Itinira ng Kandidatong Kongresista ang Kaniyang Kabit sa Condo Unit na Pag-aari Nilang Mag-asawa; Hindi Makapaniwala ang Kabit Kung Paano Siya Natunton ng Misis Nito
“Okay ka na ba rito, babe?”
Iginala ni Miranda ang kaniyang mga mata sa bagong condo unit na binili ng kaniyang kabit na si Alfonso para sa kaniya.
“Dito na ba tayo titira, babe? Magsasama na ba tayo?” paglalambing ni Miranda. Nilapitan niya si Alfonso at pumulupot ditong parang ahas.
“Ikaw ang titira dito, babe. Alam mo namang hindi tayo puwedeng magsama. Magagalit ang misis ko kapag nalaman niya ang tungkol sa atin. Malalagot tayo.
“Ha? Akala ko naman, ibabahay mo na ako eh. Kailan ba tayo magsasama, babe? Sabi ko naman kasi sa iyo iwanan mo na iyang misis mo,” nakalabing sabi ni Miranda kay Alfonso.
“Babe, alam mo namang hindi puwede. Hayaan mo, darating din tayo riyan. Sa ngayon, dito ka muna titira. Pupuntahan kita kapag hindi ako busy sa kampanya. Kailangan kong manalo bilang kongresista,” paalala ni Alfonso. Kandidato ito sa pagka-congressman.
“Sige babe… pero dalawin mo naman ako rito. Saka, ano naman ang pagkakabalahan ko?” tanong ni Miranda.
Kinuha ni Alfonso ang kaniyang malaki at makapal na pitaka. Naglabas siya ng ilang cash at credit card. Ibinigay ito kay Miranda.
“Gawin mo ang gusto mong gawin. Magshopping ka, mamasyal ka, whatever. Walang problema sa pera, puwede ko yang kambyuhin kapag nakaupo na ako. Pero isa lang pakiusap ko sa iyo, babe. Huwag kang basta basta tatawag sa akin, magtetext, o pupunta sa mga lugar na naroon ako. Campaign period ngayon at mainit ang mga mata ng kalaban ko sa akin. Hindi naman sa ikinahihiya kita, babe. Nag-iingat lang ako. Okay? I love you…”
At hinila ni Alfonso si Miranda sa bagong kama na hindi pa nagagalaw…
At dumaan pa ang mga araw na nanatili lamang sa loob ng condo unit si Miranda. Halos kompleto na ito sa gamit at appliances. Hindi rin problema ni Miranda ang pagkain. Punumpuno rin ang refrigerator.
May cable din at may internet kaya hindi problema ni Miranda ang paglilibang. Makalipas ang tatlong linggo, nabagot na siya sa ganoong set-up. Minabuti niyang lumabas-labas upang malibang. Ginamit niya ang credit card na ibinigay ni Alfonso.
Namili siya ng mga bagong damit, bag, sapatos, at accessories. Idinaan niya sa mga materyal na bagay ang kahungkagang namamayani sa kaniyang damdamin.
Isang gabi, laking-tuwa ni Miranda nang tumawag sa kaniya si Alfonso. “Babe! Kumusta ka na? Miss na miss na miss na miss na kita! Kailan mo ba ko dadalawin dito?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Miranda. Halos mapalundag siya sa tuwa.
“Tumakas lang ako, babe. Ayos lang ako. Iyong mga bilin ko sa iyo ah? Maging maingat ka. Tamang hinala si misis… hindi ko alam paano siya nagka-ideya na may iba akong babae,” paliwanag ni Alfonso.
“Maingat ako, babe. Teka, baka naman may iba ka na ah?” untag ni Miranda kay Alfonso.
“Ano ka ba naman? Ikaw lang babe at wala nang iba. Oh sige na… bye na!”
Magsasabi sana ng “I love you” si Miranda subalit pinatay na ni Alfonso ang kabilang linya. Pabagsak na ibinato ni Miranda sa sofa ang kaniyang cellphone, na si Alfonso rin ang bumili.
Isinukat ni Miranda ang mga damit na kaniyang pinamili. Napagkatuwaan niyang mag-selfie. Pagkaraan, ipinost niya ito sa social media niya. Muli niyang tiningnan ang account ni Alfonso.
