Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Binata ang Babaeng Kuba; Limpak-Limpak na Kayamanan ang Ibinigay Nito sa Kaniya

Tinulungan ng Binata ang Babaeng Kuba; Limpak-Limpak na Kayamanan ang Ibinigay Nito sa Kaniya

Nagulat si Timothy sa narinig niyang kaguluhan sa tabing dagat. Nang puntahan niya ang nagkakagulong mga tao ay nakita niya ang isang napakagandang babae na tinulungan ng mga kalalakihan. Binastos kasi ito ng isang lasenggo kaya kinuyog ng mga lalaking mangingisda ang bastos na lasenggo at pinagbubugbog.

“G*go ka, bastos ka! Wala kang galang sa babae!” galit na galit sa sabi ng isang lalaki.

“Hindi mo dapat binabastos ang isang magandang babae na gaya niya,” gatol pa ng isa,

“Salamat po. Mabuti na lamang at dumating kayo, pero huwag niyo na siyang saktan. Kawawa naman siya, eh,” sabi ng dalaga.

“Walang anuman, miss basta ikaw. Ang bait mo naman, ikaw pa ang naawa sa bastos na lasenggong ‘yan,” tugon naman ng isang mangingisda.

Kahit si Timothy ay napanganga sa kagandahang taglay ng babae.

“Ang ganda naman niya. Para siyang Diyosa na bumaba mula sa langit,” wika ni Timothy sa isip.

Lumipas ang isang linggo. Isang kakatwang pangyayari ang nasaksihan niya sa kanilang isla.

“Tingnan ninyo, ang dami naming nahuling isda sa dagat!” sabi ng matandang mangingisda.

“Oo nga! Iba’t ibang klaseng isda at lamang dagat. Malaki ang kikitain namin d’yan!” tuwang-tuwang sabi ng babaeng tindera ng isda na kanina pa nag-aabang sa huling isda.

Bigla na lamang nagsilitaw sa dagat ang mga isda kaya maraming nahuli ang mga mangingisda.

“Isang malaking himala ito! Ngayon lamang nangyari ang ganito sa aming lugar,” nagtatakang sabi ni Timothy sa sarili.

Ipinagtataka naman niya na hindi na muling nagpakita pa ang napakagandang babae sa kanilang isla. Hinahanap-hanap nga ito ng mga kalalakihan sa kanilang lugar, hindi man lang nakuha ng mga ito ang pangalan ng babae na hinala nila ay isang turista sa kanilang isla.

Ilang araw ang nagdaan ay may napansin na naman si Timothy na bagong mukha na naglalakad sa tabing dagat. Isang babaeng kuba na medyo bata pa na sa tantiya niya ay nasa edad beinte singko hanggang trenta anyos. Nagulat siya nang bigla itong pagbabatuhin ng mga batang naglalaro sa tabing dagat habang naglalakad ang babae.

“Kuba, kuba, ang pangit mong kuba!” sabi ng mga bata habang walang awang binabato ang babae.

Hindi na nakayanan ng babaeng kuba ang pananakit ng mga bata hanggang sa mabuwal na ito at nadapa. Wala man lang tumulong sa babae, maging ang mga kalalakihang nakatambay sa dalampasigan ay walang ginawa at nagpat*y malisya lang.

Naawa siya sa babae at dahan-dahan niya itong inalalayan na makatayo. Inabutan din niya ito ng pagkain.

“Ayos ka lang ba? Heto, sa iyo na itong banana cue ko, baka kasi nagugutom ka na.”

“Salamat, napakabuti mo. Hayaan mong gantimpalaan ko ang iyong kagandahang loob. Hintayin mo ako rito sa dalampasigan mamayang alas-dose ng hatinggabi at ibibigay ko ang iyong gantimpala.”

Natulala siya sa sinabi ng babae. ‘Di niya namalayan na sinunod niya ang payo nito. Pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ay pumunta siya sa dalampasigan para makipagkita sa babaeng kuba ngunit imbes na iyon ang kaniyang madatnan ay isang napakagandang babae ang naabutan niya roon. Agad niyang nakilala ang babae.

“I-ikaw? Ikaw ‘yung babae na tinulungan ng mga mangingisda?” nagtataka niyang tanong.

“Ako nga. Ako rin ang babaeng kuba na tinulungan mo kanina. Ako si Uriel, ang diwata ng karagatan. Inaalam ko kung gaano kabuti ang mga tao sa islang ito at napatunayan ko naman iyon nang iligtas nila ako sa aking magandang anyo kaya nga ginantimpalaan ko sila at binigyan ng maraming isda at lamang dagat. Ngunit mas napatunayan kong tinulungan lang nila ako dahil sa kagandahang nakikita nila sa akin, samantalang nang nag-anyo ako bilang panget na kuba ay wala man lang tumulong sa akin sa halip ako’y kanilang sinaktan at hinamak. Mabuti na lamang at mayroon pang kagaya mo na may magandang kalooban na hindi mahalaga ang anyo para gawan ito ng kabutihan. Dahil sa iyong ginawa ay pagkakalooban kita ng limpak-limpak na kayamanan,” hayag ng diwata.

Halos mawalan ng malay si Timothy nang makita sa kaniyang harapan ang ‘di mabilang na halaga ng pera at mga ginto na nakapaloob sa isang malaking baul.

“Naku, maraming salamat po, mahal na diwata!”

“Inaasahan kong gagamitin mo ‘yan sa kabutihan.”

Ikinagulat pa niya nang biglang magbago ang anyo ng babae at ito ay naging isang sirena. Nagpaalam na ang diwata at lumangoy na pabalik sa dagat.

Laking pasasalamat ni Timothy sa ibinigay na biyaya ng diwata. Ginamit niya iyon sa mabuting gawa. Nagpatayo siya ng paaralan sa kanilang isla at nagbigay rin siya ng donasyon sa kanilang simbahan. Ipinagtataka ng mga tao sa isla kung saan niya nakuha ang malaking halaga na mayroon siya. Sinabi na lamang niya na mayroon siyang nakuhang mana mula sa kaniyang yumaong kamag-anak na nasa Maynila. Ang tungkol sa diwatang sirena, magandang babae at babaeng kuba ay inilihim niya sa mga ito at walang sinuman ang nakaalam.

Advertisement