Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Sorbetero ang Gusgusing Pulubi; Hindi Niya Akalaing Babalik sa Kaniya ang Tulong na Ginawa Niya

Tinulungan ng Sorbetero ang Gusgusing Pulubi; Hindi Niya Akalaing Babalik sa Kaniya ang Tulong na Ginawa Niya

“Sorbetes! Sorbetes kayo riyan!” sigaw ni Mang Isko habang naglalako ng paninda.

Hindi niya iniinda ang init ng panahon at pagod, ang mahalaga sa kaniya ay ang bawat sorbetes na maibebenta niya sa araw na iyon para may maipambayad sa upa. Sinisingil na kasi siya ng may-ari ng nirerentahan niyang maliit na kwarto sa paupahan nito. Kasama niya roon ang kaniyang asawa at dalawang anak. Kailangang maubos ang paninda niya.

“Kaunting tiyaga lang at mauubos rin ang mga tinda kong sorbetes,” sabi niya sa sarili habang matiyagang nilalakad ang kahabaan ng kalsada.

Maya-maya ay napansin niya ang isang gusgusing pulubi na nanlilimos sa labas ng simbahan.

“Palimos po, palimos po! Hahandugan ko po kayo ng magandang musika!” wika ng pulubi habang sinimulan nitong tugtugin ang hawak na lumang biyolin.

Sandaling huminto sa paglalakad si Mang Isko at pinanood ang pagtugtog ng pulubi. Hindi niya akalain na ang isang pulubi ay marunong tumugtog ng biyolin at napakahusay nitong tumugtog niyon. Pakiramdam niya ay para siyang nakikinig ng isang klasikal na konsyerto. Kahit ang mga taong nanonood ay tuwang-tuwa at napahanga ng pulubi.

Nang matapos ang pagtatanghal ay nagsipalakpakan ang mga manonood. Pati si Mang Isko ay napapalakpak din sa husay ng lalaki. Binigyan ng mga taong naroroon ang pulubi ng limos. Napuno ng pera ang maliit na kahong hawak nito. Masayang-masaya naman ang pulubi habang binibilang ang nakuhang mga barya at perang papel ngunit iyon ay biglang inagaw ng tatlong lalaki na naka-maskara ang mga mukha. Nagtangkang lumaban ang pulubi, pero hindi ito umubra sa lakas ng tatlong lalaking mandurukot. Walang awang binugbog ng tatlong kawatan ang pulubi. Kitang-kita naman ni Mang Isko ang nangyari. ‘Di nagtagal ay nilubayan ng mga lalaki ang pulubi at dali-daling tumakas palayo. Agad niyang nilapitan ang pulubi.

“Ayos ka lang ba?” tanong niya rito.

“Kinuha nila ‘yung pera ko, kinuha nila!” wika ng nanghihinang pulubi.

Inalalayan ni Mang Isko ang lalaki at iniupo sa gilid ng simbahan.

“Wala na ang pera ko. Wala na akong pambili ng gamot ni nanay,” sabi ng lalaki.

“Kaya ka ba nanlilimos ay para sa iyong ina?”

Tumango ang pulubi.

“Panlilimos lang po ang ikinabubuhay namin ng aking ina. Dahil mahirap lang po kami ay hindi ako nakapag-aral. Maaga pong pumanaw ang aking ama. Hindi rin naman nakapag-aral ang aking ina. Sinubukan naming maghanap ng trabaho pero walang tumatanggap sa amin dahil wala raw kaming pinag-aralan, kaya sa panlilimos namin inaasa ang aming kakainin sa araw-araw. Ginagamit ko ang kaalaman ko sa pagtugtog ng biyolin para makapanglimos. Ang lumang biyolin na ito ay ibinigay sa akin ng yumao kong ama. Dati rin siyang tumutugtog nito kaya tinuruan niya ako kung paano ito tugtugin. Ang sabi niya’y minana pa niya ito sa aking lolo. Ngayong kinuha ng mga mandurukot na iyon ang lahat ng kinita ko’y wala na akong maipambibili ng gamot ni nanay na iniwan kong mag-isa na nagpapahinga sa ilalim ng tulay sa kabilang kanto. Pansamatala ay doon po kami tumutuloy dahil wala rin naman kaming permanenteng tirahan,” lahad ng pulubi.

Biglang nakaramdam ng matinding awa si Mang Isko. Sa isip niya ay pinaghirapan nito ang perang kinita sa panlilimos, pero basta-basta na lamang kinuha ng mga walang awang kawatan.

“Huwag kang mag-alala. Marami naman akong nabentang sorbetes kanina kaya ibibigay ko na sa iyo ang kalahati ng kinita ko ngayong araw. Sa tingin ko naman ay sapat na ang perang natira sa akin para pambayad sa inuupahan naming kwarto,” tugon ni Mang Isko.

