Inday TrendingInday Trending
Napakasama ng Ugali ng Matandang ito sa Ibang tao; Kapahamakan ang Aabutin niya Dahil sa Sarili niyang Kagagawan

Napakasama ng Ugali ng Matandang ito sa Ibang tao; Kapahamakan ang Aabutin niya Dahil sa Sarili niyang Kagagawan

“Napakasama talaga ng ugali ng Lourdes na ʼyan. Ang dapat sa kaniya, pinapaalis na rito sa lugar natin tutal ay wala naman siyang kasundo.”

“Tama! Magpapirma tayo ng petisyon upang palayasin na rito ʼyan. Kung anu-anong tsismis ang ikinakalat niyan sa ibang tao!”

“Hindi lang ʼyon! Kahit bata, pinapatulan niyan. Isang beses, nakita kong binuhusan niya ng tubig iyong batang kalaro ng apo niya. Napakasama ng ugali!”

Matindi ang tensyon habang nag-uusap-usap ang samahang iyon ng magkakapitbahay sa isang barangay na iyon sa Laguna. Pinagpupulungan nila ang pinaplanong pagpapaalis kay Lourdes, ang may katandaan na nilang kapitbahay, dahil sa hindi na nila kaya pa ang kasamaan ng ugali nito.

Handa na ang kanilang petisyon at marami na rin sa kanilang mga kapitbahay ang nakapirma na. Ang kulang na lang ay ang opisyal na pagpapasa niyon sa tanggapan ng kanilang barangay.

Lingid sa kaalaman ng mga ito ay nasa isang sulok lang pala si Lourdes at nakikinig sa kanilang usapan. Nanggagalaiti ang matanda at gusto silang gantihang lahat.

“Balak ninyo akong paalisin dito, ha? Tingnan natin kung magtatagumpay kayo!” banta ni Lourdes habang tahimik na nakatitig sa mga kapitbahay.

Nang gabing iyon ay nagplano si Lourdes ng gagawin upang makaganti sa mga ito. Nagpatawag siya ng isang grupo ng mga tambay at basagulero mula sa kabilang barangay upang utusan ang mga itong manggulo sa barangay na iyon kapalit ng malaking halaga. Agad namang pumayag ang mga basagulero dahil na rin sa kasabikan ng mga ito sa pera.

Walang kaalam-alam ang mga kapitbahay ni Lourdes tungkol sa nalalapit na kapahamakang pupuwede nilang maranasan nang gabing iyon. Sa kahimbingan ng kanilang pagtulog ay sinimulan na kasi ng mga utusan ni Lourdes ang pagtatapon ng mga paputok sa bubungan at bakuran ng kanilang mga bahay upang bulabugin ang mga ito.

Agad na nagkagulo sa buong barangay! Ang mga tao ay mabilis na nagsitakbuhan papunta sa barangay hall upang iligtas ang kanilang mga sarili.

Samantala, ang buong akala ni Lourdes ay iyon na ang kaniyang magiging ganti sa mga kapitbahay. Ang hindi niya alam ay babalik din pala sa kaniya ang karmang ginagawa niya sa kaniyang kapwa!

“Sunog! Tulungan ninyo ako, nasusunog ang bahay ko!” Naghihiyaw si Lourdes sa takot nang makitang unti-unti na palang tinutupok ng apoy ang kaniyang bahay matapos iyong aksidenteng mahagisan ng paputok ng mga nakainom pala niyang tauhan.

At dahil ang halos lahat ng mga tao sa kalapit na mga bahay ay nagsilikas na, walang nakarinig kay Lourdes. Matagal siyang nakulong sa kaniyang bahay na unti-unti nang natutupok ng apoy. Hindi na siya halos makahinga dahil sa makapal na usok na unti-unting bumabalot sa kaniyang kinatatayuan. Pakiramdam niyaʼy iyon na ang kaniyang katapusan.

“Aling Lourdes, nandiyan ba kayo?” Muli siyang nabuhayan nang marinig ang pamilyar tinig na iyon ng isang dalaga.

“Aling Lourdes, halina ho kayo! Malaki na ho ang apoy. Mapapahamak ho kayo!” sabi pa nito nang sa wakas ay matagpuan na siyang nakahandusay sa sahig dahil nabagsakan siya ng nag-aapoy na hamba ng pintuan.

Nakikilala niya ang dalagang ito… ito iyong dalagang napakatagal niyang nilait-lait dahil lamang sa paraan ng pananamit nito. Ilang beses niya itong ginawan ng kuwento upang ipahiya sa ibang tao, dahil lang naiinis siya rito sa hindi malamang rason… pagkatapos ay ito pa pala ang kaisa-isang taong makaaalalang tulungan siya. Labis na kahihiyan ang naramdaman ni Aling Lourdes sa kaniyang sarili nang mga sandaling iyon.

Sa huli, hindi nahuli ang mga salarin ng naturang kaguluhan, dahil mabilis na tumakas ang mga ito, dala ang perang ibinayad sa kanila ni Lourdes. Ngunit dahil kinakain na siya ng kaniyang konsensiya ay napagpasiyahan din ng matandang si Lourdes na amining siya ang utak ng kaguluhang nangyari sa kanilang barangay.

Sa unang pagkakataon ay tila lumambot ang puso ng matanda at pinili niyang gumawa nang tama. Handa niyang harapin ang kaparusahan ng kaniyang mga ginawa.

Magkaganoon pa man ay nakaramdam na, sa wakas, ng kapayapaan si Lourdes sa kaniyang puso at naisip niyang masarap pala iyong pakiramdam na wala siyang iniisip na kasamaan palagi tungkol sa ibang tao? Iyon nga lang, medyo nahuli bago niya napagtanto iyon. Sabi nga ng isang lumang kasabihan, nasa huli raw talaga ang pagsisisi. Ngunit hindi bale dahil ang mahalaga ay nagsisi ka.

Advertisement