Laking Gulat ng Binata ang Biglaang Pagbabago ng Kaniyang Ama, Ito Pala’y May Malaking Sikretong Itinatago
“Tatay, turuan niyo naman po ako dito sa takdang aralin ko. Hindi ko po kasi…” hindi na natapos ng batang si Edward ang nais niyang sabihin sa ama dahil agad na siya nitong binato ng tsinelas dahilan upang mapatigil siya.
“Huwag ka nga lumapit sa akin! Ilang beses na kitang pinagsasabihan na lumayo ka sa akin, ‘di ba?” galit na ika nito.
“Eh, bakit po ba, tatay? Magpapaturo lang naman po ako sa inyo, eh,” pangangatwiran niya saka muling humakbang palapit sa ama, at agad siya nitong binato muli ng kabilang pares ng tsinelas.
“Doon ka sa nanay mo magpaturo! Huwag mo ako istorbohin!” bulyaw nito habang nanlilisik ang mga mata sa galit dahilan upang mag-umpisa nang maipon ang mga luha niya.
“Bakit ka po ba ganyan, tatay? Dati naman palagi mo akong tinutulungan sa mga takdang aralin ko,” hikbi niya, muli pa sana siyang hahakbang palapit ngunit napatigil siya sa sinabi ng ama.
“Wala kang pakialam! Doon ka na perwisyong bata ka! Alis na!” sigaw nito sa kaniya, at dahil doon, agad na siyang tumakbo papasok ng kanilang bahay.
“Perwisyo raw ako, perwisyo,” paulit-ulit niyang hikbi habang mag-isang sinasagutan ang kaniyang takdang aralin.
Nag-iisang anak ang batang si Edward. Sobra siyang malapit sa kaniyang mga magulang.
Napalaki siya ng mga ito na puno ng pagmamahal at pag-aasikaso dahilan upang ganoon na lamang siya magtanim ng sama ng loob pagtuntong niya sa ika-walong taon sa hayskul. Tila sa isang iglap, lumayo ang kaniyang ama sa kanila ng kaniyang ina. Hindi na ito nakikihalubilo sa kanila sa kwentuhan at kahit sa hapag kainan, ayaw na nitong sumalo. Kapag naririnig pa nitong papalapit na siya, agad itong aalis at magkukulong sa kwarto.
Hanggang sa maging ganap na siyang binata, hindi na bumalik sa dati ang kaniyang ama. Lalong sumama ang loob niya dito noong araw ng kaniyang pagtatapos sa kolehiyo.
Sadya niyang iniwan sa kanilang lamesa ang sobreng naglalaman ng kaniyang diploma pagkauwi nila ng kaniyang ina sa seremonya ng kaniyang pagtatapos. Nakita niyang binuksan ito ng kaniyang ama, ngunit wala man lang kitang karea-reaksyon sa tagumpay na kaniyang naabot. Simula noon, nagpasiya na rin siyang huwag kibuin ang ama. Dinadaanan na niya lamang ang amang dati’y iniiwan niya pa ng makakain sa tuwing manunuod ito ng telebisyon.
Ngunit isang araw, laking gulat niya nang madatnang hinahagod ng kaniyang ina ang likod nito habang umuubo. Ika niya, “Aba, nagdidikit na sila ulit. Ano kayang himala ito?”
Papalapit palang sana siya nang bigla na lamang sumuka ng dugo ang kaniyang ama.
“Tatay!” bigla siyang napasigaw dahilan upang mataranta ang kaniyang mga magulang.
“D’yan ka lang, a-anak, hu-huwag ka lalapit!” hirap na hirap na sambit ng kaniyang ama ngunit hindi na niya ito inintindi at agad na binuhat ang ama. Agad siyang sinuotan ng face mask ng kaniyang ina upang huwag daw siyang mahawa.
Tila nalipad ang kaniyang isip habang buhat-buhat niya ang ama papuntang ospital. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang ina at kung anong nangyayari ngayon sa kaniyang ama.
Sa kabutihang palad, matagumpay na nalunasan ang kaniyang ama at doon na niya nalamang may nakakahawa pala itong sakit na natuklasan lamang sampung taon na ang nakakalipas at patagong iniibsan nito mag-isa.
Labis ang kaniyang panlulumo sa mga nalaman. Nais man niyang magalit sa mga magulang dahil sa pagtatagong ginawa, labis siyang nakokonsensya sa pagbubulag-bulagang ginawa niya at pagtatanim ng sama ng loob.
“Ayaw ka lang niyang mahawa. Sa katunayan nga, palagi ‘yang umiiyak bago matulog dahil hindi ka niya mayakap lalo na noong nakapagtapos ka,” sambit ng kaniyang ina na naging dahilan pa lalo ng kaniyang pag-iyak.
Agad siyang humingi ng tawad sa ama pagkamulat nito. Humingi rin naman ito ng tawad sa kaniya at nangakong habang nabubuhay siya, pupunan ang lahat ng pagkukulang na nagawa dahil sa sakit nito.
Hindi man niya magawang pagalingin ang ama nang agaran, nangako siya ditong sasama sa laban nito.
“Hindi ko na muling hahayaang mag-isa mong harapin ang mga sikreto mong laban, tatay,” sambit niya saka ngumit sa ilalim ng face mask na nagtatago ng kaniyang ilong at bibig.
Simula noon, unti-unting nanumbalik ang ligaya sa kanilang pamilya kasabay ng unti-unting paglakas muli ng kaniyang ama.
Wala talagang nais ang ating mga magulang kundi ang ating kabutihan. Handa silang isakripisyo kahit sariling kasiyahan at kalusugan para sa atin na kanilang mga anak.