Nagpakasal sa Iba ang Nobyo ng Babae kaya Wasak na Wasak ang Puso Niya; May Matinding Dahilan Pala Ito
“Ayokong saktan ang damdamin mo, pero kailangan mo itong malaman,” wika ni Eunice kay Judy.
“A-ano ba ‘yon, Eunice?!” tanong ng dalaga habang lalong lumabas ang kaba sa dibdib.
Kausap ni Judy ang pinsan ng kaniyang nobyong si Vincent na matalik niya ring kaibigan. Pinabuksan sa kaniya ng babae ang envelope na dala nito. Inilabas niya ang laman niyon at gayon na lamang ang pagkabigla niya nang makita ang mga litratong naroroon. Litrato ng kaniyang nobyo at ng isang babae. Mayroong magkayakap ang dalawa, magkahawak ang mga kamay at may naghahalikan. Ang mga larawan ay parang kuha sa lobby ng isang hotel.
“T-teka, a-anong ibig sabihin ng mga litratong ito?!” tanong niya na para bang gusto na niyang magwala sa mga nakita.
“Ang babae ay si Lorraine Montecillo, asawa ni Vincent,” bunyag ng kaibigan.
“A-asawa?” ulit niya pagkaraan nang ilang saglit na pagkagulat.
“Ang mama niya ang nagpadala sa akin ng mga litratong ‘yan. Nalaman ko na nagpakasal sila ni Lorraine sa Cebu. Hindi totoong may trabahong inaasikaso si Vincent doon. Ang litratong hawak mo ay kuha sa hotel kung saan sila nag-honeymoon. Sinasabi ko sa iyo ito dahil ayokong umasa ka pa na itutuloy ng walanghiya kong pinsan ang inyong kasal.”
Sa nalaman ay parang sinaksak ng punyal sa dibdib si Judy.
“Hindi ako naniniwala. Hindi magagawa ni Vincent sa akin ang bagay na ito. Mahal na mahal niya ako, alam ko iyon!”
“Iyon din ang alam ko. Iyon ang lagi niyang sinasabi sa akin. Pero ang sabi ng mama niya, nang makilala raw niya ‘yung babae, p-parang biglang naglaho ang nararamdaman niya para sa iyo at nalipat ang lahat ng iyon kay Lorraine.”
Panay ang iyak na may kasamang pagdadabog nang dumating si Judy sa bahay. Bumuhos na ang lahat ng kaniyang sama ng loob sa nobyo. Ang akala niya ay maayos na ang lahat sa kanila nito dahil nalalapit na ang araw ng kanilang kasal ngunit malalaman lang pala niya na iba ang pinakasalan nito at niloko lang siya. Damang-dama niya nang mga sandaling iyon ang pag-iisa at kawalan. Parang isang malaking bahagi ng kaniyang buhay ang nawala.
Sa sobrang galit sa manlolokong nobyo ay buo ang loob niya na komprontahin ito. Walang makakapigil sa gusto niyang gawin. Masakit na masakit ang kaniyang loob sa ginawa nito kaya gusto niyang makaharap ang lalaki para mapagsalitaan man lang niya nang masasakit. Pinagplanuhan niyang maigi ang gagawin at mga sasabihin kay Vincent. Isang araw ay pinuntahan niya ang opisina nito ngunit hindi niya nakita roon ang lalaki, ang naabutan lang niya ay ang babeng pamilyar sa kaniyang paningin. Hindi siya maaaring magkamali, ang babaeng iyon ay ang babaeng kasama ng kaniyang nobyo sa litrato. Ang babaeng pinakasalan nito na si Lorraine.
“Ano kaya ang ginagawa ng babaeng ito rito?” bulong niya sa isip.
