Tinulungan Niya ang Isang Estranghero nang Malagay Ito sa Alanganing Sitwasyon; Ito Pala ang Magliligtas sa Kaniya
Bahagya pang sumasabay si Mang Tirso sa kantang tinutugtog sa radyo habang nagmamaneho sa kahabaan ng Kalye Narra. Malalim na ang gabi na sinabayan pa ng malakas ang ulan kaya naman mabagal ang takbo ng minamaneho niyang taxi.
Hindi din kasi siya masyadong pamilyar sa daan na binabaybay.
Maya-maya ay mas lalong bumagal ang takbo ng kaniyang sasakyan dahil may naaninag siyang tila tao na kumakaway mula sa ‘di kalayuan.
Nagdalawang-isip si Manong Tirso kung hihintuan niya ang estranghero. Talamak kasi sa balita ang modus ng mga holdaper na nagpapanggap na nasiraan nang sasakyan upang makapambiktima.
Inilawan niya ang lalaki nang makalapit dito. Basambasa ang suot nitong damit kaya naman makikita ang panginginig nito dahil sa lamig.
Hinipo niya rosaryo na nakasabit sa salamin sa harap ng kaniyang taxi saka umusal ng panalangin.
“Bahala na ho Kayo, Diyos ko…”
Kinuha niya ang kaniyang payong bago binuksan ang pinto ng kaniyang sasakyan upang babain ang lalaki.
“Nako, hijo, basang basa ka na. Pumasok ka na dito baka magkasakit ka,” paanyaya niya sa lalaki.
Agad naman itong tumalima at naglakad papasok sa kaniyang taxi. Nang makapasok ay inabutan niya ang lalaki ng tuyong tuwalya.
Minasdan ni Mang Celso ang lalaki dahil pamilyar ang mukha nito. Nakita niya na ang lalaki kung saan. Hindi niya lang matukoy.
“Maraming salamat ho, manong. Kanina pa ako dun, walang gustong huminto sa akin.” Sabi ng lalaki.
Bahagyang napanatag si Mang Tirso. “Mukhang hindi naman ito masamang tao,” sa isip-isip niya.
“Pagpasensiyahan mo na. Alam mo naman sa panahon ngayon hirap ang tao magtiwala sa mga estranghero.” Paliwanag niya sa lalaki.
“Oho, manong. Marami ho talagang masasamang loob sa panahon ngayon.” May hindi maipaliwanag na lungkot sa mata nito, bagay na ipinagtaka ni Mang Tirso.
“Kaya maraming salamat ho at tinulungan niyo ako. Hindi ko ho makakalimutan ang kabutihang loob niyo. Sana ho lahat ay kagaya niyo.” Muli ay may malungkot na ngiti sa mga labi nito.
“Hijo, hindi ko alam, pero pamilyar ang mukha mo. Hindi ko alam kung saan kita naki-“ Hindi natapos ni Mang Tirso ang sasabihin dahil dalawang armadong lalaki ang biglang humarang sa daan kaya naman agad niya tinapakan ang preno.
May baril ang lalaki na nakatutok sa harap ng kaniyang sasakyan. Sumenyas ito, pinabababa siya.
Tulala naman si Mang Tirso. Hindi alam ang gagawin.
Nilingon niya ang lalaking katabi. Sa kaniyang pagtataka, wala man ni mumunting takot na mababanaag sa mukha nito. Blangko ang mata nitong nakatingin sa dalawang lalaki.
Bago pa man makahuma si Mang Tirso ay nagsalita na ang lalaki.
“Manong dito lang ho kayo. ‘Wag ho kayong lalabas.” Babala nito.
“Paano ka? May armas sila! Baka masaktan ka lang. Ibibigay ko na lang ang kinita ko sa kanila, ‘yun lang naman ang kailangan nila!” Takot na sagot niya sa lalaki.
“Ako hong bahala sa inyo.” Muli niyang nakita ang malungkot nitong ngiti
Bago pa niya mapigilan ito ay nabuksan na nito ang pinto ng kaniyang sasakyan.
Sindak na pinanood niya itong lumapit sa dalawang lalaki. Napapikit si Mang Tirso sa takot.
Ngunit imbes na putok ng baril, sindak na sigaw ang narinig ni Mang Tirso. Pagmulat niya ay nakita niya ang dalawang armadong lalaking nagsisisigaw habang kumakaripas ng takbo palayo mula sa lalaki.
Takang-taka si Mang Tirso sa nangyari. Bumaba siya ng sasakyan upang mag-usisa ngunit ganun na lamang ang pagtataka niya nang hindi niya makita ang lalaki.
“Hijo, nasaan ka na?” Sigaw niya mula sa kadiliman.
Matagal siyang tumayo at naghintay sa gitna ng daan ngunit bigo siyang makita ang lalaki kaya naman ganun na lang ang pagtataka niya.
Umihip nang malakas ang hangin. Nanindig ang kaniyang balahibo nang maramdaman ang malamig na hangin sa kaniyang batok kaya naman dali dali siyang pumasok sa kaniyang sasakyan.
Habang nagmamaneho ay nakakaramdam pa din ng kilabot si Mang Tirso sa biglaang pagkawala ng misteryosong lalaki. At paano nga ba niya ang maipapaliwanag ang pagkaripas ng takbo ng dalawang armadong lalaki mula dito?
Nang sumapit ang sumunod na umaga, laman ng balita ang mga kasagutan ang mga bagay na gumugulo sa isipan ni Mang Tirso.
“Sumuko na sa pulisya ang dalawang salarin sa pagkasawi ng negosyanteng si Allan Santos. Nasawi ang biktima matapos masaks*k habang nanlalaban sa dalawang holdaper. Nangyari ito nang masiraan ang biktima sa madilim na parte ng Kalye Narra. Napag-alaman sa imbestigasyon na walang tumulong sa negosyante sa daan hanggang sa matiyempuhan ng mga salarin,” pag-uulat sa balita.
Namilog ang mga mata ni Mang Tirso. Makikita sa TV ng larawan ng dalawang lalaki, ang dalawang armadong lalaki kagabi!
At ang lalaking biktima ay walang iba kundi ang misteryosong lalaking bigla na lamang nawala kagabi! Kaya pala pamilyar ito, dahil nakita niya na ito nang ibalita ang pagkasawi nito isang linggo pa lamang ang nakararaan.
Gulantang na gulantang si Mang Tirso sa natuklasan. Mahiwaga man ang karanasan, malaki ang pasasalamat niya sa kaluluwa ni Allan, na iniligtas siya mula sa tiyak na kapahamakan.
Bilang pasasalamat, bumalik siya sa bahaging iyon ng Kalye Narra. Ipinagtirik niya ng kandila ang namayapang si Allan, habang umuusal ng taimtim na panalangin.
“Maraming salamat, hijo. Hindi ko malilimutan ang pagtulong mo sa akin. Nahuli na ang mga may sala sa pagkasawi mo. Nawa ay matahimik ka na at maging payapa. Pangako ko sa’yo na tutulong ako sa kung sinumang nangangailangan para hindi na sila matulad sa sinapit mo.”
Umihip nang mabini ang hangin. Alam ni Mang Tirso na matatahimik na ang kaluluwa ni Allan.