Inday TrendingInday Trending
Para sa Lalaking Isnatcher ay Walang Kwenta ang Buhay Niya; Nagbago ang Pananaw Niya nang Makilala ang Isang Dalaga

Para sa Lalaking Isnatcher ay Walang Kwenta ang Buhay Niya; Nagbago ang Pananaw Niya nang Makilala ang Isang Dalaga

Isang matinik na isnatcher si Greg. Ang pang-iisnatch ng mga pitaka, bag, cell phone at alahas ang nakamulatan niyang trabaho mula nang maulila sa mga magulang. Naging laman siya ng lansangan at nabubuhay sa pagnanakaw.

“O, Greg, mukhang malaki-laki ang nadelihensiya mo ah,” wika ng isa sa mga kasama niya sa pang-iisnatch.

“Sinuwerte lang, pare. Mapera kasi ‘yung tatanga-tangang estudyante na tinira ko kanina, eh,” sagot niya.

Ngunit hindi lahat ng pagkakataon ay pumapanig kay Greg ang suwerte. May mga araw na minamalas din ang lalaki dahil nasusukol siya ng mga pulis kaya wala siyang ibang magawa kundi ang magpalamig muna at magtago. Nang minsang matiktikan si Greg ng mga pulis dahil nang-isnatch ng bag sa isang matandang babae, para hindi mahuli ay iniligaw niya ang mga ito at napilitang lumayo muna upang makapagtago. Mahirap nga namang mahuli, ayaw niyang makulong.

“Tutal, patapon na rin naman ang buhay ko’y mas gugustuhin ko pang mamat*y kaysa magpahuli sa mga pulis,” sabi niya sa sarili.

Gamit ang naipon niyang pera sa pang-iisnatch ay nagbakasyon muna siya sa probinsya. Nakakuha siya ng mumurahing hotel sa isang maliit na resort sa Batangas. Doon muna siya habang mainit pa sa kaniya ang mga mata ng mga pulis. ‘Di niya inasahan na doon din niya makikilala si Neizel, isang magandang dalaga. Gaya niya ay nagpunta rin ito roon para magbakasyon. Dahil mabait ang dalaga ay mabilis niya itong nakagaanan ng loob.

“Ano nga ulit ang trabaho mo, Greg?” tanong nito sa kaniya.

“A, eh, I-isa akong o-office s-taff sa isang m-maliit na k-kumpanya,” nauutal na sagot ng lalaki.

“Really? Ano’ng pangalan ng kumpanya? Saan?”

“S-sa M-Metro Solutions, sa F-Fairview.”

Nag-imbento na lamang siya dahil hindi niya alam ang isasagot.

“I-ikaw, ano ang trabaho mo at bakit ka narito?” balik niyang tanong sa dalaga.

Naging seryoso ang mukha ni Neizel.

“Isa akong guro. Nagbakasyon lang ako rito para mag-enjoy!” sagot ng dalaga.

“Isa kang guro? Pero ‘di ba, dapat nagtuturo ka? Sa pagkakaalam ko ay hindi pa bakasyon ng mga estudyante ngayon,” nagtataka niyang tanong.

Biglang natahimik ang dalaga. Nag-isip muna kung ano ang sasabihin.

“Basta, gusto ko lamang ay mag-enjoy. Para sa akin, bawat oras ay mahalaga,” tugon ng dalaga.

Kahit hindi maintindihan ni Greg ang gustong tumbukin ni Neizel ay nagkaroon pa rin siya ng interes sa dalaga. Sa bawat araw na inilalagi niya sa resort ay mas nakikilala pa niya si Neizel. Palabiro, palakwento at masaya itong kasama. Habang unti-unti niyang nakikilala ang totoong pagkatao ni Neizel ay unti-unti ring nahuhulog ang damdamin niya rito hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili. Ipinagtapat niya ang kaniyang tunay na nararamdaman sa dalaga.

“Neizel, gusto kong malaman mong may pagtingin na ako sa iyo. Hindi ko sinasadyang mahulog ang loob ko sa iyo. Bigla ko na lamang naramdaman na mahal na pala kita.” pagtatapat ng lalaki.

“P-pero, hindi mo pa ako lubos na kilala, Greg. Baka nabibigla ka lang sa nararamdaman mo?”

