Inday TrendingInday Trending
Grabe Sila Magpresyo sa Kanilang Pekeng Produkto, Mas Mahal Pala Maningil ang Karma

Grabe Sila Magpresyo sa Kanilang Pekeng Produkto, Mas Mahal Pala Maningil ang Karma

“Tubong lugaw na naman tayo!” Malawak ang ngisi sa mukha ni Jude habang binibilang ang pera na kinita nila nang linggong iyon.

“Pag ganito nang ganito, mabilis tayong makakaipon para pang-piyansa ni Rafael.” Natutuwang sabi ni Linda sa kapatid.

Tatlo silang magkakapatid. Si Rafael, ang bunso, si Linda, ang ikalawa, at ang panganay na si Jude.

Lumaki sila nang walang magulang kaya naman sa murang edad ay natuto na sila nang kalakaran sa buhay – kailangan nila maging madiskarte para mailigtas nila ang sarili sa gutom at kahirapan.

Pagtutulak ng droga ang dating ikinabubuhay nilang magkakapatid. Ngunit nang mahuli ang kanilang kapatid na si Rafael ay huminto na sila. Alam nila na mainit ang mata ng mga pulis sa mga sangkot sa droga.

Bukod pa doon, hindi sila maaring makulong din dahil sino ang maglalabas sa nakababata nilang kapatid?

Dahil kailangan mabuhay, pinasok nila ang pagbebenta ng kung ano ano – sapatos, bag, mga alahas, cellphone, at kung ano-ano pang klase ng produkto.

Kaso sa dami nang sumuong sa ganoong negosyo ay halos nawalan na sila ng kustomer.

Kaya naman pinag-isipan nila nang maigi ang mga susunod na hakbang at sumugal sila sa pagtitinda ng kung ano-ano online.

“Okay pala ito, Linda!” Tandang-tanda pa ni Linda ang unang linggo nila sa pag-o-online selling, higit dalawang buwan ang nakakaraan. Tuwang-tuwa ang kanyang Kuya Jude dahil hindi nila inakala na ganun kalaki ang kikitain nila sa pagbebenta ng mga pekeng produkto online.

Sinisiguro nila na magaganda ang nasa larawan na pino-post nila sa kanilang online store. Kumukuha sila ng mga larawan ng totoong produkto, pagkatapos ay kumukuha sila sa mapagkakatiwalaang suplayer para bentahan sila ng pekeng produkto na binebenta nila sa orihinal na presyo, sampung ulit na mas mas mataas sa totoo nitong halaga.

“Kuya, hindi ba alanganin tayo dito? Masyadong mataas ang presyuhan natin dito, baka mahuli tayo at kulong din ang bagsak natin.” Nag-aalalang sabi ni Linda sa kapatid isang araw.

“Bakit mo bababaan, e kinakagat naman ng buyer?” Inis na sagot ni Jude sa kapatid.

Sa kanilang tatlo, si Linda ang likas na mahina ang loob. Ito ang pumilit kay Jude na tumigil sa pagtutulak ng droga nang nahuli ang kapatid nila.

Kailangan nila ng isandaang libo para makalaya ang kanilang kapatid. Sa loob lamang ng dalawang buwan nilang pagbebenta ng pekeng produkto ay humigit-kumulang limampung libo.

Kalahati pa ng isandaang libo ang kailangan nilang bunuin.

Marami ang buyer nagrereklamo sa matapos makuha ang kanilang produkto pero madali lamang iyon dahil agad nilang binubura ang kung anumang panget na sinasabi tungkol sa pagiging peke ng mga binebenta nila.

“Kuya, hindi ka ba nakokonsensiya sa ginagawa natin? Nanggagantso na tayo eh,” himutok ni Linda sa kaniyang kapatid matapos nila bentahan ng pekeng cellphone ang isang matanda.

Naawa si Linda sa matanda dahil ipangreregalo daw ng matanda ang naturang cellphone sa apo nito na magbe-birthday.

“Pakakainin ba tayo ng konsensiya, Linda? Kaya bang palayain ng konsensiya mo si Rafael?” Galit na turan ni Jude sa kapatid.

“Ang sinasabi ko lang naman, kuya, ay baka pwedeng humanap tayo ng ibang pagkakakitaan, yung hindi natin kailangan manloko ng madaming tao. Natatakot lang ako na baka bumalik sa atin yung mga pinaggagagawa natin.”

“Tigil-tigilan mo ako sa drama mo, Linda!”

‘Yun lamang ay lumabas na si Jude mula sa kanilang maliit na barung-barong upang makipagkita sa isa na namang buyer na maloloko nila.

Napabuntong hininga na lamang ang naiwan na si Linda. Gusto niya rin namang mailabas sa kulungan ang kapatid nila. Natatakot lang siya dahil sigurado siyang maraming tao na ang galit at naka-diskubre ng mga pekeng produkto nila

Nang gabing iyon ay masayang umuwi si Jude.

“Linda! Linda!” Tawag niya kaagad sa kapatid.

“Bakit, kuya?”

“Naalala mo yung laptop na binili natin ng limang libo? May gusto bumili, sa halagang limampung libo!” Kumikislap ang mata ni Jude sa galak.

Kung mabebenta nila ang pekeng laptop sa halagang limampung libo na binili lamang nila ng limang libo, ibig sabihin ay kikita sila ng higit kwarenta mil. Mabubuo na nila ang isandaang libong pampiyansa ni Rafael!