Nagmamadali itong lumabas sa opisina at sumakay ng kotse. Sinundan niya ang babae hanggang sa makarating siya sa isang ospital. Kung naroon ang babaeng iyon, posibleng naroon din si Vincent. Kapag nagkataon, masusumbatan na niya ang taksil niyang kasintahan. Masasabi na niya rito ang mga masasakit na salita na gusto niyang sabihin. Patuloy niyang sinundan si Lorraine na dire-diretsong naglalakad sa corridor ng hospital. Maya-maya ay nakita niya ito na pumasok sa isang pinto.
Malakas na malakas ang kaba niya pero wala siyang nadaramang takot. Nakalapit siya sa pinto. Saglit siyang nakiramdam at nag-ipon ng sapat na lakas ng loob. Pagkuwan ay hinawakan niya ang doorknob, pinihit iyon at marahas na itinulak nang malamang hindi naman naka-locked.
Gulat na gulat ang mga inabutan niya sa loob, ang asawa ni Vincent na si Lorraine at at ang mama ng kaniyang nobyo. Pero ang higit na nagulat ay ang payat na lalaking nakahiga sa kama; si Vincent.
“J-Judy!” bulalas nito.
Hindi siya nakapagsalita agad. Siya kasi ang higit na nabigla sa inabutan niya sa kwartong iyon. May nakakabit na dextrose kay Vincent. Payat na payat na ang lalaki, humpak ang mga pisngi at nanlalalim ang mga mata.
May kilabot na gumapang sa kaniyang katawan. Humakbang siya palapit sa kama nito.
“A-anong nangyari sa iyo?! B-bakit ganyan ang itsura mo?!” parang mapapaiyak na tanong niya.
Napatingin siya sa mama nito na tigmak na ng luha ang mga mata.
“M-may brain tumor siya, hija, at malala na ang kundisyon niya!” umiiyak nang sabi nito.
“Diyos ko!”
“M-malala na ito nang matuklasan namin. Nakakaramdam na pala siya ng pananakit ng ulo palagi ay hindi naman niya iniintindi. Nang ma-diagnose ay hindi na raw maaaring operahin. Tinaningan na rin siya ng mga doktor.”
Malakas siyang napailing. Muli siyang napatingin kay Vincent. Puno na rin ng luha ang mga mata nito.
“I-ibig sabihin ay hindi ka totoong nag-asawa?”
Marahang umiling ang lalaki.
Napatingin siya sa babaeng kasama nito sa litrato.
“Kapatid siya ng matalik kong kaibigan na nagpanggap na asawa ko sa litratong ipinadala ni mama. Kinasabwat ko rin si mama sa lahat ng ito. Ako rin ang nag-utos kay mama na ipadala sa pinsan kong si Eunice ang mga kunwaring litrato para ibigay sa iyo,” sabi uli ni Vincent sa bahagyang paos na boses.
“P-pero bakit, Vincent? Bakit hindi mo ipinaalam sa akin ang tungkol dito?”
“Dahil mahal na mahal kita at ayokong masaktan ka kapag nalaman mo ang totoong kalagayan ko. Patawarin mo ako, Judy.”
“Bakit, sa akala mo ba’y hindi ako nasasaktan ngayon? Sa akala mo ba’y hindi ako masasaktan sakaling malaman kong mawawala ka na? Mahal na mahal kita at alam mo iyon. Hayaan mong alagaan kita, Vincent at huwag na huwag kang tatanggi!” hayag ni Judy.
Nagpalipat si Vincent sa bahay bakasyunan ng mga ito sa probinsya. Hiniling nito sa mga magulang na roon na lamang magbilang ng mga natitirang araw. Ayaw ng lalaki na sa ospital bawian ng buhay. Kasama si Judy nang pumunta roon ang nobyo, mga magulang, at isang private nurse.
Nang hapong iyon ay nagpaakay si Vincent kay Judy sa tabing-dagat, sa may buhanginan. Gusto raw nitong panoorin ang paglubog ng araw habang nakaupo sa wheelchair. Si Judy naman ay naupo sa tabi nito sa isa pang silya.
“Sayang at hindi na tayo maaaring maglakad sa buhanginan. Nami-miss ko nang gawin iyon!” wika ng lalaki.
