Inday TrendingInday Trending
Masama ang Loob Niya Dahil Walang Nakaalala sa Kaniyang Kaarawan, Nagulat Siya nang Sumapit ang Espesyal na Araw

Masama ang Loob Niya Dahil Walang Nakaalala sa Kaniyang Kaarawan, Nagulat Siya nang Sumapit ang Espesyal na Araw

Aligaga si Aling Perla. Paulit-ulit niyang sinipat ang bawat sulok na bahay, sinisigurong walang ni isang bahid na naiwang dumi at alikabok.

Gusto niya na maging perpekto ang lahat. Magpapaalam kasi siya na uuwi siya sa kanila sa susunod na linggo.

Kaarawan na kasi niya. Ika-limampung kaarawan niya na sa susunod Linggo. Nais niya sanang umuwi upang dumalo sa munting salo-salo na inihanda ng kaniyang pamilya sa probinsiya.

Narinig niya ang ugong ng sasakyan. Nang sumilip siya sa bintana ay nakita niya ang sasakyan ng mag-anak na gumagarahe.

“Yaya!” Narinig niya kaagad ang matinis na boses ng kambal na sina Elliana at Elliot na nagpapaunahang tumakbo palapit sa kaniya.

“Naku, ‘wag kayong tumakbo at baka may masaktan sa inyong dalawa!” Paaalala niya sa kambal.

“O, Elliot, sabi sa’yo e, mas mabilis ako tumakbo!” Pang-aasar ni Elliana sa kakambal.

“Yaya, may pasalubong ako sa’yo!” Pagbibida naman ng lalaki.

“Pasalubong natin ‘yan, ‘wag mo solohin!” Nanlaki naman ang mata ni Elliana sa kapatid.

Bago pa man makapagsalamat si Aling Perla sa magkapatid ay nagtakbuhan na ang magkapatid papaakyat sa kwarto ng mga ito.

Napailing na lang si Aling Perla. Mula kasi pagkabata ay siya na ang nag-alaga sa dalawa kaya naman gaano man kakulit ang magkapatid ay hindi niya magawang magalit sa mga ito.

“’Ya, nakita mo na yung binili namin sa’yo?” Bungad naman ni Lucille, ang kaniyang amo, ina ng mga bata.

“Naku, oo, Ma’am Lucille. Maraming salamat, sana ay hindi na kayo nag-abala.” Nahihiyang wika niya sa babae.

“Wala ho iyon, ‘ya, alam mo namang malaki ang pasasalamat ko dahil inalagaan at patuloy mo pang inaaalagan nang mabuti ang kambal.” May malaking ngiti sa maaliwalas na mukha ng babae.

Akmang aakyat na ito nang muling magsalita si Aling Perla.

“Ma’am…” Panimula niya.

Lumingon naman ito. “Bakit ho?”

“Magpapaalam ho sana ako na luluwas ako sa probinsiya sa susunod na linggo.”

Nawala naman ang ngiti nito. Natigilan ito, tila nag-iisip.

“Naku, yaya… Pasensiya na, sa susunod na linggo kasi yung pupuntahan naming kasal ng asawa ko. Pwede ho bang ibang linggo ka na lang umuwi, ‘ya? Walang titingin sa kambal.” Pakiusap nito.

May naramdaman siyang kaunting pagkadismaya ngunit hindi siya nagpahalata. Sumilay ang pilit na ngiti sa kaniyang labi bago siya sumagot. “Sige ho, walang problema.”

Hindi niya na nabanggit dito na uuwi siya dahil kaarawan na niya. Taon taon naman siya nauwi tuwing kaarawan niya. Marahil dahil sa kasal na pupuntahan ng mag-asawa ay nakalimutan na ng mga ito na kailangan niyang umuwi tuwing huling linggo ng Hunyo.

Napabuntong hininga siya. Nalulungkot man ay ayaw niya din naman iwanan ang kambal. Kahit naman teenager na ang mga ito ay makukulit pa din ang mga ito at mahirap pa ding iwanan nang nag-iisa sa bahay.

