Nais Nang Isara ng Mag-Asawa ang Kanilang Tindahan; Isang Hindi Inaasahang Gamit Pala Dito ang Magbibigay sa Kanila ng Matinding Pag-asa
“Halos isang daan lang ang kita ng tindahan ngayon, mahal,” nanlulumong wika ni Mang Isko sa kaniyang asawang si Aling Helen.
“Talo pa tayo sa kuryente at gastos para ngayong araw. Hay, kung ganito ng ganito ay mapipilitan na talaga tayong isara itong tindahan natin ng surplus,” saad ng ginoo.
“Pero, kapag isinara rin natin ang tindahan ay kailangan pa rin nating mabenta ang lahat ng ito. Kung hindi ay hindi na talaga tayo makakabawi pa,” tugon ng misis.
“Hindi kaya totoong mga basura lang ang laman nitong tindahan natin? Tingnan mo, aanhin kasi ng tao ang mga bagay na ito,” sambit ni Mang Isko. “Kung hanggang katapusan ay ganito pa rin ang mangyayari ay isara na lang natin ito, mahal. Wala na rin naman tayong pambayad ng renta dito sa pwesto natin,” malungkot niyang wika sa asawa.
“H’wag ka ng malungkot, mahal. Makakabawi rin tayo. Kung hindi sa surplus store na ito ay maaaring sa ibang bagay. H’wag kang mawalan ng pag-asa. Dumarating talaga sa negosyo ang ganitong pagkakataon,” pag-alo naman ng misis niya sa kaniyang mister.
Halos dalawampung taon na kasi ang tindahan ng surplus ng mag-asawa. Pinasok nila ang ganitong negosyo dahil mahilig sa mga segunda-mano at mga kakaibang gamit si Mang Ador. Noong una ay malakas at patok ang kanilang negosyo. Ngunit habang tumatagal ay marami ng nagsusulputan na ganitong tindahan at madalas ay hindi na ganoong kakaiba ang mga gamit na ibinibenta nila.
Kaya masakit man sa kanilang damdamin ay tila malapit nang magtapo sang kanilang karera sa pagtitinda.
“Sa tingin ko, mahal, ay ayos lamang din na huminto na tayo sa pagtitinda. Matatanda na rin tayo at kailangan ng mamahinga sa bahay,” wika ni Aling Helen.
“Ngunit lalo tayong manghihina noon, mahal. Masaya ako sa tuwing nakakatagpo tayo ng mga bagay nakakaiba sa ating paningin. At mas masaya kung mabebenta natin ito. Saka anong gagawin natin sa bahay? Maiinip lang tayo,” tugon ng ginoo.
Sang-ayon rin naman si Aling Helen sa sinabi ng kanyang asawa. Ngunit malapit na ang katapusan ng buwan at madalas ay wala na talaga silang kinikita.
“Isko, gusto mo ba ay unti-unti na nating linisin ang mga kagamitan dito? Isa-isa nating ilabas ang mga bagay na alam nating may halaga pa. Ang iba namang parang hindi na rin mapapakinabangan ay ibenta natin ng palugi o ipamigay na lamang kaysa masayang.
Malungkot man si Mang Isko ay tinulungan niya ang asawa sa pagliligpit. Habang nagsasamsam sila ng mga gamit ay hindi nila maiwasan na pagkwentuhan ang mga gamit na kanilang nakikita.
“Tingnan mo ang isang ito, mahal. Ilang tao na kaya ang nakabasa ng librong ito, ano? Lubusan na ang kalumaan niya,” wika ni Mang Isko.
“Matagal na nga siguro ang librong ‘yan pero walang mas tatanda pa sa’yo, mahal,” biro ni Aling Helen. Nagtawanan ang mag-asawa.
“Itong isang ito, nakakatakot ang itsura ng manikang ito. Kaya siguro walang bumibili,” Saad ni Aling Helen.
“Oo, kamukha mo, mahal, kapag ikaw ay nakukunsumi sa akin,” biro naman ni Mang Isko sa asawa.
“Natatandaan mo ba ang bangang ito, mahal? Parang ngayon ko pa lamang ito nakita. Maganda ang hitsura niya. Maiuwi nga ito sa bahay at mapagtaniman,” wika ng ginang.
Maya-maya ay may isang lalaki na tumitingin-tingin sa kanilang tindahan.
“Pasarado na po ba kayo?” sambit ng lalaki.
“Naku, hind pa. Sige lang at tumingin ka lamang at baka may magustuhan ka,” magiliw na paanyaya ni Mang Isko sa lalaki.
Masinsin siyang tumitingin sa mga gamit sa loob ng tindahan hanggang sa isang iglap ay napansin niya ang banga na itinabi na ni Aling Helen.
“Maaari ko po bang tingnan ang bangang iyon?” tanong ng lalaki.
“Naku, iuuwi na iyan ng asawa ko at pagtataniman,” saad ni Mang Isko.
“Pagtataniman? Maaari po bang tingnan ko muna sandali?” pagpupumilit ng ginoo kaya ibinigay na rin ng mag-asawa ang banga.
“Sigurado po ba kayong pagtataniman niyo lang ito? Maaari ko po bang bilhin ito sa halagang isang daang libong piso?” saad ng ginoo. Gulat na gulat ang mag-asawa sa kanilang narinig. Hindi sila makapaniwala at naiisip nilang baka nahihibang na ang lalaki o nagbibiro ito.
“Hindi po. Kung ayaw ninyo po ay dodoblehin ko,” pagpupumilit ng lalaki. “Ito po ang pera tanggapin niyo na po at hayaang bilhin ko ito,” dagdag pa ng ginoo.
“Ngunit bakit?” pagtataka ni Mang Isko.
“Ako po ay nangungulekta ng mga sinaunang banga. Sigurado po ako na isa ito sa mga hinahanap ko kaya nais ko po itong bilhin sa presyong sinasabi ko sa inyo. Matagal ko na po itong hinahanap sapagkat ito po ang kukumpleto sa aking koleksyon,” paliwang ng lalaki.
Lubusang pagkagulat ang naramdaman ng mag-asawa. Hindi nila akalain na may ganito palang nakatago sa kanilang tindahan. At ang malaking halaga na iniaalok ng lalaki ay sobra pa para makabawi ang tindahan.
Agad na ibinenta ng mag-asawa ang banga sa ginoo. Laking tuwa nila sapagkat sa hindi inaasahang pagkakataon ay naisalba ang kanilang pinaghirapan. Naging patok muli ang tindahan matapos mabalitaan ng iba ang nangyari. Marami na ring nangungulekta ang dumadayo sa kanilang surplus store.
Laking saya ng mag-asawa sapagkat hindi na nila kailangan pang isara ang tindahang nagpapaligaya sa kanila.