Bali-Balita na May Nagmumulto sa Opisina ng Dalaga; Nanindig ang mga Balahibo Niya nang Magpakita Ito
Usap-usapan na mayroon daw nagpapakitang multo sa gusaling pinagtratrabahuhan ni Gweneth. Maraming nagsasabi na ang multo ay nakikita sa dulong bahagi ng accounting department kung saan parte ang dalaga. Sinasabi na palaging naka-puwesto ang multo ng babae sa pinakadulong upuan na malapit sa lumang kwarto na walang gumagamit.
Ilang buwan pa lang si Gweneth sa pinapasukang opisina nang marinig ang kwento tungkol sa lumalabas na multo. Ikinuwento iyon sa kaniya ng kasama niya sa trabaho na si Lucy.
“Ano ka ba naman, sa modernong panahon ba nating ito’y naniniwala ka pa sa mga multo?” natatawa niyang tanong sa kasama.
Hindi naman sa ganoon. Marami na kasi ang nakakita sa babae. Minsan daw ay nakaupo, minsan ay nakatayo at minsan ay umiiyak.”
“Eh, ikaw, nakita mo na ba ‘yung babae?”
“H-hindi,” sagot ni Lucy.
Natawa lang siya sa sinabi nito.
“Saka, bakit naman may magmumulto roon? May namat*y ba roon?” pabiro pa niyang tanong.
Seryoso siyang tiningnan ni Lucy. Hindi naman alam ni Gweneth kung paano babasahin ang mukha ng kasama.
“O, bakit natahimik ka yata? Huwag mong sabihing…”
Huminga muna nang malalim ang dalaga.
“Noong bago pa lamang ako rito, may narinig akong kwento. ‘Yung babae raw na nagmumulto ay namat*y sa dulong bahagi ng opisina. Nagpaalam daw ‘yung babae sa dating boss ng department natin kung maaari siyang umuwi dahil sumasakit daw ang ulo niya. Hindi raw pumayag ‘yung boss kaya napilitan ang babae na bumalik sa pagtatrabaho. Maya-maya, bigla raw bumagsak ‘yung babae, tumirik ang mga mata at nangisay. Hindi na raw ito umabot ng buhay sa ospital. May pumutok daw na ugat sa ulo nito at dumugo ang utak kaya sumakit ang ulo,” kwento ni Lucy.
Hindi siya nakapagsalita sa ikinuwento ng babae. Hindi maalis sa isip niya ang mukha ng isang babaeng bagamat namimilipit sa sakit ay pinilit pa ring magtrabaho. Isang babaeng walang kamalay-malay na dumudugo na pala ang kaniyang utak. Kinilabutan si Gweneth habang iniisip niya iyon.
“Naku, imbento mo lang yata ‘yan, eh. Tinatakot mo lang ako, eh!” sabi niya.
“Kung ayaw mong maniwala, bahala ka, pero iyon naman talaga ang usap-usapan sa opisina,” tugon ni Lucy.
Nang sumunod na araw ay muntik nang mahuli sa trabaho si Gweneth, mabuti na lamang at nakaabot siya sa oras at agad na nakapag-log-in. Nagmamadali siyang umupo sa puwesto niya. Napansin niya na wala pang ibang tao na naroon. Hindi pa rin dumarating ang kasama niyang si Lucy.
Maya-maya ay nakaramdam siya ng ginaw. Naisip ni Gweneth na malakas siguro ang aircon. Uutusan niya sana ang guwardiya na hinaan ang aircon ngunit ‘di niya ito mahanap. Dali-dali niyang isinuot ang kaniyang jacket ngunit dama pa rin niya ang lamig. ‘Di niya napigilan na makaramdam ng antok. Dahil wala pa naman masyadong gagawin ay pumikit muna siya at umidlip. Nagulat na lang ang dalaga nang biglang maalimpungatan. Hindi niya alam kung gaano katagal siya nakatulog. Nakita niya na wala pa rin siyang kasama sa opisina.
“Teka, mag-a-alas-nuwebe na nang umaga, pero wala pa rin akong kasama? Wala bang pasok at wala pang ibang empleyado? Si Lucy, bakit wala pa rin?” nagtataka niyang tanong sa isip.
Nang bigla na lamang siyang nagulat dahil napansin niyang may babaeng nakaupo sa pinakadulong bahagi ng opisina. Naririnig niya ang madiin na pagta-type nito sa keyboard. Hindi niya makilala kung sino sa mga katrabaho niya ang babae dahil nakatungo ito at natatakpan ng mahabang buhok ang mukha. Narinig din niya ito na parang umiiyak kaya agad niya itong nilapitan.
