon ni Ernesto.

Hindi na nawala sa isip ni Mildred ang pangamba. Kinakabahan siya na baka totoo nga ang sinasabi ng kaniyang mga kaibigan tungkol sa kaniyang asawa. Nang maya-maya ay isang tawag na naman mula sa kaniyang mga kumare ang kaniyang natanggap.

“Narito sila mismo sa hotel kung nasaan kami, mars. Kung gusto mo silang makita sa akto ay bilisan mo,” sambit ni Ellen.

Agad nagtungo si Mildred sa nasabing lugar at doon nga tumambad sa kaniya ang asawa at ang babaeng tinutukoy ng kaniyang mga kaibigan. Kitang-kita ni Mildred ang matatamis na ngitian ng dalawa.

“A-anong ibig sabihin nito, Ernesto? Niloloko mo ba ako? Siya ba ang babae mo?” sambit ni Mildred sa asawa.

“Sabi na sa’yo, Mildred, may ginagawang kalokohan ang asawa mo, e’di ngayon ay naniniwala ka na. Umamin ka na, Ernesto sapagkat huling-huli ka na!” sambit ng mga kaibigan ng ginang.

“Kaya pala iba ang kinikilos mo, mahal. Alam kong may problema ka. Dahil ba ‘yan sa mga sinasabi ng kaibigan mo? Sa sobrang pag-iisip mo ng mga sinasabi nila ay nakalimutan mo na tuloy ang anibersaryo natin,” sambit ni Ernesto sa kaibigan.

“Narito ako para sana surpresahin ka sa isang party. Kung saan ise-set up sana ang buong hotel na ito para muli sana kitang pakasalan. Hindi ko babae itong kasama ko. Siya ang manager ng hotel na ito at siya mismo ang nag-aasikaso ng party na gaganapin sana,” dagdag pa ng ginoo.

“Lahat ay gingawa ko, mahal, para patunayan sa iyo ang pagmamahal ko. Hindi dahil sa pera mo lang kaya kita pinakasalan. Hindi ba tama na mahalin ko ang isang taong tulad mo na maalaga, mabait at mapagmahal? Sa’yo ko nakita ang tunay na kagandahan sa isang babae. Ikaw ang nais kong pakasalan paulit-ulit. Tandaan mo ‘yan, Mildred!” sambit ni Ernesto sabay halik at yakap sa asawa.

Natameme ang mga kaibigan ni Mildred sa sinabi ni Ernesto. Napatunayan ng ginoo na wagas ang kaniyang pag-ibig dito at hindi tanging ang pera lamang ng ginang ang kaniyang hangad kung hindi ang makasama ito habambuhay.

Naibsan ang lahat ng pag-aalinlangan ni Mildred sa kaniyang asawa. Dito niya napatunayan na walang hihigit sa tiwala at pagmamahalan nilang dalawa.

Advertisement