Nang gabing iyon, bago matulog ay tumawag siya sa panganay na anak.

“’Nak, hindi ako makakauwi diyan sa susunod na linggo. Hindi ako pinayagan ng amo ko. Baka unang linggo na ako ng Hulyo makauwi.”

“Okay lang ‘nay, pwede pa din naman tayo mag-celebrate kahit wala ka rito,” sabi nito.

Gusto niya sana sabihin na hindi sila makakapag-celebrate kung wala ang may kaarawan pero nagpaalam na din kaagad ito, maaga raw kasi itong papasok sa trabaho.

Muli siyang napabungtong hininga bago mabigat ang loob na natulog nang gabing iyon.

Matulin na lumipas ang mga araw. Isang araw na lang ay kaarawan na niya.

Malungkot si Aling Perla dahil tila walang nakakaalala ng kaniyang kaarawan. Akala pa man din niya ang magiging espesyal ang kaniyang ika-limampung kaarawan.

Hindi na siya umaasang may makakaalala pa. Mukhang abala din ang mag-anak. Marahil ay dahil iyon sa okasyon na pupuntahan ng mag-asawa.

Halos maghahatinggabi na nang dalawin siya ng antok, kaya naman nagulat siya nang paggising niya nang umagang iyon ay mag-aalas siyete na!

“Naku, ngayon pa naman ang alis nila Ma’am at Sir! Baka na-late sila dahil sa akin!” Natataranta siyang lumabas ng kaniyang silid.

Ganun na lamang ang gulat niya nang salubungin siya nang malakas na hiyawan na pinangungunahan ng kambal na sina Elliana at Elliot.

Nang makabawi sa pagkabigla ay nagsimula ang mga taong kumanta. Hawak ng kambal ang ng kaniyang bunsong anak ang kaniyang bonggang birthday cake na may disenyong hugis 50.

“Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!”

Inilibot niya ang tingin. Bukod sa kambal, nagulat siya na nandun din ang mag-asawang Lucille at Wilson. Kumpleto ang kaniyang tatlong anak, at maging ang kaniyang asawa ay nandun din.

Ang kaniyang mga malalapit na kaibigan ay pawang imbitado rin kaya naman walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Yaya Perla.

“Akala ko ay nalimutan niyo…” Nangingilid ang luhang sabi niya sa mga naroon.

“Yaya, pwede ba naman naming makalimutan? Sampung taon ka na naming kasama, parte ka na ng pamilya namin!” Wika ng kaniyang among si Wilson, ang asawa ni Lucille.

“Maraming salamat!” Sagot niya dito.

“Sabi ko naman sa’yo ‘nay, pwede tayo mag-celebrate kahit hindi ka umuwi, kasi kami ang pupunta dito!” Masaya siyang niyakap ng panganay na anak.

Natawa siya nang maalala ang pag-uusap nila ng anak. Magkakasabwat pala ang mga ito sa pag-sorpresa sa kaniya.

“Alam naming taon taon ay gusto niyo hong umuwi sa pamilya niyo para sa kaarawan niyo. Gusto lang naming sumama sa pagdiriwang niyo sa taong ‘to dahil pamilya na din naman ang turing naming sa inyo, Yaya Perla.” Nakangiting wika sa kaniya ni Lucille, bago nito inabot sa kaniya ang regalo nito.

“Maraming salamat, ito ang pinakamasayang kaarawan ko…” Madamdaming sagot niya sa amo.

Magana silang nagsalo salo sa maraming inihanda ng mag-anak para sa kaniya.

Ang bahay ay napuno ng kantahan, kwentuhan, at tawanan.

Masayang-masaya naman si Yaya Perla. Marami siyang natanggap na regalo mula sa kaniyang mga mahal sa buhay ngunit ang pinakapaborito niya ay ang regalo na kaloob ng Diyos – ang kaniyang tunay na pamilya at kaibigan, at ang mga taong hindi niya kadugo ngunit itinuturing siyang tunay na pamilya. Wala nang mas hihigit pa sa espesyal na regalong ito.

Advertisement