Pilit na Pinapirma ng Ganid na Ginang ang Kaniyang Kamag-Anak na Naghihingalo; Hindi Niya Inaasahan ang Ganti sa Kaniya ng Kapalaran
Hindi na alam ni Sally ang kaniyang gagawin dahil sa karamdaman ng inang may sakit sa baga. Halos hindi na kasi ito makakain at makatulog dahil sa pag-ubo nito. Madalang lang din kung madala sa ospital upang mapatingnan ang ina sapagkat salat sila sa pera. May taniman ang mag-anak ngunit dahil tagtuyot ay wala silang maaning gulay dahilan upang mawalan sila ng ikinabubuhay.
“Inay, sandali lamang po at pupunta ako kina Tiya Azon. Manghihiram ako ng pera para makabili ako ng gamot niyo,” saad ni Sally sa inang hirap na hirap sa pag-ubo.
Natungo si Sally sa bahay ng kaniyang kamag-anak na si Azon. Halos katabing bahay lamang ito ng mag-ina.
“Tiya, baka po pwedeng makahiram kasit dalawang daang piso para po maibili ko ang nanay ng gamot,” pakiusap ni Sally sa matanda.
“Uutang na naman? E, hindi pa nga kayo nakakabayad sa inutang mo noong isang araw. At saka ano namang ipambabayad mo sa akin, aber?” pagtataray ni Aling Azon.
“Tiya, parang awa niyo na po. Wala na po akong malapitan. Kailangan na po ni nanay talaga ng gamot kasi nahihirapan na siya sa paghinga niya. Baka kung mapaano na ang nanay. Pangako ko po na ibabalik ko kaagad kapag nagkapera,” pagsusumamo ng dalaga.
“Kukunsensiyahin mo pa ako! Kung ibinibenta niyo na kasi ang lupa doon sa kakilala ko e, hindi sanay may pera kayo! Mga wala kasi kayong alam kaya ganyan ang mga desisyon niyo sa buhay. Nagmamataas pa kayo!” sambit ni Aling Azon habang dumudukot ng dalawang daan piso mula sa kaniyang pitaka.
“O, heto! Siguraduhin mo lang, Sally na naibalik ‘yan. Limang daang piso na ang utang mo sa akin!” pagsusungit ng matanda.
Agad itong kinuha ni Sally at nagtungo sa pinakamalapit na parmasiya at bumili ng gamot. Nang makabili ay agad din siyang umuwi ng bahay at saka dali-dali itong ipinainom sa ina. Ang natirang pera ay ibinili niya ng noodles para sa ina nang sa gayon ay mainitan ang sikmura nito.
“Inay, ‘wag kayong susuko at magagawan ko ito ng paraan. Maipapagamot ko po kayo. H’wag kayong mag-alala. Lalapit ako kay chairman o kaya kay mayor bukas na bukas para humingi ng tulong,” wika ni Sally sa ina.
Hirap man sa paghinga ay pinilit ng ina na kausapin ang anak. “Maraming salamat sa pag-aalaga mo, anak. Ako itong nanay, ako ang dapat nag-aalaga sa iyo pero ikaw pa itong namumublema ng dahil sa akin,” sambit ng ina.
“H’wag n’yo na po ‘yan alalahanin, ‘nay. Alam niyo naman kung gaano ko kayo kamahal,” sambit ni Sally.
“Anak, inaalala ko ang lupa natin kapag ako ay nawala na,” sambit muli ng ina.
“Inay, h’wag n’yo munang isipin ang lahat ng iyan. Saka hindi po kayo mawawala. Gagawin ko ang lahat para gumaling kayo!” sambit ng dalaga.
Kinabukasan ay kitang-kita ang panghahapo ng katawan ng ina ni Sally. Hirap na hirap na ito sa paghinga at kailangan na talaga nitong madala sa ospital. Lumapit muli si Sally kay Aling Azon upang manghingi ng tulong upang sa gayon ay madala na ang nahihirapang ina sa ospital.
