Napagbintangan ang Lalaki sa Isang Malagim na Pangyayari; Mapatunayan Kaya Niya Kung Sino ang May Sala?
“Hoy! Mareng Wennicar, nabalitaan mo na ba ang nangyari sa kapitbahay natin?” Kinakabahang wika ni Glenda ang tsismosa nilang kapitbahay.
“Bakit? Ano raw bang meron?” Takang tanong ni Wennicar.
“Hindi mo ba alam na p*tay na si Jessa,” nanlalaking wika ni Glenda. “Ang rinig ko pa ay sinaks*ak siya ng ice pick kaya ‘di masyadong nagkalat ang dugo. Tapos ang nakakakilabot pa ay pinat*y siya ng boyfriend niya. Ang sabi kasi, nagselos daw ang lalaki kaya nagawa nito ang karumaldumal na krim*eng iyon. Ang nakakaawa pa ay ilang araw na pa lang walang buhay si Jessa sa bahay niya. ‘Di ba, nakakakilabot!” nangingilabot pa nitong wika.
“Hala ka! Grabe naman ang nangyari,” gulat na wika ni Wennicar.
Hindi niya kaibigan si Jessa dahil isnabera naman ito. Sa t’wing dadaan ito ay para bang ang taas nito sa kanila at ang turing nito sa kanila ay mga tsismosang walang magawa sa buhay. Pero nakakahabag naman ang sinapit nito at hindi talaga iyon makatarungan.
“Sana mahuli na ang tunay na salarin,” sinserong wika ni Wennicar. Kahit sinong ginawan nang masama ay karapat dapat lang na makatanggap nang tamang hustisya.
“Sinabi mo pa,” malungkot ring wika ni Glenda.
Pag-uwi sa bahay ay agad na inasikaso ni Wennicar ang kailangan niyang gawin nang biglang may humawak sa kaniyang pala-pulsuhan, dahilan upang magulat siya.
“Wennicar, ako ‘to si Alfred,” wika ng lalaki.
Kababata niya si Alfred at matalik niya itong kaibigan. Hindi na nga lang sila nagpapansinan mula noong naging nobya nito si Jessa, dahil lagi siyang pinagseselosan ng babae.
“A-anong ginagawa mo rito? Alam mo bang pinaghahanap ka ng mga pulis, dahil ikaw ang tinuturong suspek sa pagkam*tay ni Jessa,” nahihintakutang wika ni Wennicar.
“Alam ko. Kagabi pa ako narito, dahil kagabi pa nila ako hinahanap.” Pag-amin nito.
“G*go ka! E ‘di sumuko ka na. Anong balak mo? Gusto mo ba akong idamay sa ginawa mo?”
“Wen, maniwala ka. Hindi ko magagawang p*tayin si Jessa. Friname-up lang nila ako. Hindi ako masamang tao Wen, alam mo ‘yan ‘di ba?” Umiiyak na wika ni Alfred.
“P-pero sino naman ang nag-frame up sa’yo?”
“Si Diane, siya ang totoong pum*tay kay Jessa. Ang buong akala ko noon magkaibigan lang sila. Hanggang sa malaman-laman ko na t*mboy pala ang nobya ko at mag-jowa sila.
Hinihiwalayan ko na si Jessa, pero ayaw niyang pumayag. Mahal daw niya kaming dalawa at hindi niya kayang mawala ang isa man sa’min. Dahil mahal ko siya, pumayag ako Wen. Martyr na kung martyr pero mahal ko si Jessa e.
Kaso hindi masaya si Diane sa gano’ng set-up. Kaya gumawa siya ng plano na isa man sa’ming dalawa ay hindi pakikinabangan si Jessa. Nag-aya siyang makipag-inuman. Kaming tatlo lang. Hanggang sa maramdaman kong bigla akong nanghina at inaantok, saka wala na akong maalala.
Basta pagkagising ko, may hawak na akong ice pick na punong-puno ng d*go at nasa tabi ko na si Jessa at wala nang buhay.” Mahabang paliwanag ni Alfred. “Tulungan mo ako Wen, wala na akong ibang matatakbuhan.”
Agad namang niyakap ni Wennicar ang kaibigan dahil sa awang naramdaman. Naniniwala siya sa sinasabi ni Alfred. Alam niyang hinding-hindi ito magsisinungaling sa kaniya at alam niyang hindi magagawa ni Alfred ang krim*eng iyon.
“Sumuko ka, Alfred. Kung talagang wala kang sala, patunayan mo sa kanila. Hindi mo kailangang magtago. Ang kailangan mong gawin ay tulungan si Jessa, na makamit ang hustisyang para sa kaniya, kung talagang mahal mo siya. Tutulungan kita, pinapangako ko iyon sa’yo,” aniya habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ni Alfred.
“Tama ka Wen, iyon nga ang dapat kong gawin,” tumatangis pa ring wika ni Alfred.
Gaya nang pinayo ni Wennicar ay sumuko nga si Alfred. Lahat nang panghuhusga at galit ay natanggap ng lalaki, ngunit gaya rin nang ipinangko si Wennicar ay hindi niya iniwan ang kaibigan at lagi siyang nasa tabi nito upang bigyan ito ng tulong at suporta.
Matagal ang naging proseso nang imbestigasyon. May mga oras na gusto na lamang sumuko ni Alfred at akuin na lang ang kasalanang hindi naman nito talaga ginawa.
“Ngayon ka pa ba susuko? Kung kailan malapit na nating makamit ang hustisya. Alalahanin mo Alfred, ikaw ang nakakulong d’yan ngayon imbes na ang taong totoong may kasalanan. Hahayaan mo na lang bang tuluyang makalaya ang taong pum*tay sa taong mahal mo?” wika ni Wennicar.
“Salamat Wen, dahil hindi mo ako kailanman iniwan.”
Ilang buwan ring nanatili si Alfred sa loob nang kulungan hanggang sa napatunayang wala nga itong kasalanan. At gaya nang inaasahan ay si Diane nga talaga ang totoong may sala. Dahil sa labis na pagmamahal at takot na baka iwanan ito ni Jessa at tuluyang sumama kay Alfred, kaya nito nagawa ang bagay na iyon.
“Malaya ka na. Malinis na ang pangalan mo,” masaya at naiiyak na wika ni Wennicar.
“Maraming salamat sa’yo Wen,” anito sabay yakap nang mahigpit sa kaniya.
Minsan isang tao lang ang kailangan mo sa iyong buhay. Iyon ay ang taong hindi ka iiwan kahit gaano na kahirap ang sitwasyon.