Inday TrendingInday Trending
Halos Maubos sa mga Pampaganda ang Sahod ng Dalaga; ‘Di niya Alam na Ikapapahamak pa Niya ito

Halos Maubos sa mga Pampaganda ang Sahod ng Dalaga; ‘Di niya Alam na Ikapapahamak pa Niya ito

Magdadalawang oras na si Lalein sa tindahang iyon ng ibaʼt ibang klaseng produkto ng mga pampaganda—sabong pampaputi, pamahid sa mukha, make-up, at kung anu-ano pa, ngunit hindi pa rin siya kuntento. Bagong sahod kasi siya at dito kaagad ang kaniyang diretso. Halos punuin na nga niya ang kaniyang dala-dalang cart ng mga produkto ng naturang tindahan.

Paano ay may hinahanap siya ngayong isang produktong sikat na sikat ngayon sa merkado, dahil ayon sa karamihan ay effective daw ito. Maya-maya pa ay nagtagumpay na siya sa paghahanap nang makita ang natitirang isang sabong pampaputi sa estante.

“Sandali, Ate, ako po ang nauna riyan! Inayos ko lang saglit itong sintas ko, e,” sita ng isang dalaga nang dadamputin na sana niya ang produkto ngunit hindi iyon pinansin ni Lalein, bagkus ay dali-daling nagtungo sa counter upang magbayad. Sa likod ng kaniyang isip ay napapangisi pa siyang naunahan niya ang babae.

Nang makauwi sa kanilang bahay ay sinalubong si Lalein ng patong-patong nilang bills sa kuryente, tubig at internet na malapit na ang due date, ngunit hindi niya pa rin nababayaran. Nang i-check niya ang kaniyang wallet ay dadalawang libo na lang pala ang natira sa kaniyang anim na libong sahod! Paanoʼy may kamahalan ang sikat na sabong pampagandang binili niya kanina. Ang problema niya ngayon ay kung papaano niya pagkakasyahin ang natitira niyang pera?

“Hindi bale, mangungutang na lang muna ako. Ang mahalaga, nabili ko na sa wakas itong sabon,” aniya sa sarili at ipinatong muli pabalik sa mesita ang mga bills na hawak niya. Tila nakikini-kinita na niya ang magiging resulta sa kaniyang imahinasyon.

Excited na niyang binuksan ang produktong nakakahon pa at agad na dumiretso sa lababo upang agad iyong subukan.

“Bakit kaya medyo mahapdi?” naitanong ni Lalein sa sarili habang kasalukuyan niyang ipinanghihilamos ang naturang sabong pampaputi. Magkaganoʼn man ay ipinagkibit balikat na lamang ng dalaga ang nararamdaman at hindi na pinansin pa. Lutang pa siya sa pag-iisip na siguradong kaiinggitan siya ng kaniyang mga katrabaho dahil lalo na naman siyang gaganda sa epekto ng produktong ito. Iyon lang naman kasi ang gusto niya. Ang patunayan sa iba na walang ibang puwedeng makatapat sa kaniyang ganda, lalo na ang kaniyang mga katrabaho! Hinding-hindi nila siya malalamangan pagdating sa pagandahan.

Walang kaso sa kaniya kahit walang laman ang kaniyang sikmura, basta maganda siya. Kaya nga kada sasahod siya ay halos sa pampaganda niya lang inuubos ang kaniyang pera.

Tiniis ni Lalein ang nararamdaman niyang hapdi sa mukha, sa pag-aakalang side effect lang iyon ng naturang produkto, hanggang sa siya ay matapos—ngunit ganoon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang makita ang sariling repleksyon ng mukha sa salamin!

Nasunog ito at nagtutuklapan ang kaniyang balat! Namumula iyon at tila naaagnas kayaʼt halos mawalan siya nang ulirat habang nakatitig sa salamin!

Napahiyaw si Lalein dahil sa pinaghalong takot at sakit habang unti-unting tumitindi ang tila pag-iinit ng kaniyang balat sa mukha. Tila pinapaso ang pakiramdam niyon.

Dahil sa kasisigaw ng dalaga ay dali-dali siyang dinaluhan ng kaniyang mga kapitbahay at isinugod sa ospital. Mabuti na lamang at naagapan ang nangyari sa kaniyang mukha, kundi ay baka kung ano pa ang mas malalang idinulot nito sa kaniya.

Binalot ng pagsisisi si Lalein nang malamang ang produkto palang umubos ng kaniyang pera ay peke at nahahaluan ng isang nakalalasong kemikal. Dobleng karma ang kaniyang inabot dahil sa pag-iisip na makalamang sa iba!

Ayon sa doktor ay aabutin pa ng tatlong buwan bago tuluyang maging okay ang lagay ng kaniyang balat sa mukha, dahil matindi ang tinamo nitong pinsala dahil sa matapang at nakalalasong kemikal. Samantala, ang tindahang siyang pinagbilhan naman niya ng naturang produkto ay nagsarado na at ngayon ay nagtatago naman ang sa autoridad ang may-ari.

Baon sa utang si Lalein. Bukod pa roon ay hindi pa siya makapapasok sa trabaho hanggaʼt hindi gumagaling ang kaniyang balat sa mukha. Tuluyan nang naputulan ng kuriyente, linya ng tubig at internet ang kaniyang bahay pagkatapos ay halos wala na siyang panggastos. Mabuti na lamang at tinulungan siya ng kaniyang mga magulang, kahit pa nga maging ang mga ito ay kapos din sa pera.

Labis na panlulumo ang nararamdaman ni Lalein sa mga panahong ito. Matinding leksyon ang kaniyang natutunan na talaga namang tatatak sa kaniyang kaisipan sa mahabang panahon.

Advertisement