“Totoo ang nararamdaman ko para sa iyo, Neizel. Sa katunayan ay gusto ko nang ipagtapat ang tunay kong pagkatao. Dati ko pa gustong ipaalam sa iyo kaso natakot ako na baka layuan mo ako. Hindi totoo ang sinabi ko na office staff ang trabaho ko sa Maynila. Ang totoo ay isa akong isnatcher, isang magnanakaw, kawatan at lahat na ng masamang tawag sa ganoong trabaho. Nagpunta ako rito para magtago sa mga pulis na naghahanap sa akin. Nagawa ko lamang ang pang-iisnatch kasi ‘yon lang ang alam kong paraan para mabuhay. Hindi naman ako nakapagtapos sa pag-aaral, wala na rin akong pamilya, nag-iisa na ako, patapon na at walang kwenta ang buhay ko.”

Halata sa mukha ni Neizel na nagulat siya sa ipinagtapat ng lalaki ngunit nagawa pa rin nitong ngumiti.

“Bakit ka nagsinungaling? Puwede mo namang sabihin sa akin ang totoo. Ano naman kung isnatcher ka? Siguro kung una mong sinabi sa akin ‘yan ay hindi ako maniniwala dahil hindi isang isnatcher ang nakasama ko, nakakuwentuhan ko at nakilala ko kundi isang mabuting tao. Hindi pa huli para magbago ka. Habang may buhay, may pag-asa ka pa, Greg. Hindi pa huli ang lahat para sa iyo,” tugon ng dalaga.

Makahulugang hinaplos ni Neizel ang mga pisngi ni Greg nang bigla itong mawalan ng malay at bumagsak sa harapan niya.

“Neizel? Ano’ng nangyari sa iyo, Neizel? Gumising ka!”

Agad niyang binuhat ang dalaga at dinala sa malapit na ospital. Maya-maya ay ikinawindang niya ang sinabi ng doktor.

“Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo, hijo, pero malala na ang lagay ng kasama mo. Malubha na ang kans*er niya sa bituka. Kumalat na ito sa buo niyang katawan. May taning na ang buhay niya.”

Natigilan si Greg sa inihayag ng doktor. ‘Di siya makapaniwala na ang nakilala niyang masiyahing dalaga ay may malubha palang karamdaman at may taning na ang buhay. ‘Di niya napigilang maiyak sa kalagayan nito. Nang magising si Neizel ay nakita siya nito na umiiyak sa gilid ng kama.

“Sshh… huwag kang umiyak, Greg. Ayokong kinakaawaan ako,” wika nito.

“Bakit hindi mo sinabing may sakit ka at…”

“At malapit na akong mamat*y? Hindi naman ako natatakot na mawala sa mundo. Kaya nga kahit labag sa loob ko ay itinigil ko ang pagtuturo para magbakasyon at para i-enjoy ang mga natitirang panahon sa buhay ko. Nagpapasalamat ako sa iyo dahil ikaw ang nakasama ko, Greg. Pinasaya mo ang mga nalalabi kong araw. Naiinggit nga ako sa iyo dahil mahaba-haba pa ang lalakbayin ng buhay mo, malakas ka at halatang walang anumang sakit na iniinda ‘di tulad ko na naghihintay na lamang ng takdang oras. Ituloy mo ang mabuhay, Greg. Masarap ang mabuhay na malaya mong nagagawa ang gusto mo sa tamang landas. Hindi totoong patapon na at walang kwenta ang buhay mo, naniniwala ako na kaya mong magbago dahil hindi ka likas na masama, kaya nga natutunan na rin kitang mahalin dahil may kabutihang nananahan diyan sa puso mo.”

Mahigpit na niyakap ni Greg ang dalaga.

“Magbabago ako, Neizel. Para sa iyo, magbabago ako.”

“Huwag kang magbago para sa akin, magbago ka para sa sarili mo, Greg.”

Mula noon ay kinalimutan na ni Greg ang masamang gawain. Tinulungan siya ni Neizel na makabalik sa pag-aaral. Tinuturuan din siya nito sa mga aralin niya. Habang nag-aaral ay nagtatrabaho rin siya. Pumasok siya bilang kargador sa isang supermarket. ‘Di nagtagal ay pumanaw na rin si Neizel. Tuluyang tinalo ng malubhang karamdaman ang dalaga ngunit kahit wala na ang babaeng pinakamamahal niya ay pinilit pa rin ni Greg na makapagtapos sa pag-aaral hanggang sa natanggap siya sa inaplayang trabaho. Isa na rin siyang guro sa isang pampublikong paaralan. Itinuloy niya ang naudlot na pangarap ni Neizel, ang pagtuturo. Alam ni Greg na kahit hindi na niya kasama si Neizel ay ginagabayan pa rin siya nito sa araw-araw niyang pagtuturo sa kaniyang mga estudyante.

Advertisement