Sa kabila ng tuwa na nakikita ni Linda sa mukha ng kapatid, sa hindi niya malamang kadahilanan ay may kaba na bumundol sa kanyang dibdib. Iwinaksi niya iyon at binigyan ng pilit na kapatid ang kapatid.

“Makakasama na natin si Rafael, kuya…” Nakangiting sabi niya sa kapatid, na sinang-ayunan naman nito.

Maagang gumising ang magkapatid.

“Kuya, ikaw ba ang makikipagkita sa buyer natin?” Usisa ni Linda.

“Oo, ako na, para siguradong tuloy ang transaksiyon.” Nakangising sabi ng kuya niya. Minsan na kasi niyang nabanggit dito na mas magaling itong magbenta kaysa sa kanya.

“Mag-iingat ka, kuya.” Hindi pa din naaalis ang kakaibang kaba sa dibdib ni Linda. Ganitong ganito ang kabang nadama niya nung araw na maaksidente ang kanilang mga magulang. Kaya naman hindi siya mapakali.

Paalis na ang kanyang kuya nang tumunog ang cellphone nito. Diretso nitong tinungo ang pinto bago sinagot ang tawag.

Nagsisimula na si Linda magbalot ng mga ipapadala nila sa kanilang ibang buyer nang sumungaw sa pinto ang kaniyang kuya.

“Bakit ka bumalik, kuya?” Napansin ni Linda ang pag-aalala sa mukha ng kanyang kapatid.

“Yung kaibigan kong si Lando, naaksidente raw, puntahan ko lang sa ospital, Linda. Kritikal daw ang lagay, e.” Napailing pa si Jude, tila hindi pa din tanggap ang masamang balita.

“Pasensiya na, Linda, mukhang ikaw ang maghahatid nitong laptop sa buyer natin.” Wika nito bago inabot sa kanya ang hawak na kahon.

“Ako nang bahala, kuya. Pumunta ka na ng ospital.” Taboy niya dito.

“Balitaan mo ako kapag nakuha mo na ang pera. Mag-iingat ka, malaki laking pera din ‘yun.” Paalala pa nito bago umalis.

Nakahinga naman nang maluwag si Linda. Nang makaalis kasi ang kuya niya ay tila nawala din ang kaba sa kanyang dibdib.

Agad naman siyang gumayak dahil alas diyes ang usapan nila ng buyer. Gusto niyang makarating nang maaga sa kanilang meeting place. Hindi pa naman maganda ang panahon at tila uulan.

Pinadalhan niya ng mensahe ang buyer na nagpakilalang si Ronald.

Linda: Sir, nasaan na po kayo? Andito na po ako sa tapat ng sinasabi niyong computer shop.

Ronald: Pasok ka lang sa may eskinita, yung ikatlong bahay dun sa kaliwa ay bahay na namin.

Gustong magreklamo ni Linda dahil hindi ito tumungo sa lugar na pinag-usapan nila pero ipinagkibit balikat niya na lang iyon. Baka ay bigla nitong ikansela ang order nito, sayang naman ang malaking kikitain nila.

Naglakad si Linda papasok ng eskinita. Lakad takbo ang ginawa niya nang maramdaman ang malalaking patak ng ulan.

Sa kamamadali ay nabangga siya ng isang lalaki, agad na tumilapon ang kahon na hawak niya ngunit wala doon ang atensiyon ni Linda.

May naramdaman kasi siyang matinding kirot sa kaniyang tiyan, at lalong namutla ang pobreng dalaga nang makita ang patalim na nakabaon sa kaniyang katawan, habang walang tigil ang pag-agos ng dugo mula sa kaniyang sugat.

Nais niyang humingi ng tulong sa lalaking kasalubong ngunit man lamang ito lumingon sa kaniyang nakaluhod na sa ulanan at sapo-sapo ang kaniyang sugat, namimilipit sa sakit.

Sa kaniyang nanlalabong paningin at pandinig ay narinig niyang nagsalita ang lalaki. “’Yan ang nababagay sa inyong mga manloloko.”

‘Yun lamang ay binalot na siya nang walang katapusang kadiliman.

Makalipas ang ilang oras ay natanggap ni Jude ang balita tungkol sa malagim na sinapit ng kanyang kapatid na si Linda.

Sumugod siya sa ospital subalit huli na ang lahat, tuluyan nang binawian ng buhay ang kaniyang pinakamamahal na kapatid.

Habang tumatangis at yakap ang katawan ni Linda, tila paulit-ulit niyang naririnig ang paalala ng kapatid.

Natatakot lang ako na baka bumalik sa atin yung mga pinaggagagawa natin.

Paano kung ma-karma tayo?

Nahuli naman ng pulis ang salarin na kinilalang si Ronald. Nagpanggap itong buyer upang isagawa ang paghihiganti. Isa pala ito sa mga nakabili ng peke nilang produkto.

Hinuli rin ng pulis si Jude dahil lumabas sa imbestigasyon na ang motibo sa kri*men ay paghihiganti, na nag-ugat sa pagbebenta nila ng mga pekeng produkto.

Sising-sisi man ay walang nagawa si Jude at Rafael kundi tanggapin ang sinapit ng kanilang kaawa awang kapatid. Ang kagustuhan nilang paglaya ni Rafael ay buhay ni Linda ang naging kapalit.

Sa kulungan ay pinagbayaran ni Jude ang kasalanang nagawa. Habang buhay siyang hihingi ng tawad sa kanyang kapatid, na kung sana ay pinakinggan niya ay magkakaroon pa sana ng mahaba at marangal na buhay.

Advertisement