Napatingin si Judy sa malamlam na mga mata ng nobyo. Parang gusto niyang maiyak sa awa rito pero nilakasan niya ang loob. Hindi makakatulong kung iiyak siya.
“K-kaya mo bang maglakad kung aalalayan kita? Miss ko na rin ‘yung madalas nating paglalakad noon na magkahawak ang mga kamay.”
“S-sige nga, akayin mo ako!” wika nito.
Tumayo si Judy at maingat na yumuko para yumakap sa kaniya ang lalaki upang maitayo niya ito. Nagawa naman niya. Yumakap sa kaniya ang butuhan nang mga kamay ni Vincent.
“A-are you sure na kaya mo, Vincent?”
“Bakit naman hindi kung nandiyan ka sa tabi ko?” sagot nito.
Nagawa niyang ngumiti.
“Hinding-hindi kita pababayaan.”
Humakbang siya, humakbang din ito. Nagawa nitong lumakad at tila nagkaroon ito ng kakaibang lakas.
Dama nila ang bahagyang init ng buhangin sa kanilang mga paa. Wari’y nanumbalik ang dating masayang pakiramdam na bumabalot sa kanila noon, kapag naglalakad sila sa buhanginang iyon.
Maya-maya ay huminto si Vincent sa paghakbang.
“P-pagod ka na ba?” tanong niya.
Marahan itong tumango.
“Sige, babalik na tayo!”
Pumihit na sila pabalik. Maingat na iniupo ni Judy sa wheelchair ang lalaki at saka siya naupong muli sa tabi nito.
“Baka may nararamdaman ka ha, sabihin mo sa akin.”
“Wala. Ang totoo, kahit paano ay naginhawahan ako sa paglalakad natin doon sa buhanginan. Thank you, Judy, at muli mong ipinadama sa akin ang kasiyahang palagi nating pinagsasaluhan noon. Babaunin ko sa aking paglisan ang kasiyahang ito sa puso ko.”
“Vincent…”
“M-muli akong nagpapasalamat sa lahat-lahat. Wala akong ibang babaeng minahal kundi ikaw lang, at w-walang ibang babaeng nagpadama sa akin ng tunay na pagmamahal kundi ikaw. Mahal na mahal kita, Judy!”
“Mahal na mahal din kita, Vincent!”
Hindi na niya napigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha sa sinabi ng lalaki.
Maya-maya ay napansin ni Judy na lumungayngay na ang kanang kamay ng nobyo sa kinauupuan. Natitigilang napatingin siya rito at nakita niyang nakapikit na ito.
“Vincent, Vincent…” mahinang tawag niya pero hindi na kumilos ang lalaki.
Napansin niya, wala na ang sakit na dati’y bakas sa mukha nito. Ang naroon ay isang bahagyang ngiti. Lumisan na si Vincent.
Halos isang taon na ang nakararaan nang pumanaw ang nobyo. Dahan-dahang ipinatong ni Judy ang hawak na bulaklak sa ibabaw ng puntod ni Vincent. Muling pumatak ang masaganang luha sa kaniyang mga mata. Nag-ukol din siya ng maikling panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa nito.
“Maraming salamat sa pagmamahal mo, Vincent. Nangungulila pa rin ako sa iyong pagkawala ngunit kahit nilisan mo na ako’y iniwanan mo pa rin ako ng isang magandang alalala. Kasama ko ang naging bunga ng ating pagmamahalan, si Vico, ang ating anak. Nalaman kong buntis pala ako nang araw na inihatid ka namin sa iyong huling hantungan. Nangangako akong mamahalin ko ang ating anak gaya nang pagmamahal mo sa akin.”
Tuluyan mang nawala si Vincent sa buhay niya ay hindi naman siya mag-iisa dahil isang napakagandang regalo ang handog sa kaniya ng yumaong nobyo. Ang kanilang anak na nakahandang magmahal sa kaniya na katumbas ng pagmamahal ng lalaking pinakamamahal niya.