Ipinamimigay ng Ina ng Binata ang Halos Lahat Ng Kanilang Pagkain Dahilan Upang Manggalaiti Siya, Labis ang Kaniyang Pagbubunyi nang Magbunga ang Kabutihang Loob ng Kaniyang Ina
“Mama! Bakit wala na naman tayong pagkain? Kakabili ko lang sa grocery, ha? Nasaan na yung mga biscuit, delata at mga instant noodles natin dito?” inis na tanong ni Jason, isang araw habang naghahanap siya nang makakaing almusal.
“Ano kasi, eh, sila Aling Kusing kasi, ano…” nauutal-utal na sagot ng kaniyang ina habang inilalayo ang tingin sa galit na anak. “Wala na namang makain sila Aling Kusing kaya binigay mo sa kanila ang mga pagkain natin, ano?” galit na tanong niya sa ina.
“Ganon na nga, anak, pero huwag ka mag-alala, sigurado naman ako mas malaking biyaya ang dadating sa atin,” paliwanag nito sa kaniya, ngunit lalo lang siyang nainis dito.
“Hay naku, mama! Ang hirap hirap kumita ng pera, ha! Tapos yung pinaghirapan ko, ipapamigay mo lang sa iba! Kita mo isang araw tayo naman ang mawawalan,” sagot niya sa ina saka padabog na kinuha ang kaniyang pitaka.
“Huwag ka naman magsalita ng ganyan, anak, mas mabuti nang tayo ang nagbibigay kaysa tayo ang bibigyan,” pangaral ng kaniyang ina saka siya tinapik-tapik sa likod.
“Ewan ko sa’yo, mama, nakakapagod na magsalita sa’yo. Bibili ulit ako, ha, tapos pamigay mo ulit,” tugon niya dito saka mabilis na umalis upang bumili ng kaniyang makakain sa pinakamalapit na grocery store sa kanila.
Solong anak ang binatang si Jason. Namulat siya sa isang pamilyang masagana at masaya, kung saan bigay lahat ang kaniyang luho, nakapag-aral siya sa pangarap niyang unibersidad at nakakapunta kung saan-saang lugar. Ngunit tila unti-unting bumagsak ang kanilang buhay nang magkasakit ang kaniyang ama na hindi naman kinalaunan, nawalan din ng buhay.
Naubos ang kanilang ari-arian sa pagpapabalik-balik ng kaniyang ama noon sa ospital dahil sa sakit na k*anser. Sakto namang magtatapos siya nang mawalan ito ng buhay dahilan upang siya na ang magtaguyod sa kaniyang ina.
Kahit mabigat pa ang loob sa pagkawala ng ama, agad siyang humanap ng trabaho upang may mapakain sa inang may kahinaan na rin. Swerte namang nakakuha agad siya ng trabaho at doon na siya nagsimulang unti-unting mag-ipon.
Siya lahat ang nagbabayad ng mga bayarin sa kanilang bahay pati kanilang mga makakain. Kaya ganoon na lamang ang pagkainis niya sa kaniyang ina dahil kada may dumadaing ditong kapitbahay nila, agad niya itong bibigyan ng pagkaing nakaimbak sa kanilang bahay.
Nang araw na ‘yon, inis na inis siyang nagtungo sa grocery. Ika niya, “Parang nagpapakapagod ako sa trabaho para sa buong barangay namin! Nakakainis!”
Agad siyang nagpasiyang umuwi nang mabili na muli lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay. Ngunit bigla na lamang may isang rumagasang sasakyan ang bumangga sa kaniya habang patawid siya sa kanilang kanto.
“Mama!” sigaw niya bago siya masalpok nito.
Nagising na lamang siya sa hagulgol ng kaniyang ina. Nagmasid siya sa paligid at doon niya napagtantong nasa ospital na siya.
“Naku, mama, umuwi na tayo! Sigurado ako malaki ang babayaran natin dito!” sambit niya sa ina saka niya pinilit makatayo. Ngunit ni hindi niya magalaw ang kaniyang mga paa.
Doon niya nalamang sinimentuhan pala ang kaniyang mga paa dahil ito ang napuruhan nang mabangga siya. Nalaman niya ring ubos na ang kaniyang ipon dahil ito ang ginamit ng kaniyang ina upang mabayaran ang mga gastusin niya sa ospital. Tinakbuhan kasi siya nang nakabangga sa kaniya at hanggang ngayon, hinahanap pa ng mga pulis.
Tila nanlumo siya sa lahat ng balitang nalaman.
“Paano na tayo niyan, mama? Hindi naman ako agad-agad makakapagtrabaho nito. Saan na tayo kukuha nang makakain natin sa mga susunod na araw?” mangiyakngiyak niyang sambit.
Niyakap lang siya ng ina at sinabing, “Huwag kang mag-alala, maraming tutulong sa atin. Marami tayong pinagtaniman ng kabutihan kaya sigurado ako, may aanihin din tayong biyaya.”
Kahit pa nag-aalala para sa kinabukasan, pinili niyang magtiwala sa sinabi ng kaniyang ina.
Naranasan nga nilang mawalan ng lahat at mag-ulam ng tubig asin nang makauwi siya mula sa ospital. Walang araw na hindi siya umiiyak dahil sa kalungkutang nakikita sa mukha ng ina.
Ngunit isang araw, nagising na lamang siya sa sigaw ng kaniyang ina.
“Naku, salamat sa inyo, maraming salamat sa inyo!” sigaw nito, pinilit niyang sinilip ang ina ang ganoon na lamang ang tuwang kaniyang naramdaman nang makita ang isang katutak na mga pagkain mula sa kanilang mga kapitbahay, “Anak! Ito na ang hinihintay nating biyaya!” mangiyakngiyak na sambit ng kaniyang ina.
“Tama nga ang mama, hindi ka mawawalan kung marunong kang magbigay,” buntong hininga niya.
Simula noon, itinatak niya sa kaniyang isipan ang prinsipyong iyon. Muli siyang nakabalik sa tarabaho, nakaipon, at napagpasiyahang magbigay tulong sa mga nangangailangan.
Hindi man siya makaipon agad nang malaki para sa sarili, nakapagtanim naman siya ng kabutihan sa iba dahilan upang makaramdam siya ng taos pusong saya.
Lagi nating tandaan, hindi ka mabibiyayaan nang wagas kung tikom ang iyong palad. Subukan nating magbigay, sigurado mas mag-uumapaw ang biyayang iyong matatanggap.