Lumabis ang Pagkamainitin ng Ulo ng Dalaga Dahilan Upang Mawalan Siya ng Kaibigan, Ito ang Naging Sanhi Upang siya’y Magbago
“Ano, Jerissa? Bakit ngayon ka lang? Alam mo bang kanina pa kami dito?” mataray na bungad ni Han sa kaibigan nilang kakadating lamang, agad naman siyang inawat ng dalawa pa nilang kaibigan nang makita ang pagod sa mukha ng dalaga.
“Naku, pasensya na talaga kayo, may sakit kasi ang nobyo ko, dinaanan ko muna sa bahay nila tapos naabutan pa ako ng trapik,” patawa-tawang paliwanag nito habang mabilis na pinupunasan ang kaniyang pawis dahilan upang mapagsalitaan niya ito.
“Sa susunod kung uunahin mo ‘yang landi mo kaysa sa trabaho mo, sabihan mo kami na mauna na, hindi yung hihintayin ka namin dito!” sigaw niya pa sa dalaga dahilan upang magulat na ito.
“Teka, sobra ka naman, Han. Ngayon lang naman ako nahuli, ha? Umiiral na naman ‘yang pagkamainitin ng ulo mo,” sagot nito sa kaniya, lalo namang nag-init ang kaniyang ulo dahil dito.
“Talaga! Sinong hindi iinit ang ulo sa paghihintay sa isang babaeng inuna ang landi? Tapos kami naghihintay sa ilalim ng init ng araw!” tugon niya pa dahilan upang unti-unti nang humikbi ang kaniyang kaibigan saka mabilis na tumakbo palayo sa kanila. Agad naman itong hinabol ng dalawa pa nilang kaibigan, “Bahala kayo d’yan, sige, sundan niyo ang maarteng ‘yon, mababawasan na naman ang mga sweldo niyo!” sigaw niya saka siya nagpasiyang pumasok sa trabaho nang mag-isa.
Nag-iisa na sa buhay ang dalagang si Han. Nang yumao ang kaniyang mga magulang, tanging ang tatlo na lang niyang kaibigan ang nagtiyaga sa kaniya.
May pagkamainitin kasi ang ulo ng dalaga dahilan upang iwasan siya ng iba niyang katrabaho o kahit pa iba niyang kamag-anak.
Ngunit kung minsan, napipilitan na lang ang kaniyang tatlong kaibigan na makisama sa kaniya. Palagi niya na lang kasing sinisigawan ang mga ito sa tuwing nahuhuli sa oras ng kanilang pagkikita.
Ayaw na ayaw niya kasing pumasok mag-isa dahil takot siyang bumiyahe mag-isa kaya palagi niyang niyaya ang mga ito na pumasok sila nang sabay-sabay. Ang kaso nga lang, sa tuwing may mahuhuli, kahit na sino sa tatlong kaibigan niya, kahit anong rason ng mga ito, bubulyawan niya ito at pagsasalitaan buong araw.
Noong araw na ‘yon, kahit pa takot bumiyahe mag-isa, iniwan niya talaga ang kaniyang mga kaibigan at mag-isang pumasok sa trabaho. Ika niya, “Ang aarte niyo, mamaya naman sa akin din kayo lalapit!”
Lumipas ang mga oras na hindi niya nasilayan ang mga ito sa trabaho at noong oras na nang kanilang pananghalian, doon na siya nakaramdam na parang may mali. Nakita na kasi siya nang mga ito na kumakain mag-isa ngunit hindi siya nilapitan ng mga ito at kumain sa kabilang lamesa.
Kitang-kita niya ang masasayang hagalpakan ng mga ito habang salo-salong kumakain.
“Akala niyo naman maiinggit ako? Kaya kong mabuhay nang wala kayo, ‘no! Maaarte!” galut niyang bulong, saka pinaspasang kainin ang kaniyang pagkain.
Dumaan ang mga araw na mag-isa na siyang pumapasok, kumakain at umuuwi galing trabaho. Nakikita man niyang magkakasama ang kaniyang mga kaibigan, ramdam niyang iniiwasan siya ng mga ito.
Noong una’y ayaw niyang tanggapin ang maling ugaling mayroon siya ngunit nang makaramdam siya nang pananakit ng dibdib sa oras ng trabaho, doon na siya nagpakumbaba’t humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan.
Agad naman siyang binuhat ng mga ito at dinala sa ospital. Sa kabutihang palad naman, ilang araw lang ay nakalabas na siya.
Labis ang kaniyang pasasalamat sa mga ito, halos bumuhos ang kaniyang luha nang humingi siya ng tawad. “Hinihintay ka lang talaga naming lumapit sa amin. Masakit din para sa amin na makita ka mag-isa, pero kailangan mo kasing matuto, eh,” sambit ni Jerissa, saka siya mahigpit na niyakap.
Doon na napagtanto ni Han na biniyayaan talaga siya ng mababait at mapagmahal na mga kaibigan kaya naman nangako siya sa mga ito na pipilitin niyang magbago para sa kanila.
Ginawa niya nga ang lahat upang mabago ang kaniyang ugali. Hangga’t maaari, kapag nakakaramdam na siya ng galit o pagkainis, pinipilit niyang itikom ang bibig at alalahaning ang mga ito na lamang ang kaniyang tanging makakaagapay.
Hindi naman nagtagal, nalampasan niya ang yugtong ito at tuluyan nang naalis ang pagkamainitin ng kaniyang ulo.
Mas lalo niyang nanamnam ang masasayang pangyayari sa buhay niya kasama ng kaniyang mga kaibigan.
Sa buhay, mahalagang pahalagahan ang mga taong tanggap ka kung sino ka man dahil sila lamang ang mga taong mananatili sa likod mo at walang sawang tatanggap sa’yo.