Siniraan ng Lalaki ang Isang Sikat na Lugawan; Natameme Siya Nang Bumuwelta ang May-Ari Nito
Isang sikat na lugawan ang lugawan ni Mang Isidro. Ilang dekada na itong namamayagpag sa Brgy. Trese kung saan mabentang-mabenta ang itinitindang lugaw. Napakasarap kasi nang pagkakaluto niyon. Bukod sa malasa ay napakarami nitong lahok na laman loob.
Hindi lang dinarayo ang lugawan dahil sa masarap na lugaw, binabalik-balikan ito ng mga kustomer dahil bukod sa lugaw ay mayroon din silang iba’t ibang putahe gaya ng pansit, sisig, silog at iba pa.
Ngunit may isang lalaking kustomer ang hindi natuwa sa tindang lugaw ni Mang Isidro.
“Ano ba itong lugaw niyo, bakit may nakahalong ‘kuko’ ng tao?!” reklamo ng lalaking kustomer.
Dali-dali siyang nilapitan ng isang waiter.
“Ano ho ang problema?”
“Tingnan mo nga itong inorder kong lugaw, may kuko ng tao na kasama?”
Nagulat ang waiter. Pinagpawisan ito nang makita ang lugaw na may halong kuko.
“A, eh, sir, p-pasensya na po. P-papalitan ko na lang po ng bago,” nauutal na sabi ng waiter.
“Huwag na! Nawalan na ako ng ganang kumain. Hinding-hindi na ako kakain dito!” galit na sabi ng lalaki at nagmamadaling umalis.
Mabilis na kumalat ang balita.
“Alam niyo ba, laman loob daw ng tao ang inilalahok sa lugawan ni Mang Isidro?” sabi ng isang tsimosang babae.
“Ano? Totoo ba ‘yan? Doon pa naman ako bumibili ng lugaw. Sino ang nagsabi?” tanong ng kausap.
“Si Mang Omeng ang nagsabi sa akin. Nang kumain daw siya roon ay nakakita siya ng kuko ng tao sa inorder niyang lugaw, kadiri!”
“Teka, kuko lang naman ‘yung nakita, ah, pero bakit naging laman loob ng tao?”
“Aba’y malay ko. Basta, naniniwala ako kay Mang Omeng. Hindi mo ba napansin ‘yung kalapit na punerarya sa lugawan ni Mang Isidro? Siguradong doon naggagaling ‘yung mga laman loob na ipinanlalahok nila sa lugaw kaya nagiging malasa at masarap ang lugaw nila, may halo palang laman loob ng tao.”
“Diyos ko! Hindi na ako bibili ng lugaw sa lugawan niya!”
Nang kumalat ang reklamo ni Mang Omeng sa buong Brgy. Trese ay biglang naging matumal ang mga bumibili sa lugawan ni Mang Isidro. Mas dumami rin ang mga nagrereklamo sa kaniya.
“Kailangang gumawa tayo ng paraan para maipasara ang lugawan na ‘yan. Baka ‘yan pa ang magdala ng sakit dito sa ating lugar,” sabi ni Mang Omeng sa mga kapitbahay niya.
“Ano ang maaari nating gawin?” tanong ng isang lalaki.
“Ireklamo natin kay Kapitan ang lugawan ni Mang Isidro. Perhuwisyo lang ang ibibigay niyan sa atin!” himok ni Mang Omeng sa mga kasama.
Agad silang nagtungo sa bahay ni Kapitan Gaston na Punong Kapitan sa kanilang barangay. Isinumbong nila ang kababalaghang nangyayari sa lugawan ni Mang Isidro. Nagdesisyon ang Kapitan na puntahan ang lugawan para kausapin ang may-ari.
“Magandang araw, Mang Isidro. Narito kami dahil may natanggap akong reklamo tungkol sa iyong lugawan,” wika ng Kapitan.
“Magandang araw rin sa inyo. Anong reklamo, Kapitan?”
“Ang sabi kasi ni Mang Omeng ay puro laman loob ng tao ang inilalahok sa ibinebenta niyong lugaw at kasabwat ang katabing punerarya ng iyong lugawan.”
Imbes na magalit ay natawa pa si Mang Isidro.
“Walang katotohanan ang mga ibinibintang niya, Kapitan. Hindi totoong gumagamit kami ng mga laman loob ng tao sa niluluto naming lugaw. Tanging laman loob lang ng baboy, manok at baka ang inilalahok sa masarap naming lugaw. Hindi rin totoo na kasabwat namin ang kalapit na punerarya,” sagot ni Mang Isidro.
Ipinatawag ni Kapitan Gaston ang may-ari ng punerarya at sinabi nitong walang negosasyon o sabwatang nagaganap sa pagitan ng punerarya at lugawan ni Mang Isidro. Hindi totoong nagbibigay sila ng laman loob ng tao sa lugawan.
“Eh, paano niyo maipaliliwanag ang nakuhang kuko ng tao sa inorder na lugaw ni Mang Omeng?” tanong ng babaeng tsismosa.
“Bakit hindi niyo tanungin si Mang Omeng?” natatawang sagot ni Mang Isidro.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ng Kapitan.
“Sinadyang lagyan ni Mang Omeng ng kuko ang inorder niyang lugaw sa amin. Ginawa niya iyon para siraan ang lugawan ko. Hindi niyo ba alam na si Mang Omeng ang may-ari ng tapsilugan sa kabilang kanto? Dahil sa matumal ang benta sa negosyo niya ay plinano niyang siraan ang lugawan ko para sa tapsilugan niya bumili ang mga tao,” hayag ni Mang Isidro.
Namutla si Mang Omeng sa ibinunyag ni Mang Isidro.
“Teka, paano mong nalaman?”
“Ang katiwala mong si Noli ang nagsabi sa akin ng lahat. ‘Di niya sinasadyang marinig ang masama mong balak. Salamat na lamang at naging matapat pa rin sa akin ang aking manugang.”
Asawa pala ng anak na babae ni Mang Isidro ang katiwala ni Mang Omeng sa tapsilugan nito na nagsumbong sa masamang plano ng lalaki.
“At saka may CCTV itong aking lugawan kaya walang ligtas ang ginawa mong paglalagay ng kuko sa inorder mong lugaw. Alam kong mangyayari ito kaya pinaghandaan ko na. Ipinagtataka ko rin kung bakit ang isyu ay napunta sa laman loob ng tao, eh kuko lang naman ang nakita sa lugaw? Saan nanggaling ang tsismis na ‘yan?”
Nagkatinginan ang lahat pati na ang mga tsismoso at tsismosang kapitbahay. Wala silang naisagot kung saan nanggaling ang tungkol sa laman loob ng tao.
Abot langit naman ang kahihiyang inabot ni Mang Omeng. Ang lahat ng sinabi niyang paninira ay tumalbog sa kanya. Nasira ang kanyang imahe sa mga kapitbahay niya. Ang matumal niyang tapsilugan ay tuluyang nalugi dahil sa ginawa niya. Kung tutuusin ay maaari siyang sampahan ng kaso ni Mang Isidro dahil sa paninira niya sa negosyong lugawan nito ngunit dahil mabuting tao ang lalaki ay nagawa pa siya nitong patawarin.
Dahil napatunayang hindi totoo ang mga bintang sa lugawan ni Mang Isidro ay bumalik ang tiwala ng mga kustomer sa kanyang negosyo at mas lalo pa itong dinagsa ng mga tao dahil sa masarap niyang lugaw.