Ibinigay niya sa pulubi ang kalahati ng pinagbentahan niya ng sorbetes para may maipambili ito ng gamot sa nanay nito.

“Maraming salamat po, manong. Hindi ko po alam kung paano ibabalik ang inyong kagandahang loob,” wika ng gusgusing pulubi.

“Ang mahalaga ay maibili mo ng gamot ang nanay mo para gumaling na siya.”

Ilang taon ang lumipas mula nang mangyari ang pagkikita nila ng pulubi. Hindi man lang niya naitanong ang pangalan nito. Mula noon ay hindi na niya ito nakitang nanlilimos sa labas ng simbahan. Sa isip niya ay nakahanap na ito ng mas magandang puwesto sa panlilimos. Wala pa rin nagbago dahil ang pagtitinda pa rin ng sorbetes ang pinagkakakitaan niya para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya at para makaipon sa pambayad ng renta sa inuupahang maliit na kwarto. Habang nagbebenta siya sa labas ng simbahan ay ‘di niya namalayan na may humintong kotse sa kaniyang harapan.

“Ang gara naman ng sasakyang ito!” manghang sabi ni Mang Isko sa isip.

Lumabas sa kotse ang isang lalaki na may maayos na pananamit. Mukhang mayaman ito dahil tila mamahalin ang suot nitong polo shirt at pantalon. Lumapit ito sa kaniya.

“Magandang umaga, bibili ho ba kayo ng sorbetes?” tanong niya sa kaharap.

“Hindi niyo po ba ako natatandaan, manong?

Tinitigang mabuti ni Mang Isko ang mukha ng lalaki ngunit hindi niya talaga ito makilala.

“Pasensya na, hijo, pero parang ngayon lang kita nakita rito, eh.”

Ngumiti ang lalaki.

“Manong, ako po si Niko. Ako ‘yung pulubi na tinulungan niyo noon. Ako po ‘yung binigyan niyo ng pera para pambili ng gamot ng nanay ko. Pasensiya na po at hindi ko naibigay sa inyo ang aking pangalan.”

Napanganga si Mang Isko. ‘Di niya akalain na ang gusgusing pulubi na tinulungan niya noon ay mayaman na ngayon.

“I-ikaw ‘yon? Asensado ka na, hijo! Ano’ng nangyari sa iyo at bakit ka biglang yumaman?”

“Isang mayamang Amerikano ang tumulong sa aming mag-ina. Nakita po niya ang aking pagtugtog ng biyolin habang ako’y nagtatanghal sa harap ng munisipyo. Sobra niyang nagustuhan ang pagtugtog ko kaya kinupkop niya kaming mag-ina at isinama sa Amerika. Doon ay pinag-aral niya ako sa kurso na may kinalaman sa musika at ngayon nga ay isa na akong hinahangaang musikero sa Amerika. Maayos na po ang buhay namin doon. Nagbalik po ako rito para magpasalamat sa isang tao,” sabi ng lalaki.

“Sino naman ‘yon, hijo?”

“Kayo po, manong. Ipinagtanung-tanong ko kayo sa mga tao rito at ang sabi nila ay rito pa rin kayo nagtitinda ng sorbetes at ang pangalan niyo pala ay Isko. Gusto ko po kayong pasalamatan sa ginawa niyong pagtulong noon sa akin. Dahil sa ibinigay niyong pera ay nakabili ako ng gamot para sa aking ina at siya ay agad na gumaling. Ito na po ang tamang panahon para makabawi ako sa inyong kabutihan. Sumama po kayo sa akin at may sorpresa ako sa inyo.”

Niyaya siya ng lalaki na sumakay sa magara nitong sasakyan. Ilang minuto lang ay nasa harap na sila ng isang malaking bahay.

“Ang laki at ang ganda naman nito, hijo! Dito ba kayo nakatira ng nanay mo?” tanong ni Mang Isko.

“Hindi po. Sa inyo na po ang bahay at lupang ‘yan. Simula ngayon ay hindi na kayo magbabayad ng renta sa inyong inuupahan. Mayroon na kayong sariling tirahan. ‘Yan po ang regalo ko sa inyo, manong.”

Biglang napaluha si Mang Isko. Hindi niya inasahan na sa kaniyang munting pagtulong noon ay babalik sa kaniya ang biyayang ibinahagi niya.

“Maraming salamat, hijo!” tanging nasambit niya habang ‘di pa rin makapaniwala sa sorpresa ng lalaki.

‘Di nagtagal ay bumalik na sa Amerika ang lalaki para roon na manirahan kasama ang ina. Si Mang Isko naman ay hindi na namomroblema sa renta dahil may sarili na silang bahay at lupa ng kaniyang pamilya.

Advertisement