Pilit ang Pagtanggi ng Dalaga na Ihatid Siya ng Nobyo sa Bahay; Hindi Alam ng Lalaki ang Mararamdaman nang Malaman ang Tunay na Dahilan
“Claire, gusto ko sana malaman kung may pag-asa ba talaga ako sa’yo? Kasi kung hindi mo rin naman ako gusto ay mas maganda kung alam ko kung saan ako lulugar. Alam mo naman kung gaano kita kamahal at gaano ako handang maghintay para mahalin mo rin. Kung may iba kang prayoridad sa buhay ay naiintindihan ko sapagkat nais ko rin ang makatapos ng pag-aaral at may matutunan. Ang gusto ko lang malaman kung gusto mo pa ba na nililigawan kita,” sambit ni Sean sa dalagang si Claire.
“Oo na,” matipid na sagot ng dalaga.
“Oo na as in okay lang sa’yo na nililigawan kita. Hindi ka pa rin naiirita sa akin?” pagtatanong ng binata.
“Oo na as in oo na, sinasagot na kita!” nahihiyang tugon ni Claire kay Sean.
Hindi makapaniwala si Sean sa kaniyang narinig. Sa wakas kasi makalipas ang limang buwan niyang panunuyo ay sinagot na rin siya ng kaniyang napupusuan. Sa katunayan ay mabait naman talaga at magaling makisama itong si Sean. Kaya ganoon na lamang din kabilis nahulog ang loob sa kaniya ng dalaga.
Parehas sila ng kurso sa Unibersidad ng Pilipinas. Parehas din silang iskolar ng bayan. Si Sean ay galing sa mahirap na pamilya at tanging siya lamang ang nakatuntong ng kolehiyo kaya ganito na lamang ang kaniyang pag-aasam na makatapos.
Kaya kahit na magkasintahan ang dalawa ay nais nilang patunayan na hindi ito hadlang sa kanilang pag-aaral bagkus ay isa itong inspirasyon para magpursige pa lalo ang dalawa. Hindi naman sila nagkamali. Dahil parehong matataas ang kanilang mga marka at tutok sila sa pag-aaral.
“Bilang boyfriend mo, Claire, dapat ay ihatid kita sa bahay ninyo,” masayang wika ni Sean sa kasintahan.
“Pero, maglalakad lang tayo hanggang sa sakayan ng dyip, a? Kasi kulang na ang pamasahe ko. Pero ayos lang naman, kasi mas matagal kitang makakasama,” pabirong wika ng binata.
“Ayos lang sa akin, Sean. Hanggang sa sakayan mo na lang ako ihatid para makauwi ka na rin. Mag-gagabi na at marami pa tayong kailangan tapusing reports,” tugon ng dalaga.
“Sigurado ka ba, Claire? Sige, salamat sa pang-unawa mo,” saad ni Sean.
Kahit na sakto lamang ang baon ni Sean ay gumagawa siya ng paraan upang makaipon nang sa gayon ay kahit papano’y mailibre niya ng meryenda ang nobya.
“Pasensiya ka na, Claire, ito lang ang kaya kong ilibre sa’yo ngayon. Pangako ko sa’yo kapag tapos na tayong mag-aral saka may trabaho na tayo, ililibre kita sa isang restawran! Pero sa ngayon ito munang fishballs,” wika ni Sean sa dalaga.
“Sean, may natira naman akong baon dito, baka gusto mong ako na lang ang manlibre. Binigyan kasi ako ng ekstra ng tatay ko. Itago mo na lang ‘yan para pamasahe mo at pang meryenda bukas. Baka may kailangan pa tayong bilhin para sa mga projects natin ay idagdag mo na lang ‘yan. Sa ngayon, ako muna ang taya!” tugon ni Claire.
“Hindi ako makapapayag!” sambit ni Sean na iginiit ang pera na pambayad na nagmula sa kaniyang bulsa.
“Tara, Claire, ihahatid na kita sa bahay niyo,” dagdag pa ng binata.
“H’wag na Sean, sa sakayan mo na lang ako ihatid ulit. Bukas naman ng maaga ay magkikita tayo para makapagpahinga ka na rin,” wika ni Claire.
Kahit na idinadaan sa biro lahat ni Sean ay alam ng dalaga na nahihiya ito sa kaniya.
