Kailanman ay Hindi Naramdaman ng Babaeng Mahal Siya ng Asawa; Sapat ba Iyon Upang Magloko Siya?
“Love, baka pwedeng sa susunod na anniversary natin ay gumawa ka naman nang paraan upang sumaya ako. Gaya nang i-surpresa ako o ‘di kaya ay bigyan mo man lang ako nang mumunting regalo,” masiglang wika ni Pia sa asawang si Geoff. “Iyon na lang kasi ang time para maramdaman kong mahal mo pa rin ako.”
Agad naman na nagsalubong ang kilay ni Geoff, dahil sa sinabi niya. “Tumigil ka na nga sa ganyang pantasya, Pia. Alalahanin mo hindi na tayo mga bata. Sampung taon na tayong kasal at may apat na anak. Iyong iaarte ko nang ganyan, ibibili ko na lang nang kakailanganin natin dito sa bahay. Mapapakinabangan pa ng lahat.”
Gano’n palagi ang sagutan ng mag-asawa. Ang mahalaga para kay mister ay ang pangangailangan nilang pamilya. Nakakalimutan na yata nitong babae pa rin siya at nangangailangan ng paglalambing at atensyon.
“Oh! Pia, kumusta ang anniversary niyo ng asawa mo?” Bungad na tanong ni Dana, kasama niya sa trabaho.
“Ayon… Walang bago,” naka-ismid niyang wika.
“Alam mo kasi minsan na lang talaga ang mga lalaking Don Romantico, lalo na kapag matagal na kayong mag-asawa. Kaya huwag ka na lang talagang umasa upang hindi ka masaktan,” tumatangong wika ni Dana.
“Alam ko,” aniya saka naglabas nang malalim na bunting hininga nang may mapansing rosas at chocolate sa lamesa. “Oh! Kanino galing ‘to?”
“Ewan ko d’yan!” Gulat ring wika ni Dana. “Ay! Alam ko na kung kanino,” maya-maya ay biglang wika nito.
“Kanino?”
“E ‘di do’n sa manliligaw mong makulit na si Sir Ryan,” anito.
Hindi naman talaga niya manliligaw si Sir Ryan. Sadyang natutuwa lamang itong bigyan siya ng gano’ng regalo, dahil sabi nga nito noon na halos lahat ng kasamahan niya nakakatanggap ng rosas at chocolate sa mga nobyo o asawa– maliban sa kaniya. Kaya nakagawian na nitong mag-iwan ng ganoon kapag nais nito.
“Hayaan mo siya,” salubong ang kilay na wika ni Pia.
Ngunit kahit papaano ay nakakatuwang isipin na kahit papaano ay may natanggap siyang rosas at chocolate– hindi nga lang galing sa asawa niya.
Lumipas ang maraming oras at hindi na namalayan ni Pia na hapon na pala at malapit na ang uwian nila. Nagulat na lamang siya at biglang may nagsalita sa kaniyang harapan.
“Kanino nanggalingang chocolate at rosas na iyan?” Galit na wika ni Geoff.
“H-ha?” Nauutal niyang wika. Sa dami nang ginawa niya maghapon ay nawala sa isip niyang itapon ang rosas, kahit iwanan na lamang ang chocolate.
“May nanliligaw sa’yo rito? Hindi pa ba nila alam na may asawa ka na,” galit na wika pa rin ni Geoff.
“Geoff, mali ang iniisip mo,” natatarantang wika ni Pia. “Huwag kang mag-iskandalo rito. Mag-usap tayo– ‘yong tayong dalawa lang.”
Mabuti naman at nakinig sa kaniya ang asawa. Hinila siya nito palabas ng opisina nila at dinala sa lugar kung saan wala masyadong tao– sa rooftop.
“Bakit Pia? Nangpapaligaw ka na ngayon por que wala kang natatanggap sa’kin na mga ganyan-ganyang pambata?” wika ni Geoff.
“H-hindi naman sa gan’on. Hindi ko naman tinatanggap ito e. At saka wala lang ‘to,” aniya na pilit pinapakalma ang asawa.
“Sapat na ba na dahilan ang hindi ko pagbigay sa’yo ng rosas at chocolate, para lokohin mo ako?”
“Geoff, hindi kita niloloko at kailanman hindi ko magagawa ‘yon.” Paliwanag niya. “Oo aaminin ko. Minsan naiingit ako sa mga kasamahan ko sa trabaho kasi binibigyan sila ng mga asawa nila ng mga ganito kapag may espesyal na okasyon sa buhay nila. Pero kahit gano’n hindi iyon ang magiging dahil ko para lokohin ka.
Si Sir Ryan, alam niyang mag-asawa tayo at wala siyang balak na manggulo sa’tin. Nais lang niyang makitang masaya ako dahil wala naman daw nagbibigay sa’kin ng ganyan, kaya siya na lang ang gagawa, na madalas ding hinihiling ko na sana ikaw na lang mismo ang magbigay. Mas masaya siguro ang pakiramdam,” umiiyak niyang wika.
“Pero Pia, hindi naman sa gano’ng paraan nasusukat ang pagmamahal ko sa’yo. Alam mong mahal na mahal kita at ikaw ang buhay ko. Hindi ako mahilig magbigay ng kung ano-anong gamit. Pero buong puso at pagkatao ko’y para sa’yo,” sinserong wika ni Geoff, sabay yakap sa kaniya ng mahigpit. “Ikaw ang asawa ko at ikaw ang ina ng mga anak ko. Kaya mahal na mahal kita. Walang materyal na bagay ang makakatumbas no’n.”
“Alam ko. Mahal din naman kita Geoff, at hindi sapat ang materyal na bagay na hindi mo kayang ibigay ang magiging dahilan upang hindi na kita mahalin. Siguro, bunos na lang ‘yon,” tumatangis niyang wika ngunit nakangiti.
“Sige na nga. Para sa’yo. Sisikapin kung maging Don Romantiko,” wika ni Geoff, saka sila nagtawanan.
Madalas, dahil nasanay na tayong nand’yan lang sila sa tabi, nakakalimutan na nating ipaalala sa mga taong mahal natin kung gaano natin sila kamahal. Kaya mas maigi pa rin iyong paminsan-minsan ay ipaalala natin sa kanila kung gaano sila kahalaga. Simpleng “I love you” lang ay sapat na sa pusong nagmamahal.