Palaging Sinesermunan ng Ina ang Dalaga Dahilan Upang Siya’y Lumayas, Natauhan Siya sa Paglilibot sa Lansangan
“Saan ka na naman galing, Marites, ha? Alas diyes na naman ng gabi! Ano bang pinaggagagawa mo sa buhay? Hanggang alas singko lang ang klase mo, ‘di ba?” galit na salubong ni Aling Minda sa kaniyang anak.
“Galing lang ako kila Joy,” walang ganang sagot ni Marites, saka dumiretso sa kaniyang kwarto. Agad naman siyang sinundan ng kaniyang ina.
“O, bakit hindi ka man lang nagpapaalam sa akin? Nandoon ka lang naman pala, kanina pa kita pinagtatatanong sa mga kamag-aral mo!” sermon pa nito, tila narindi naman ang dalaga dahilan upang sagutin niya nang pabalang ang ina.
“Bakit ba hindi mo na lang kasi ako hayaan, mama? Bigyan mo naman ako ng kalayaang gawin ang mga gusto ko!” sigaw niya sa kaniyang ina.
“Binibigyan naman kita, ha? Magpaalam ka lang ng ayos! Saka, huwag mo akong sagut-sagutin d’yan, ha! Sanay na sanay ka nang sumagot! Mabuti nga’t may magulang kang nag-aalala sa’yo, eh!” bulyaw nito sa kaniya, bakas sa mukha nito ang labis na galit at binato siya nito ng isang malaking bag, “Ayan! Ilagay mo lahat d’yan ng gamit mo at lumayas ka na lang kung ayaw mong napagsasabihan!” sambit nito saka lumisan ng kaniyang silid.
“Talaga!” sagot niya pa rito.
Bunso sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Marites. Siya lamang din ang nag-iisang babaeng anak dahilan upang ganoon na lamang siya ingatan at paghigpitan ng kaniyang mga magulang.
Ngunit tila naging matigas ang kaniyang ulo nang tumuntong siya sa kolehiyo. Napabarkada siya at madalas nang umuuwi ng dis oras ng gabi dahilan upang araw-araw din siyang mabungangaan ng ina na labis niyang dinamdam.
“Ngayon ko na lang nagagawang makihalubilo sa mga kaibigan ko, ganyan pa kayo sa akin! Wala ni isa sa inyo ang nakakaintindi sa akin. Lalayas talaga ako rito!” galit na galit niyang sambit habang ineempake ang kaniyang mga gamit.
Nang maramdaman niyang tulog na lahat ng kasama niya sa bahay, dali-dali siyang sumibat palabas bitbit-bitbit ang kaniyang mga gamit.
Agad niyang tinawagan ang kaniyang mga kaibigan upang makitulog ngayong gabi ngunit lahat ng mga ito ay tinanggihan siya. Kesyo raw walang espasyo para sa kaniya, hindi payag ang magulang, at marami pang ibang mga dahilan.
Dahil doon, napilitan siyang palipasin ang gabi sa isang upuan sa parke. Doon niya inilatag ang telang dala niya at ginawang unan ang kaniyang bag.
“Sana naman bukas pumayag na ang isa sa mga kaibigan ko na doon muna ako sa kanila dahil kahit anong mangyari hindi ako babalik samin!” sambit niya saka tuluyang ipinikit ang mga mata.
Nagising na lamang siya sa pagkulo ng kaniyang tiyan dahilan upang maghanap siya ng makakainang pasok sa halagang mayroon siya sa bulsa.
“Saan kaya ako dadalhin ng bente pesos na ito? Ang mamahal ng paninda dito! Nakakainis naman, hindi pa ako kumupit ng pera bago lumayas!” inis niyang ika habang naglalakad sa mga kainan malapit sa parke.
“Nagugutom ka ba, iha? Halika, kain tayo,” yaya ng isang matandang kumakain sa isang tindahang tinigilan niya. Hindi na siya nagdalawang-isip na sumalo dito dahil sa gutom na nararamdaman.
Nakipagkwentuhan siya sa naturang matanda habang sila’y kumakain at doon niya nasabi ditong naglayas nga siya dahil sa paghihigpit ng kaniyang ina. Napamasid lang sa kaniyang ang matanda habang pinapakinggan ang kaniyang mga hinanaing.
Maya-maya pa’y natapos na silang kumain dahilan upang labis siyang magpasalamat sa matandang nang libre sa kaniya.
“Isang beses lang kita pinakain at labis na ang pasasalamat mo, sana pasalamatan mo rin ang nanay mo sa araw-araw niyang paghahanda ng pagkain mo, sa araw-araw niyang pagbibigay sa’yo ng baon mo, at sa araw-araw niyang pag-aalala sa’yo. Sigurado ako kapag nawala siya, mangungulila ka sa paghihigpit niya sa’yo. Sana huwag mong hayaang magsisi ka sa huli,” nakangiting sambit nito.
Doon tila natauhan ang dalaga. Naisip niya lahat ng pagsasakripisyo ng kaniyang ina para sa kaniya at bigla na lamang niyang naramdaman ang pagdaloy ng kaniyang mga luha. Napagtanto niyang hindi niya kaya mabuhay nang wala ang kaniyang ina sa kaniyang tabi.
Agad siyang tumakbo pauwi sa kanila. Nadatnan niyang nakatungo ang kaniyang ina sa kanilang sala habang hawak-hawak nito ang kanilang telepono at isang papel na naglalaman ng mga numero ng kaniyang mga kamag-aral dahilan upang lalo siyang maluha.
Niyakap niya ito at ganoon na lamang ang sayang lumitaw sa mukha ng kaniyang ina.
“Pasensiya na po, mama, pinag-alala ko na naman kayo,” hikbi niya, tumango-tango lang ang kaniyang ina saka siya muling niyakap nang mahigpit.
Simula noon, lumawak na ang pag-iisip ng dalaga. Nagagawa niya pa rin namang makipagsaya sa mga kaibigan ngunit inuuna niya munang magpaalam sa ina na labis namang ikinatuwa nito.
“Ayos din naman pala yung ganito, mas nagagawa kong magsaya dahil alam ko pag-uwi ko, hindi ako papagalitan ni mama,” masayang sambit niya, isang gabi habang naglalakad siya pauwi.
May mga pagkakataong nakakasamaan natin ng loob ang ating mga magulang, ngunit huwag nating alisin sa isip ang mga sakripisyong ginawa nila sa atin dahil maaaring pagsisihan natin ito sa araw na mawala sila.