Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Ginang ang Anak ng Bago nilang Kapitbahay dahil sa Trabaho nito; Iyon Pala’y May Inggit Lamang na Namumuo

Minaliit ng Ginang ang Anak ng Bago nilang Kapitbahay dahil sa Trabaho nito; Iyon Pala’y May Inggit Lamang na Namumuo

Tsismis dito, tsismis doon. Mula pa lang sa pagkagising ng umaga ay tsismis na ang almusal nina Aling Edna at ng iba pa niyang mga kapitbahay. Sa araw-araw na lamang ay palaging ganoʼn ang takbo ng buhay nila, hanggang isang araw ay lumipat doon ang Pamilya Garcia.

“Ay, mare, mukha yatang mayaman ʼyong bago nating kapitbahay diyan. Balita ko, balak nilang gawing garahe ng bagong sasakyan ʼyong bakanteng espasyo sa gilid ng bahay nila,” balita ni Grace kay Aling Edna, isang umagang nakaistambay sila sa tindahan ni Cristy.

“Kaya nga, e. Ano kaya ang trabaho ng mga ʼyan? Balita ko kasi, homebased daw iyong sa anak nila,” singit naman ni Jeremy, iyong beki rin nilang katsismisan.

“Wow! Ang galing naman!” ani Kakay.

“Anoʼng magaling doon kung homebased lang naman?” reaksyon naman ni Aling Edna na may halong panunuya ang tono ng tinig. Kanina pa kasi siya natutuliling sa kapupuri ng mga ito sa bago nilang kapitbahay. “Ang liit-liit kaya ng sahod ng mga nagtatrabaho ng homebased! Tapos, ang tatamad pa niyan. Ayaw lang nilang mapagod ang katawan nila kaya sila nagtitiyaga sa maliit na sahod,” tatawa-tawa pang dagdag niya.

Nagsitanguan naman agad ang mga katsismisan niya na ikinatuwa rin naman ni Edna.

Sa paglipas pa ng mga araw ay patuloy na siniraan ni Edna sa kanilang mga kabarangay ang kanilang bagong lipat na mga kapitbahay, kahit na ang totoo ay hindi naman niya sigurado ang mga salitang ipinagsasabi niya sa ibang tao tungkol sa mga ito. Ang pinakalayunin lang naman kasi niya ay ang huwag mapunta sa pamilya ng mga ito ang papuring dating napupunta sa kanila.

“Ma, natanggal ako sa trabaho,” ang masamang balita ng kaniyang anak pagkagaling nito sa opisina nang araw na iyon.

Tila nabingi si Aling Edna sa narinig. “A-ano kamo, anak? Natanggal ka sa trabaho?! Bakit?”

Hindi naman makasagot ang kaniyang anak noong una, hanggang sa mag-usok na siya sa sobrang galit. Saka lang ito umamin sa totoong dahilan ng pagkatanggal nito sa trabaho…

“Mama, boyfriend ng anak ng bago nating kapitbahay ang boss ko at ikakasal na sila sa susunod na buwan at nalaman ni Boss na nagkakalat kayo ng maling tsismis dito sa lugar natin tungkol sa pamilya nila, kaya tinanggal niya ako sa trabaho nang makahanap sila nang butas sa akin! Eksaktong nahuli ako ni boss na natutulog sa kalagitnaan ng duty, kaya tinanggal niya ako kaagad.”

Tila nanlumo si Aling Edna sa sarili. Nanlambot ang kaniyang mga tuhod at walang buhay na napasalampak na lamang sa sahig dahil sa nalaman.

Nang dahil sa tsismis na siya mismo ang may gawa, hindi lang buhay ng ibang tao ang kaniyang sinira. Ngayon ay maaari pang madamay doon ang buhay ng kaniyang anak! Sa sobrang successful ng kompanyang iyon, malamang sa malamang na mahihirapang muling makahanap ng magandang trabaho ang kaniyang anak dahil natanggal ito roon na may masamang reputasyon!

“A-anak, patawarin mo ako!” walang ibang masabi si Aling Edna kundi ang mga katagang iyon.

Maya-maya lang ay kumakatok na ang kaniyang kapitbahay na sina Grace at Kakay sa kaniyang pintuan. Ibinalita ng mga ito na mayroong napakagarang sasakyang pumarada sa tapat ng tahanan ng kanilang bagong kapitbahay.

Tila doon ay nabuhayan pa ng loob si Aling Edna. Dali-dali niyang pinuntahan ang Pamilya Garcia upang hingin ang kapatawaran ng mga ito sa kaniyang ginawa.

“Hindi ko alam kung ano ang kasalanan namin sa ʼyo at naisipan mo kaming imbentuhan ng kung ano-anong kuwento para lamang masira kami rito sa lugar ninyo. Bagong lipat lang kami. Kabibili lang ng bahay na ito na matagal ding pinag-ipunan ng anak ko, pagkatapos ay ganito lang ang gagawin mo?” nanggagalaiting litanya ng ilaw ng tahanan ng Pamilya Garcia na malugod at buong pusong tinanggap lang ni Aling Edna habang nakayukod.

“N-naiinggit kasi ako sa inyo. Iyon ang totoong dahilan kaya nagawa ko ang mga bagay na ʼyon. Hindi ko na uulitin. Sanaʼy mapatawad nʼyo pa ako,” sinsero namang hinging paumanhin niya.

Umalis siya sa tahanan ng mga Garcia na wala nang nakuhang ibang salita pa mula sa mga ito. Pag-uwi niya sa bahay ay ibinalita sa kaniya ng kaniyang anak na muli na siyang pinagre-report ng kaniyang boss sa trabaho.

Kahit papaano ay naawa pa ang Pamilya Garcia sa kaniya kaya naman hindi na nila idinamay pa ang kaniyang anak sa kasalanang ginawa niya. Iyon nga lang, mukhang matatagalan pa bago talagang maghilom ang sugat na idinulot ng matabil niyang dila sa puso ng mga ito.

Advertisement