Puno ng Paghihinala sa Asawa ang Babae, Tinangka Niyang Itong Hulihin Ngunit Kahihiyan ang Kaniyang Inabot
“Hoy, June! Bakit hindi ka nasagot sa mga tawag at mensahe ko, ha? Anong kalokohan na naman ang ginagawa mo?” bungad ni Rosa sa asawa, isang araw nang umuwi ito galing sa isang linggong trabaho.
“Naku, pasensiya ka na talaga, mahal. Masyado kaming abala ngayon sa trabaho, halos wala nga akong pahinga. Mabuti nga at pinauwi ako ngayon, kulang kami sa tao, eh,” paliwanag ng kaniyang asawa saka ibinagsak ang katawan sa malambot nilang upuan.
“Mga palusot mo na naman! Umamin ka na! Dahil kapag ako ang nakahuli sa’yo, malilintikan ka talaga!” nanggagalaiting sigaw niya dahilan upang bahagyang umalma ang asawa.
“Mahal naman, nagtatrabaho lang ako doon. Kakarating ko lang, o, hindi ba pupwedeng salubungin mo naman ako nang masaya? Palagi ka na lang galit kapag dumadating ako, eh,” reklamo nito saka napakamot sa ulo.
“Paano ka sasalubungin nang maayos kung pinaparamdam mo sa aking wala na ako sa’yo kapag nasa trabaho ka, ha?” sagot niya dito, saka inihagis ang mga uwing gamit nito.
“Pasensiya na nga, mahal, kasi nga…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi ng asawa at agad na binulyawan.
“Bahala ka sa buhay mo!” ika niya saka siya nagkulong sa kanilang silid.
Tatlong taon nang kasal ang ginang na si Rosa sa matalik niyang kaibigang si June. Maayos naman ang kanilang samahan at lalo pang pinagtibay nang magkaroon sila ng anak.
Ngunit tila nagkalamat ang tiwala ni Rosa sa asawa simula noong magtrabaho ito sa Maynila at nakaroon ng ibang karelasyon. Labis ang galit niya noong mga panahong iyon dahilan upang agad na magpakatino ang kaniyang asawa.
Pinatawad niya ito ngunit hindi na muling bumalik ang kaniyang pagtitiwala dito. Kaya simula noon, palagian na niyang pinaghihinalaan ang kaniyang asawa lalo na’t lingguhan na lamang ito kung umuwi dahil sa bago nitong trabaho sa Maynila.
Noong araw na iyon, hindi niya talaga pinansin ang asawa. Pilit man siyang nilalambing nito, pilit din siyang umiiwas. Nais man nitong laruin ang kanilang anak, palagi niya ring nilalayo ang kanilang anak.
“Alis na ako, mahal, ingat kayo dito, ha,” paalam ng kaniyang asawa kinaumagahan habang nagkakape siya.
“Ikaw ang mag-ingat dahil malapit na kitang mahuli,” sagot niya, napabuntong hininga naman ang kaniyang asawa saka tuluyan nang lumisan.
Malakas ang pakiramdam niyang may kinakalantaryo na naman ang kaniyang asawa. Ika niya, “Dati naman, kahit anong pagkaabala niya sa trabaho, tumatawag naman siya kahit ilang minuto, eh, ngayon kahit isang minuto hindi siya makaalala? Malamang may ibang pinagkakaabalahan!”
Kinabukasan, napagdesisyunan niyang lumuwas ng Maynila. Malakas ang kutob niyang may ginagawang kalokohan ang kaniyang asawa noong araw na iyon. Iniwan niya muna ang kaniyang anak sa kaniyang kapatid at agad na nagtungo sa panuluyang tinitirhan ng kaniyang asawa malapit sa trabaho nito.
Maggagabi na noong makarating siya dito. Labis ang kabog ng kaniyang dibdib at tila nanghina siya nang makarinig siya ng boses ng babae bago siya kumatok sa pintuan na tinitirhan ng kaniyang asawa dahilan upang agad niyang buksan ang pintuan.
Tumambad sa kaniya ang dalawang taong nakasaklob at naghaharutan sa loob ng kumot. Doon na siya labis na nakaramdam ng galit at agad na kinuha ang walis tambong nasa pintuan. Pinagpapalo niya ang dalawang nakatalukbong ng kumot habang nagsisisigaw.
Lalo pang nagtalukbong ng kumot ang dalawa upang makaiwas sa kaniyang paghampas.
“Te-teka po! Sino po ba kayo?” tanong ng lalaki sa kaniya, tila napatigil siya nang marinig ang kakaibang boses na iyon.
“Hi-hindi ka ba si June?” uutal-utal niyang tanong saka unti-unting sumilip sa loob ng kumot.
“Nasa kabilang kwarto si June!” sigaw sa kaniya nito dahilan upang mataranta siyang lumisan ng silid.
Ngunit bago pa siya makalabas, agad niyang nakita ang kaniyang asawa, kamot-kamot ang ulo at natatawa.
“Pare, pasensya na kayo, ha, asawa ko nga pala,” sambit ng kaniyang asawa, bigla naman niya itong hinila palabas dahil sa kahihiyan.
Agad siyang niyakap ng kaniyang asawa nang makarating sila sa kwartong tinutuluyan nito. Pumiglas siya’t inusisa ang mga gamit nito.
“Wala kang makikitang ibang gamit d’yan, dahil wala naman talaga akong babae. Patawarin mo na ako, mahal, nangako na akong hindi ko na iyon uulitin. Mas mahalaga kayo ng ating anak kaysa sa mapandaliang sayang hinahanap ko sa tuwing nangungulila ako sa inyo,” sambit nito at doon na lumambot ang kaniyang puso.
Kitang-kita niya ang sinseridad at pagmamahal sa mata ng kaniyang asawa at doon niya napagtantong tila sumobra na ang paghihinala niya rito. Agad niya itong niyakap at humingi ng tawad.
Simula noon, labis niyang kinumbinsi ang sarili na muling magtiwala ng buo sa asawa. Matalo man o manalo, hangad niya lamang ang payapa at masayang buhay kasama ang kaniyang mga minamahal.
Madalas tayong madala kapag tayo’y nasasaktan. Nawa’y lagi nating isaisip, tao lang rin ang ating mga minamahal at may katapatan din silang magbago. Matalo man muli, ang mahalaga’y may aral tayong matututunan.