Inday TrendingInday Trending
Namroblema si Paulo nang Mawala ang Kaniyang Wallet; Nagulat Siya Kung Sino ang Nagbalik Nito

Namroblema si Paulo nang Mawala ang Kaniyang Wallet; Nagulat Siya Kung Sino ang Nagbalik Nito

Napapakamot ng ulo si Paulo. Late na naman kasi siyang nagising kanina kaya ngayon ay mahuhuli na naman siya sa trabaho!

Sa pagmamadali ay hindi niya napansing may isang batang babae palang nakaharang sa daraanan niya habang papasok sa opisina. Naglalaro sa anim hanggang walong taon ang edad nito. Napamura agad siya at tila lalong nadagdagan ang init ng ulo.

“Ano ka bang bata ka, ha?! Umalis ka nga sa harapan ko! Pakalat-kalat ka! Hindi ba at bawal ang bata rito?!” hiyaw niya sa musmos na tila natakot yata sa lakas ng boses niya.

Mangiyak-ngiyak na ito nang biglang daluhan ng isa sa mga nagtitinda sa cafeteria ng kanilang company.

“Naku, sir! Sorry po, pero anak ko po ito. Wala po kasi akong maiwanan sa bahay kaya isinama ko na lang dito sa trabaho,” ang nahihiyang hinging paumanhin ng ina ng bata kay Paulo.

Napapalatak siya. “Huwag mong pabayaang haharang-harang sa daan ʼyang anak mo. Nagmamadali ako. Late na talaga ako dahil sa inyo!”

Pabalang niyang tinalikuran ang mag-ina at sumampa na sa elevator. Sigurado siyang masasabon na naman siya ng kaniyang bossing.

Ilang oras ang lumipas. Lumabas si Paulo sa kanilang building upang sa isang mamahaling restaurant kumain. Nag-half day lang siya sa trabaho ngayon dahil may biglaan silang pagkikita ng nililigawan niyang babae. Mukha kasing may sasabihin ito sa kaniyang importante.

Malapit lang ang nasabing restaurant. Halos katabi nga lang ʼyon ng building nila, kaya mabilis niya iyong narating. Eksakto naman ang dating niya dahil kadarating lang din ng kaniyang ka-date.

“Take your seat, Chealsy,” masuyong ani Paulo sa babae matapos niya itong ipaghila ng upuan.

“Uhm, Paulo, ang totoo niyan, kaya ako nakipagkita sa ʼyo ngayon ay dahil gusto kang makilala ng kuya ko…”

Nabigla si Paulo sa sinabi ni Chealsy. Hindi na nga siya nakabawi pa dahil nang mag-angat siya ng ulo ay nasa harapan na nila ang kapatid na sinasabi ng dalaga.

“Naku, sir, upo ho kayo!” hindi magkandaugagang ani Paulo sa kaharap. Bigla siyang kinabahan laloʼt mukhang ini-eksamina nito ang pagkatao niya.

Hindi naman nagtagal at napalagay din ang kaniyang loob. Masaya ang naging kuwentuhan nilang tatlo habang kumakain at umaayon talaga sa kaniya ang pagkakataon—ngunit nagbago iyon nang matapos na silang kumain at magbabayad na siya ng kanilang bills.

Hindi makapa ni Paulo ang wallet niya sa kaniyang bulsa!

“Paulo, may problema ba?” nag-aalalang tanong ni Chealsy nang mapansin nito ang pagiging aligaga niya.

Hindi naman makasagot si Paulo. Hindi niya pupuwedeng sabihin sa mga ito na wala siyang pambayad dahil mapapahiya siya sa kuya ng dalaga!

Biglang na-blangko ang utak ng binata. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya nagkagusto nang ganoon katindi sa isang babae, pagkatapos ay mawawala pa dahil lang sa pagkawala ng kaniyang wallet? Sigurado kasing maba-badshot siya sa kuya ni Chealsy.

“Uh, wait lang, Chealsy, ha? Naiwan ko yata sa sasakyan ko ʼyong wallet ko. Just wait a minute, Iʼll be right back,” paalam niya sa dalawa.

Ngunit ang totoo ay wala naman siyang dalang sasakyan kundi ang kaniyang motorsiklo dahil malapit lang naman ang lugar na ito sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Ang balak niya talaga ay hanapin kung saan nahulog ang wallet niya.

“Kuya, ito po yata ang hinahanap mo… sa iyo po ito, hindi ba?”

Napaangat si Paulo nang tingin sa nagsalita. Ito iyong bata kanina sa opisina na sinigawan niya dahil paharang-harang sa kaniyang daraanan!

“ʼYan nga ʼyon, bata!”

Biglang umaliwalas ang mukha ni Paulo. Nabuhayan siya at agad na hinablot ang wallet mula sa bata.

“Nahulog nʼyo po kasi ʼyan kanina noʼng papasok pa lang kayo kaya sinundan ko kayo. Kaso, nagalit po kayo noong mapaharang ako sa daraanan nʼyo, e,” paliwanag pa ng bata kaya naman biglang nakonsensiya si Paulo.

Kung tutuusin, hindi sana siya mapapahiya sa harapan nina Chealsy kanina kung naging maayos lang ang pagkausap niya sa batang ito kanina na ang gusto lang pala ay tulungan siya.

“Sorry sa nagawa ko sa ʼyo kanina, bata, ha? Pinairal ko kasi ang init ng ulo ko, e. Hayaan mo, babawi na lang si kuya. Halika, sama ka sa akin sa loob.”

Dinala ni Paulo ang bata sa loob ng restaurant at ganoon na lang ang tuwa nito.

“Pasensiya ka na, Chealsy kung hindi kita maihahatid, ha? May atraso kasi ako rito sa bata kaya gusto ko sanang bumawi. Iti-treat ko siya ng pagkain,” nahihiyang paalam ni Paulo kay Chealsy na bigla namang naantig sa Nakitang kabutihan niya. Ganoon din ang kuya nito na mukhang aprubadong-aprubado na siya.

Hindi natapos ang araw na iyon nang ganoon lang, dahil nakamit na ni Paulo ang matamis na oo ni Chealsy matapos ang tatlong taong paghihintay!

Advertisement