Inday TrendingInday Trending
Palaging Tinatakot ng Kuya ang Kaniyang Bunsong Kapatid; Lingid sa Kaniyang Kaalaman, Siya Pala ang Lalapitan ng Kakaibang Nilalang

Palaging Tinatakot ng Kuya ang Kaniyang Bunsong Kapatid; Lingid sa Kaniyang Kaalaman, Siya Pala ang Lalapitan ng Kakaibang Nilalang

“Hala ka, Bunso, may mumu diyan kukuhanin ka!”

Pumalahaw na naman ng iyak ang limang taong gulang na kapatid ni Ashton dahil tinakot na naman niya ito tungkol sa multo nang makitang nasa labas ito ng bahay. Agad naman niyang ikinatuwa ang nangyari.

“Duwag ka talagang bata ka. Hindi ka yata tunay na lalaki, e!” pang-aaway pa niya sa kapatid kaya lalo pa itong pumalahaw nang kaiiyak.

Hindi naman siya masaway ng kanilang kasambahay dahil kilala siya nito bilang isang salbahe at sinungaling na binatilyo. Kahit kasi labing-apat na taon na si Ashton ay napakapilyo nito at isip-bata pa rin. Baka kapag sinaway niya ito ay kung anu-ano na namang kasinungalingan ang isumbong nito sa mga magulang katulad nang huling beses niya itong kagalitan. Hindi man naniwala ang mga magulang nito noon, hindi niya pa rin masasabi kung ganoon pa rin sa susunod kaya nag-iingat na siya.

Isa lang ang nakikitang sanhi ni Manang Hilda kung bakit nagkakaganito si Ashton simula nang ipanganak si Allen, ang nakababata nitong kapatid. At iyon ay selos. Matagal kasing naging only child si Ashton bago dumating si Allen sa kanilang buhay kaya nanibago ito nang mahati ang atensyon ng lahat sa kanilang magkapatid.

“Ashton,” panimula ni Mang Hilda gamit ang malumanay na tinig. “Huwag mo namang takutin palagi ang kapatid mo at baka magkasakit ʼyan. Dapat nga ikaw ang nagpo-protekta sa kaniya kasi ikaw ang kuya,” pangangaral pa ni Manang Hilda sa binatilyo.

“Buti nga kung ganoʼn! Para ako na lang ulit ang anak nina mommy at daddy!” ngunit hiyaw lamang ni Ashton at padabog na pumanhik sa kaniyang kwarto. Napailing na lamang ang pobreng kasambahay dahil sa inasal ng panganay na anak ng kaniyang amo.

Kinabukasan ay ganoon ulit ang senaryo ni Ashton sa kaniyang kapatid. Pumapalahaw na naman si CJ dahil tinakot na naman ni Ashton tungkol sa mumu.

“Ashton naman. Huwag mo namang ganiyanin ang kapatid mo!” Napabuntong-hininga pa si Manag Hilda. “Dito ka nga muna, okay? Bantayan mo muna si CJ kasi, liligpitin ko pa ang kwarto nʼyong dalawa. Huwag kayong lumabas ng bahay, ha?”

Napangisi si Ashton nang talikuran na sila ni Manang Hilda. Mauumpisahan na niya muling paiyakin at takutin ang kaniyang kapatid.

Akmang magsasalita na sana si Ashton nang may marinig siyang hagikhik sa gilid ng kaniyang kinauupuang sofa… at ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat nang makakita ng isang nakakatakot na nilalang na nababalutan ng maitim na balahibo!

“Sige, Ashton. Takutin mo lang ang kapatid mo! Iyan ang gustong-gusto ko. Iyan ang gusto kong gawin mo!” tumatawang saad ng nilalang kay Ashton na nagpasigaw naman sa binatilyo!

Ngunit pakiramdam ni Ashton ay walang boses na lumalabas sa kaniyang lalamunan kayaʼt kahit ano pang sigaw ang gawin niya ay hindi siya naririnig ni Manang Hilda.

“Gusto ko ang pagiging pilyo mo, Ashton. Gusto kong galit ka sa kapatid mo. Hindi ba, ayaw mo na rito sa inyo dahil iba na ang mahal ng mommy at daddy mo? Halika, sumama ka na sa akin. Doon na tayo titira!”

Itinuro ng nilalang ang punong katabi ng kanilang bahay. Umiiyak na si Ashton habang umiiling.

“Ayoko! Ayokong sumama sa ʼyo!” sagot niya sa engkanto.

“Oh? ‘Di ba, salbahe kang bata? Kaya dapat, doon ka sa akin. Halika na! Dahil kung hindi, ang kapatid mo na lang ang kukunin ko!”

Lalo pang natakot si Ashton sa mga narinig mula sa engkanto. Nilingon niya ang naglalarong kapatid na tila wala namang nakikita at nararamdaman. Tinakbo niya ang kinaroroonan ni CJ at niyakap ito.

Tama si Manang Hilda. Siya ang kuya, kaya dapat siya ang nagpoprotekta sa kapatid niya. Hindi niya dapat ito pinaiiyak dahil lang nagseselos siya sa atensyong ibinibigay ng mga magulang nila rito!

Matapos mapagtanto ang mga bagay na iyon ay niyakap ni Ashton ang kapatid na si CJ at humingi siya ng sorry dito.

Pagbalik ni Manang Hilda sa salas, nagulat siya nang makitang nahihimbing na pala sa sofa ang dalawa niyang alaga. Ngunit ang mas nakatutuwa ay nang makita niyang magkayakap na nakatulog ang magkapatid.

Simula nang araw na iyon ay binago ni Ashton ang kaniyang ugali. Naging magalang, masunurin at mabait na siyang kuya kay CJ. Hindi na rin muli pang nagpakita sa kaniyang panaginip ang engkanto.

Advertisement