Malaki ang Galit ng Bata sa Kaniyang Ama dahil Bihira Lamang Niya itong Makita; Malalim na Dahilan pala ang nasa Likod nito
“Mama, bakit laging wala si papa?” ang malungkot na tanong ng sampung taong gulang na batang si Tinoy. Nakaupo siya sa gilid ng parke kung saan sila namamasiyal ng kaniyang ina habang nakatanaw sa mga batang naglalaro sa paligid.
“E, anak, kasi busy si papa mo,” sagot naman ng kaniyang ina.
Ngunit imbes na mabuhayan ay tila lalong nanlambot si Tinoy sa sinabi nito.
“Kahit tuwing birthday ko, mama, wala siya,” aniya pa sabay hikbi.
“Pero, kahit kailan naman, hindi ka kinalimutan ni papa, ʼdi ba, anak?” kunot-noo nang pangungumbinsi ng kaniyang ina kay Tinoy ngunit tila hindi niya iyon alintana.
“Mama, alam mo ba, iyong mga iba kong friends, lagi silang nagba-bonding ng mga papa nila. Laging naglalaan ng time ang mga papa nila para sa kanila, kahit gaano pa sila ka-busy sa work. Bakit po si papa, hindi niya ʼyon magawa?” Maluha-luha ang mga mata ng batang si Tinoy habang itinatanong iyon sa ina.
Samantala, nakaramdam ng matinding kirot sa kaniyang puso ang ina ni Tinoy sa mga narinig na tanong mula sa ama. Mukhang napakalaki na nga ng tampo ng bata rito at kailangan niyang agapan iyon. Kailangan niyang ipaintindi sa anak kung ano ang tunay na dahilan ng matagal na pagkakawalay ng ama nito sa kanilang pamilya.
“Anak, letʼs go home. May ipapakita sa ʼyo si mama,” yaya niya sa anak na matamlay lamang namang tumango at nagpatianod sa paggiya niya rito sa kanilang sasakyan pauwi.
Naglabas siya ng mga komiks at litrato ng ibaʼt ibang paborito nitong cartoon characters.
“Anak, kilala mo ba itong si Superman, Batman at Spiderman?” tanong niya pa na tinanguan agad ng bata.
“They are superheroes, mama. Why?” ang matalino pang pagsagot nito.
“Anak, alam mo bang hindi lang sa komiks at TV mayroong hero?” Ngumiti ang ina ni Tinoy habang ang noo naman niya ay napakunot.
“Si papa mo, anak, isa siyang true to life superhero na nagliligtas ng mga tao,” may pagka-excited pang balita ng ina ni Tinoy sa kaniya.
“Talaga po, mama? How come?”
Hindi umimik ang ina ni Tinoy, bagkus ay naglabas ito ng isang lumang album na naglalaman ng mga litrato ng kaniyang asawa.
“Anak, ito si papa mo noong iniligtas niya ang isang batang babaeng muntik nang makuha ng mga bad guys!” Itinuro niya ang litrato ng ama nito habang karga ang isang batang babaeng nasagip nito mula sa bingit ng pagsabog ng isang gusali sa kalagitnaan ng giyera. Suot nito ang kaniyang maberdeng uniporme habang ang mukha ay nababalutan ng uling.
“Wow! Si papa nga po ʼyan!” tila naman nagningning ang mga mata ni Tinoy sa nakita. Matapos iyon ay ito na ang nagtuloy sa pagbubuklat ng mga pahina ng album at tila tuwang-tuwa ito sa nakikita.
“Mama, totoo po ba talaga ʼto? Superhero po talaga si papa?” sunod-sunod na tanong nito.
“Oo, anak, dahil ang papa mo ay isang sundalo.”
Bakas ang saya ng anak sa mga nalaman tungkol sa kaniyang ama na ngayon ay nadestino sa isang malayo at mapanganib na lugar upang maging bayaning muli at iligtas ang mga tao sa tiyak na kapahamakan. Tila ang kaninang nagtatampong bata ay parang nabuhayan at nagkaroon ng matinding paghanga sa ama.
“Iyon ang dahilan kaya hindi ka nia laging napupuntahan anak. Kasi, kung palagi siyang wala, sino na lang ang magliligtas sa mga tao?” Napatango-tango si Tinoy. “Pero huwag mong kakalimutang mahal na mahal ka ng papa mo, anak, ha? Mahirap ang trabaho ni papa. Miss na miss na natin siya pero sigurado akong mas miss na miss niya tayo.”
“Wow! Ang galing naman, mama. Superhero ang papa ko! Sana, mama, paglaki ko, katulad niya rin ako, ʼno?” ang masaya nang pahayag ni Tinoy sa kaniyang ina.
Labis naman iyong ikinatuwa ng ina. Mabuti na lamang talaga at napakabait na bata ng kaniyang anak dahil mabilis nitong naiintindihan at nauunawaan ang mga bagay-bagay sa kabila ng pagiging komplikado nito.
Isang pagsaludo para sa mga bagong bayani ng bayan dahil inilalaan nila ang kanilang oras, buhay at sarili para sa kaligtasan nang marami. Marami pang batang katulad ni Tinoy na nangungulila sa kanilang amang nagtatrabaho bilang mga sundalong nadedestino sa ibaʼt ibang lugar na malayo sa pamilya at sana ay ipagmalaki nila ang mga ito gaya niya.