Nag-alinlangan ang Lalaking Ito sa Niretong Dalaga ng Kaibigan, Ito na Pala ang Babaeng Kaniyang Makakatuwang sa Buhay
“Tol, humanap ka na kasi ulit ng mapapangasawa mo, matagal na panahon na naman ang nakalipas simula noong ipagpalit ka ng asawa mo sa isang mayaman na piloto,” panunukso ni Tado sa kaniyang matalik na kaibigan.
“Naku, pinaalala mo na naman! Naiisip ko rin naman na sumubok ulit pero sino ba naman kasing papatol pa sa akin, ‘tol? May dalawa akong anak tapos wala pang permanenteng trabaho. Baka kapag may nabingwit ako tapos nakaranasan ng mahirap na buhay iwan ulit ako. Natatakot na ako,” daing ni Marco, bakas sa mukha niya ang kalungkutan.
“Hindi naman pare-pareho ang mga babae, eh, kapag nakatiyempo ka nang katulad ng asawa ko, aba, swerte ka na,” depensa naman ng kaniyang kaibigan saka tinapik-tapik ang kaniyang likuran.
“Sana nga, eh, pero bago ‘yon, gusto ko muna magkaroon ng magandang trabaho para hindi naman nakakahiya doon sa babae, may mga anak na nga ako, paghihirapan ko pa siya,” sagot niya dito habang nakamasid siya sa mga ulap.
“Aba, teka, may papakilala ako sa’yo. Saglit d’yan ka lang,” sambit ng kaniyang kaibigan na ikinataranta niya.
“Hoy, ayan ka na naman! Ayoko muna sabi!” sigaw niya dito saka napakamot ng ulo.
Magdadalawang taon nang mag-isang tinataguyod ni Marco ang kaniyang dalawang anak dahilan upang palagi na lamang siyang kulitin ng kaniyang kaibigan na humanap na muli ng kaniyang makakatuwang.
Ngunit palagi siyang tumatanggi sa tuwing may irereto ito sa kaniya, dahil para sa kaniya, ayaw na niya muli mangyaring iwan siya ng babae dahil sa hirap ng buhay na maibibigay niya.
Plano niyang maghanap muna ng maganda at permanenteng trabaho bago pumasok muli sa isang relasyon dahil bukod sa magiging magaang na ang buhay ng kaniyang mga anak, may maipagmamalaki pa siya sa babaeng matatagpuan niya.
Pero tila biglang bumaliktad ang plano niyang iyon nang makita niya ang bagong babaeng dala ng kaniyang kaibigan.
May kagandahan ang babae at palangiti dahilan upang mapukaw ang kaniyang pansin.
“Tol, si Glenda, kapatid ng asawa ko, nagbakasyon lang ‘yan dito sa amin, naghahanap din ‘to ng makakasama, eh,” sambit ni Tado saka sila pinagkamay.
Hindi maalis sa mukha niya ang ngiti pero ni hindi niya magawang tumingin nang diretso sa dalaga dahil bukod sa nahihiya siya sa kaniyang suot, naisip niya ang kalagayan ng buhay niya at laking gulat niya nang bigla siyang yayayain nitong mag-sine.
“Te-teka, wala kasi akong…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil agad na siya nitong hinila pasakay ng jeep.
Kamot ulo siyang sumama rito. Naisip niyang takasan ito dahil pagkasilip niya sa kaniyang pitaka, mayroon lamang siyang bente pesos ngunit naisip niya ring kawawa naman ang naturang dalaga kung iiwan niya.
Kaya naman nang pumila na ito sa bilihan ng tiket sa sine, agad na niya itong pinigilan.
“Glenda, ano kasi, eh, wala kasi akong pera pangbayad, hindi kita maililibre d’yan,” nakatungong sambit niya ngunit laking gulat niya nang tawanan lamang siya nito.
“Ano ka ba? Siyempre ako ang magbabayad, ako ang nagyaya sa’yo, eh,” sagot nito sabay kindat sa kaniya.
Sa buong araw na iyon, masaya niyang nakasama ang dalaga at lubos niya itong nakilala. Hiyang-hiya siya dahil ni piso, wala siyang nailabas para sa dalaga ngunit ika nito, “Hindi mo kailangang maglabas ng pera para mapasaya ako,” na labis niyang ikinagulat.
Doon biglang sumagi sa isip niya ang sinabi ng kaniyang kaibigan at napagtanto niyang iba-iba nga ang mga babae dahilan upang naisin na niyang ligawan ito.
At dahil sa angking kabaitan niya, sinagot na rin siya ng dalaga hindi kalaunan. Ilang buwan lamang ang nakalipas, pinasok siya ng nobya sa trabaho nito sa isang hotel sa Maynila at doon na siya nagsimulang makaipon para sa kaniyang mga anak.
Laking tuwa niya dahil sobrang laki nang pang-unawa ng natagpuan niyang dalaga at nais nitong unahin niya ang kaniyang mga anak kaysa sa kaniya.
“Ganito pala ang pakiramdam nang makatagpo ng isang babaeng eksakto sa kinakailangan ko, hindi ako nakakaramdam ng pangamba sa hirap na dadaan dahil alam ko sa sarili kong kahit anong mangyari, tutulungan niya ako,” sambit niya sa sarili habang pinagmamasdan ang dalagang masayang nakikihalubilo sa kaniyang mga anak.
Ilang taon ang lumipas at nagdesisyon na siyang pakasalanan ito. Simple man at hindi ganoon karami ang bisita, masaya nilang nairaos ang isang napakahalagang yugto ng kanilang buhay.
Labis ang pasasalamat niya sa matalik na kaibigang nagpakilala sa kaniya ng isang natatanging dalaga at nakapagpaniwala muli sa kaniya na makapangyarihan ang pag-ibig.
May tao talagang dadaan sa ating buhay na mag-iiwan lamang sa atin ng leksyon. Ngunit may tao namang mananatili sa ating buhay upang pagyabungin ang pag-ibig na natutulog sa ating puso.