“M-miss, o-okay ka lang? B-bakit ka umiiyak, may problema ba?” tanong niya sa nag-aalalang tono.
Nang mapansin niya na may kung anong kulay pulang pumatak sa keyboard nito. Pinagmasdan niyang mabuti, hindi matiyak kung ano at saan iyon nanggaling.
“P-parang dugo,” bulong ni Gweneth sa isip.
Nang biglang may isa na namang patak na tumulo sa keyboard ng babae at sa pagkakataong iyon ay nasisiguro niya na galing iyon sa mukha ng babaeng nakaupo.
“D-Diyos ko, ano’ng nangyayari sa iyo, Miss? B-bakit may dugo?!”
Tuluy-tuloy ang pagpatak ng pulang likido mula sa mukha ng babae hanggang halos kulay pula na ang keyboard nito. Hahawakan na sana niya ito sa balikat nang biglang tumawa ang babae. Mahina lang, halatang pinipigilan.
“Miss…” sinubukan niyang magsalita ngunit tawa lang din ang sagot ng babae. Sa pagkakataong iyon ay parang hindi na nito napigilan ang sarili at tuluyan nang humalakhak ng ubod lakas. Umaalog ang buo nitong katawan dahil sa sobrang paghalakhak.
Nakaramdam ng matinding takot si Gweneth, nanindig ang kaniyang mga balahibo. Gusto niyang tumakbo, pero hindi siya makakilos. Nanigas ang buo niyang katawan. Tinangka niyang sumigaw ngunit mahinang ungol lamang ang lumabas sa bibig niya. Ipinikit niya ang mga mata, umaasa na guni-guni lang niya ang lahat ng iyon ngunit pagdilat niya ay naroon pa rin ang babae na ngayon ay dahan-dahang tumatayo sa kinauupuan nito. Hindi alam ni Gweneth kung bakit, pero parang alam niya ang susunod na gagawin ng babae. Lalapit ito sa kaniya at ipapakita ang duguan nitong mukha.
“Kailangan na magpakatatag ako!” bulong niya sa sarili.
Kahit natatakot ay nakahanap siya ng lakas. Naigalaw niya ang katawan at tumakbo nang tumakbo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Ang tanging alam niya ay dapat makalayo siya sa babaeng iyon.
Natauhan lang siya nang tapikin siya sa likod ng ubod lakas ni Lucy.
“Hoy, Gweneth, gumising ka na! Baka dumating na si boss at makita kang natutulog sa puwesto mo,” wika nito.
Iginala niya ang mga mata sa paligid. Nakita niya na wala na sa likurang bahagi ng opisina ang babae.
“N-nananaginip ako? P-pero parang totoo ang nakita ko kanina. N-nakita ko talaga ang babaeng multo,” nangangatal niyang sabi.
“Ayos ka lang ba? Namumutla ka!” tanong ng kasama.
“Nakita ko siya, iyong babaeng multo. Narito siya kanina!”
“Ano? Alam mo, nananaginip ka lang. Nakita kita na kanina pa natutulog sa puwesto mo. Mabuti na lamang at ako ang naunang pumasok dito.”
Nang tingnan ni Gweneth ang orasan ay laking gulat niya na mag-a-alas otso na nang umaga.
“Panaginip nga ang lahat. Isang masamang panaginip, pero parang totoong-totoo ang nakita ko kanina. Totoong may multo, totoong nagmumulto ang babae sa likod na bahaging iyon ng opisina. Naroon siya kanina,” tugon niya sabay turo kung saan nakaupo ang babae.
“Totoo na may usap-usapang multo rito sa opisina, pero sa gabi lang iyon nagpapakita at hindi sa umaga. Masyado mo yatang inisip ang ikinuwento ko sa iyo kaya kung ano-ano na ang napapanaginipan mo,” sabi pa ng kasama.
Hindi maipaliwanag ni Gweneth ang nangyari. Hindi pa rin siya makapaniwala na panaginip lang ang nasaksihan niya ngunit pakiramdam niya talaga na totoo ang mga eksenang natunghayan niya. Bago siya magtrabaho ay nag-alay muna siya ng maikling dasal para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng babaeng multo. Ipinanalangin niya na sana ay matanggap na nito na wala na ito sa mundo at makatawid na sa dapat nitong patunguhan. Ipinagdasal din niya na sana ay mapatawad na ng babae kung sinuman ang may kasalanan sa pagkasawi nito.
Lumipas ang mga araw at linggo ngunit hindi na muling nagpakita pa ang babaeng multo sa kahit sinong empleyado sa kanilang opisina. Sa isip ni Gweneth ay dininig ng Maykapal ang kaniyang panalangin na tuluyan nang matahimik ang kaluluwa ng babaeng multo.