Inday TrendingInday Trending
Laging Galit at Iritable ang Misis sa Kaniyang Mister, Natauhan ang Lalaki nang Malaman ang Dahilan

Laging Galit at Iritable ang Misis sa Kaniyang Mister, Natauhan ang Lalaki nang Malaman ang Dahilan

“Hoy! Berto, bakit lagi ka na lang ginagabi ng uwi? Hay*p ka baka nambababae ka lang ah! Umayos ka. Kapag nahuli talaga kita putol ‘yang alaga mo! Huwag mo akong subukan,” galit na banta ni Xyra sa asawa.

“Nag-overtime lang, nambababae agad ‘yang iniisip mo.” Wala sa ganang wika ni Berto. “Masyado ka nang praning kaya nagkakaganyan ka.”

“Praning na kung praning! Basta malaman-laman ko lang na tinatar*ntado mo ako ay magtago-tago ka na Berto,” patuloy na wika ni Xyra.

“Ewan ko sa’yo. Baliw!” Inis na sambit ni Berto saka nilampasan ang asawa.

“Wala ka nang oras para sa’ming pamilya mo ah!” Pahabol pa nito.

Palagi na lamang itong ganito. Wala na itong ginawa kung ‘di ang pagdudahan siya kahit wala naman siyang ginagawang masama. Matino siyang asawa at kailanman ay hindi pumasok sa isipan niya ang magloko. Pero hindi iyon ang iniisip ng kaniyang asawa sa kaniya. Lagi na lamang itong naghihinala– puro mali naman.

“Bert, sumama ka muna sa’min. Isang bote muna tayo bago umuwi. Pamparelax ng katawang nahahapo sa maghapong trabaho,” nakangising wika ni Fernan ang kasamahan niya sa trabaho.

“Naku! Alam niyo namang hindi ako pwede sa ganyan. Ma-late nga lang ako ng uwi e nag-aalburoto na si misis,” kakamot sa batok na wika ni Berto.

“Grabe naman ‘yan. Kahit isang bote lang, pagkatapos no’n ay uuwi na kaagad tayo,” pilit ni Fernan.

Saglit munang nag-isip si Berto at maya-maya rin ay sinang-ayunan na lamang niya ang kaibigan. Kailangan din niyang mag-relax paminsan-minsan. Bahala na ang tainga niya mamaya sa bunganga ng kaniyang asawa.

Gaya nga nang inaasahan ni Berto, ang isang boteng usapan ay nadagdagan pa ng lima, anim at sampu! Nakailan na nga ba? Basta ang alam niya ay lasing na lasing na siya. Pero kahit gano’n ay sisikapin niya pa ring makauwi sa bahay nila. Kung ngayon siya uuwi ay hindi niya na matatandaan pa ang sasabihin ng kaniyang bungangerang asawa.

“Lasing na lasing ka na naman!” Singhal ni Xyra.

Galit na galit man si Xyra sa itsura ngayon ni Berto ay wala siyang magawa kung ‘di alagaan ito. Hindi naman niya maatim na pabayaan na lang ito. Mag-uusap sila bukas!

Kinabukasan ay maagang nagising si Xyra, upang asikasuhin ang dalawang anak nila ni Berto, sa pagpasok sa eskwelahan. Saka aasikasuhin din niya ang pagpasok ng kaniyang asawa na lagi na lang late kung umuwi at minsan pa ay lasing.

Matapos niyang maihatid ang mga anak sa eskwelahan ay naabutan niya si Berto na ngayon ay katatapos lang maligo. Gusto niyang singhalan ito at bungangaan sa nagdaang gabing lasing na lasing itong umuwi. Ngunit hindi niya magawa kaya nilampasan na lang niya ang asawa.

“Xyra, paano ako nakauwi kagabi?” Tanong ni Berto.

“Aba’y ewan ko sa’yo!” Aniya sabay irap rito.

“Pwede ba Xyra, itigil mo ‘yang kakabusangot mo ng mukha. Akala mo ba nakakaganda ‘yan?” anito.

“Bakit may maganda ka na bang ipinalit sa’kin kaya lagi ka na lang walang oras sa’min ng mga anak mo?” diretsong wika ni Xyra.

“Hayan ka na naman. Nakakainis ka na,” inis na wika ni Berto.

“Ako rin! Inis na inis na ako sa’yo, Berto. Alam mo hindi ko talaga alam kung saan ako nagkulang sa’yo. Minsan pakiramdam ko mas mahalaga sa’yo ang trabaho at barkada mo kaysa sa’ming pamilya mo.

Mas gusto mo pang mag-overtime kaysa maka-bonding ang mga anak. Madalas nga hindi mo na nakakausap ang dalawa mong anak, kasi pagdating mo tulog na sila at pag-alis mo naman ay nasa eskwela na sila. Hindi ka na nagiging ama sa kanila at hindi ka na nagiging asawa sa’kin.

Kaya minsan naiisip kong baka may iba ka nang babae kaya ganiyan mo na lang kaming balewalain,” mahabang litanya ni Xyra, saka tinalikuran ang asawa.

Dahil sa sinabi ni Xyra ay tila binuhusan ng napakalamig na tubig si Berto. Iyon pala ang dahilan ng galit ni Xyra, dahil wala na nga siyang oras para sa mga ito. Mas iniisip niya ang sasahurin niya pagdating sa a-kinse at katapusan. Mas iniisip niya ang mga bayarin nila kaysa ang mararamdaman ng asawa niya’t mga anak. Ang buong akala niya noon ay sadyang tamang hinala lang talaga si Xyra. Ngayon ay alam na niya ang dahilan. May mali rin pala siya.

Mula no’ng malaman niya ang dahilan ni Xyra ay naisip niyang dapat niyang i-tama ang mali niyang ginagawa noon.

Nagsimula na siyang balansehin ang kaniyang oras sa pagiging empleyado at pagiging asawa, at ama sa kaniyang mga anak. Inilalabas na niya ang mga ito sa tuwing may ekstrang pera at oras siya. Nagsimula na rin siyang muling manlambing kay misis upang iparamdam dito ang pagbabagong nais niyang ipabatid.

Sa huli, nagbunga ang kaniyang pagbabago. Kung dati’y laging nakasigaw at nakabusangot, ngayon, ang kaniyang misis ay lagi nang nakangiti, masiyahin, at masigla. Naging makulay at puno na ng pagmamahal ang kanilang maliit ngunit masayang tahanan.

Advertisement