“Ako na naman ang nilalapitan mo, Sally! O siya, sige tutulong ako sa pagdadala ng nanay mo sa ospital. Basta siguraduhin mo na mababayaran mo ako sa kahit anong paraan,” sigaw ni Azon.
Wala nang nagawa pa si Sally kung hindi umoo na lamang sa gusto ng kaniyang tiyahin.
Habang nasa ospital at nagtataranta si Sally sa pag-aasikaso sa ina ay nakakita ng pagkakataon si Aling Azon.
“Sally, kailangan mo raw bilhin ang mga gamot na ito. Lumarga ka na at kailangan daw agad ng nanay mo na mainom ‘yan,” sambit ni Aling Azon sa dalaga.
Nagtataka man ay agad na umalis si Sally dahil sa kaniyang pangamba.
Habang hirap sa paghinga ang ina ni Sally ay agad na inilabas ni Aling Azon ang mga dokumento at pinapirma ang ginang.
“Sige na, pirmahan mo na ito. Para daw bumaba na ang babayaran ng anak mo dito sa ospital,” saad ni Aling Azon sa ginang. Dahil nga hirap na ito, hindi na makabasa at sa pag-aalala sa anak ay tuluyan ng pinirmahan ng ginang ang dokumento na iniabot ni Aling Azon.
Pagbalik ni Sally ay napatakbo na lamang siya ng makita ang ina na pinapalibutan na ng mga nars at doktor dahil naghihingalo na pala ito. Hanggang sa tuluyan na itong binawian ng buhay.
Nang mailibing ang ina ni Sally ay agad siyang nagtungo kay Azon upang bayaran ang mga utang niya.
“Tiya, ito na po ang bayad sa utang namin,” saad ni Sally.
“Hindi na kailangan ‘yan, Sally. Nabayaran mo na ang utang ninyo. Ibinigay na sa akin ng iyong ina ang lupain ninyo bago siya yumao. Narito ang katibayan,” sambit ng matanda habang tangan ang mga dokumento.
Gulat na gulat si Sally sa kaniyang nakita. “N-ngunit paano? Sigurado po ba kayo?” pagtangis ng dalaga.
“Oo, dapat kasi ay matagal ninyo na itong ginawa nang sa gayon ay naipagamot mo agad ang nanay mo. Baka ngayon ay buhay pa siya,” tugon pa ni Aling Azon.
“Maraming salamat po, tiya!” natutuwang sambit ni Sally. Nagtataka naman si Aling Azon kung bakit ganito pa ang naging reaksiyon ng dalaga.
“Nagkanda baon-baon po kami sa utang upang bayaran ang mga utang na kaakibat ng lupang iyan. Iyan din po ang dahilan kung bakit hindi po namin maibenta sa inyo dahil hinahabol na po ng bangko. Ang sabi din po ay hindi na mapapakinabangan ang lupang iyan sapagkat hindi talaga siya maaaring pagtaniman. Hindi rin po siya p’wedeng tayuan ng gusali sapagkat gugugol po napakalaking pera para lang po masiguradong kakayanin ang pundasyon,” saad ni Sally.
“Pinuproblema ko nga po ang lahat ng pagkakautang na kaakibat sa lupang iyan. Ngunit dahil sa inyo na po nakapangalan ay wala na po akong kailangan pang isipin pa,” dagdag pa ng dalaga.
Hindi makapaniwala si Aling Azon sa lahat ng kaniyang narinig. Hindi pala siya ang tunay na nakalamang sa mag-ina kung hindi nagkaroon pa siya ng problema. Sising-sisi ang ginang sa kaniyang ginawang panlalamang. Dahil ganid siya ay naging karma sa kaniya ito. Ngayon siya ay baon sa utang at hindi niya alam kung paano pagbabayaran ang lahat ng kasakimang ito.