Sa cover photo nito, kasama nito ang buong pamilya. Naalala niya ang panahong una silang nagkakilala ni Alfonso sa isang bar. Hindi niya makalilimutan ang unang gabi ng kanilang pagniniig.
Makalipas ang dalawang buwan at para nang mabubuwang si Miranda. Inip na inip na siya. Gusto niyang makasama si Alfonso subalit mahigpit ang bilin nito sa kaniya. Napagtuunan ng pansin ni Miranda ang pakikipagkilala sa mga dating apps.
Hanggang isang araw, may naka-chat siyang isang lalaking nagngangalang Eric na bigla na lamang nagpadala ng “wave” sa kaniya sa messenger. Pinapunta niya si Miranda sa condo unit. Pumayag naman ito. Nagluto si Miranda ng pagkain, nagbukas ng wine, at nagbihis ng napakaseksing damit.
“Makikipaglaro na lang muna ako, babe. Tutal wala ka namang panahon sa akin at lagi kang nakababad sa asawa mo,” naisaloob ni Miranda.
Maya-maya, may nag-door bell na sa kaniyang pinto. Sabik na nagtungo si Miranda sa pinto at pinagbuksan ang inaasahang bisita. Nawala ang pagkakangiti ni Miranda nang mabungaran si Eric at ang kasama nitong babaeng may gulang na. Isang sampal ang pinakawalan nito sa kaniyang pisngi.
“Hayop kang talipandas ka! Ang kapal ng mukha mong tumira sa condong ito na ako pa mismo ang bumili?” galit na galit na sabi ng babae.
Napaurong si Miranda habang hawak ang namumula at nasaktang pisngi. Ang babaeng sumampal sa kaniya ay walang iba kundi ang misis ni Alfonso!
“A-anong i-ibig sabihin nito?” nakatingin si Miranda kay Eric na nakangisi naman.
“Dahil nasa talampakan ang utak mo, na-trace namin na ang kabit ni Alfonso ay dito nakatira. Sarap ba ng buhay na walang ginagawa kundi puro pasarap? Sa akala ba ninyo hindi ko alam ang tungkol sa relasyon ninyo ng asawa ko? Puwes nagkakamali ka. At may paselfie-selfie ka pa ha?” sabi ng misis ni Alfonso.
Napag-alaman pala nito na sa condo nila ni Alfonso nakatira si Miranda dahil sa mga selfie na ipinost niya sa kaniyang social media, na matagal nang minamanmanan ng misis ni Alfonso.
Inutusan nito ang tauhang si Eric upang makipagkilala kay Miranda at magpanggap na chatmate. Kumagat naman sa pain si Miranda.
“Malandi ka talagang babae ka. Lumayas ka sa condong ito!” walang nagawa si Miranda nang hakutin ng misis ni Alfonso katuwang si Eric na salansanin ang mga gamit niya sa maleta upang palayasin siya.
“Hindi mo puwedeng gawin sa akin ito. Mahal ako ni Alfonso!” sabi ni Miranda.
“May karapatan ako at nasa akin lahat ng karapatan. Una, legal na asawa ako. Pangalawa, dahil legal na asawa ako, pag-aari ko ang condong ito. Ibebenta ko na ito dahil nababoy na! Layas! Kung ayaw mong ipakaladkad kita sa mga security guard!” bulyaw ng misis ni Alfonso.
Walang nagawa si Miranda kundi ang umalis. Kinuha rin ng misis ni Alfonso ang credit card niya. Sising-sisi si Miranda kung bakit niya pinasok ang magulong mundo ng pagiging kabit.
Ipinasya na lamang ni Miranda na putulin ang pakikipag-ugnayan kay Alfonso lalo pa’t kilalang tao ito. Ayaw na niya ng eskandalo. Bumalik siya sa kanilang lalawigan upang magbagong-buhay.
Si Alfonso naman ay natalo sa halalan sa pagka-kongresista matapos ang paglalantad sa iba’t ibang mga babae sa kaniyang buhay, bukod pa kay Miranda. Hiniwalayan din siya ng kaniyang misis dahil sa mga panlolokong ito.