“Claire, pasensiya ka na kung hindi mayaman ang boyfriend mo. H’wag ka sanang magsisi na ako ang sinagot mo,” nakayukong pahayag ng binata.
“Madalas ay nahihiya na ako sa’yo sapagkat hindi man lamang kita maaya sa isang pormal na date,” pagpapatuloy niya.
“Ayos lang ‘yon, Sean. H’wag mong intindihin ‘yon. Ang mahalaga ay tapat ka sa akin. Saka hindi naman ako nagnobyo para may manlibre sa akin. Sapat na ‘yung lagi tayong nagkukwentuhan at masaya na magkasama,” sambit ni Claire.
Dahil dito ay naging panatag na si Sean.
Kinabukasan, pagkatapos ng klase ay napakasaya ng binata na lumapit sa kaniyang kasintahan.
“Claire, kumita ako mula sa nagpagawa ng project sa akin. Mahahatid na kita sa inyo,” galak na sambit ng binata.
“Naku, ipunin mo na lang ‘yan, Sean. Mas kailangan mo ‘yan. Sa sakayan mo na lang ako ulit ihatid,” tugon ni Claire.
Nahahalata na ni Sean na sa tuwing nag-aalok siya sa dalaga na ihatid niya ito ay palagi siyang tumatanggi. Maaaring iniisip nga lang ng kasintahan ang magagastos ngunit baka may iba itong dahilan.
Kaya minabuti ni Sean na ihatid na lamang nga ng sakayan ang dalaga. Nang makasakay ito ng dyip ay agad din siyang sumakay sa kasunod nitong sasakyan upang sundan si Claire. Bumaba ito agad nang makarating sa isang kanto at doon ay sumakay ng isang kotse. Dito na kinutuban si Sean. Nasa isip niya ay may iba ang dalaga.
Dahil may pera siya ay minabuti niyang sumakay ng taxi at pinasundan niya ang kotse. Laking gulat niya ng huminto ito sa isang malaking bahay.
Agad siyang bumaba sa taxi upang kausapin si Claire.
“Ito ba ang dahilan, Claire, kaya ayaw mong ihatid kita? Dahil may iba kang kinakatagpo. Isang mayamang lalaki?” sambit ni Sean.
“Tinanong kita, Claire, kung ano ba talaga ako sa’yo. Sana noong una palang ay sinabi mo nang may iba kang gusto,” dagdag pa niya.
“Sean, hayaan mo akong magpaliwanag. Mali ang lahat ng iniisip mo,” saad ng dalaga.
“Hindi ko kasintahan ang lalaking nakita mong nagmamaneho, drayber namin siya,” pagpapatuloy ng dalaga.
“A-ang ibig mo bang sabihin ay i-itong malaking bahay na ito ay dito ka nakatira?” gulat na gulat na wika ni Sean. Tumango lamang si Claire.
“Bakit hindi mo agad sinabi sa akin, Claire, na mayaman ka pala?” wika ng binata.
“Patawarin mo ako. Balak ko naman talagang sabihin pero ayaw ko kasing panghinaan ka ng loob. Nakikita ko kasi kung gaano ka namomroblema sa panggastos at kung malalaman mong mayaman kami ay baka mag-iba na rin ang tingin mo sa akin,” paliwanag ni Claire.
“Patawarin mo ako, Sean. Hindi ko intensyon na magsinungaling sa’yo o itago ang lahat ng ito. Ang nais ko lang ay manatili ang masayang relasyon natin kahit na magkaiba ang agwat natin sa buhay,” dagdag pa niya.
Napangiti na lamang ang binata. Hindi siya nagdamdam sa kasintahan dahil naintindihan niya na pinangangalagaan lamang nito ang kaniyang mararamdaman. Ayaw niyang mangliit siya sa kaniyang sarili. Dahil din dito ay napatuyan niyang tunay siyang mahal ni Claire sapagkat kahit iba ang antas nila sa buhay ay pilit niya itong pinakikisamahan at hindi ito nagmalaki o humiling ng anumang bagay na hindi niya makakaya.
Dahil dito ay lalong naging inspirasyon ni Sean si Claire. Nais niyang mas magpursige pa sa buhay nang sa gayon ay mabigyan niya si Claire ng buhay na nararapat sa kaniya.