Pakiramdam ng Babae’y Aping-api Siya Dahil Hindi Siya Pinapasahod; Pahiya Siya Nang Marinig ang Hirit ng Amo

Pakiramdam ng Babae’y Aping-api Siya Dahil Hindi Siya Pinapasahod; Pahiya Siya Nang Marinig ang Hirit ng Amo

InspiringKarmaStories

Umagang-umaga at laking gulat ni Heart nang may grupo ng mga tanod ang pumunta sa bahay niya upang imbitahan siya sa Punong Barangay dahil may nagrereklamo sa kaniya.

“S-sino naman po ang nagrereklamo sa’kin?” Takang tanong ni Heart.

Sa tagal niyang nanirahan sa lugar nila’y ni minsan ay wala pa siyang natatandaang may inaway siya at may inagrabiyadong iba. Kaya bakit naman may magrereklamo sa kaniya?

“Inirereklamo ka po ng dati mong katulong, Madam Heart,” wika ng tanod na kilala lamang niya sa mukha. “Mas maiging sumama na lang kayo upang mapag-usapan ang problema,” dugtong pa nito.

“Sige po,” aniya at kusa na ngang sumama sa mga ito.

Pagdating nga niya sa Barangay ay nakita niyang kalmadong nakaupo si Belinda, ang kaniyang dating katulong. Nang makita siya ng kapitan ay agad namang ipinaliwanag sa kaniya ang mga bagay na inireklamo sa kaniya ni Belinda, at binigyan rin siya ng pagkakataon nito upang ipaliwanag ang sarili.

“Opo, kap. Limang buwan akong nanatili sa bahay niya at limang buwan na rin niya akong hindi pinapasahod. Ang sa’kin lang naman kap, ngayon paalis na ako ay ibigay niya sa’kin ang sahod ko sa loob ng limang buwan,” wika ni Belinda.

Agad namang nag-taasan ang kilay ni Heart sa sinabi ng dating katulong.

“Bakit naman gano’n, madam? Kawawa naman itong kasambahay ninyo kung hindi niya pasasahurin. Ano pa ang babauning pera nito pauwi sa probinsya kung wala kayong ibibigay na sahod?” Naaawang sambit ng kapitan.

“Hindi naman po ako gano’n kasama, kap. Hayaan niyo po sanang ipaliwanag ko naman ang side ko,” aniya saka hinarap ang dating katulong. “Belinda, baka nakakalimutan mo. August pa lang tinanggal na kita dahil sa paulit-ulit na ginagawa mong mali. Hindi ba’t ilang beses kang nagpapasok ng lalaki sa pamamahay ko, nang walang paalam sa’kin dahilan para magalit ako sa’yo ay tanggalin ka.

Noong pinapaalis na kita ang sabi mo ay bigyan kita ng ilang linggong pansamantalang tumira sa bahay ko, dahil wala kang kamag-anak na mapupuntahan rito sa Manila. Sa awa ko sa’yo ay pinagbigyan kita. Ngunit ‘yong sinabi mong ilang linggo ay inabot nang limang buwan ‘di ba?

Hindi ako nagreklamo. Pinatira kita ng libre sa lahat tulad ng tubig, kuryente, pagkain at marami pang iba. Oo minsan nakikita kong gumagalaw ka pero hindi ba’t obligasyon iyon ng taong nakikitira? Hindi ko naman inisip na dapat pa pala kitang sahuran mula sa buwan, kung kailan kita tinanggal at nakiusap ka,” mahabang wika ni Heart sa mahinahong paraan.

Agad namang natahimik ang mga taga-barangay dahil sa binunyag ni Heart.

“Paano ‘yan Belinda, matagal ka na palang tinanggal ni madam. Dapat pa nga pala ay magpasalamat ka sa kabutihan niya dahil kahit may ginawa kang kasalanan kaya ka niya tinanggal, no’ng nakiusap ka sa kaniya ay wala siyang pagdadalawang-isip tulungan ka. Tapos ikaw pa ang may ganang ireklamo siya,” maya-maya ay wika ng kapitan kay Belinda.

Hindi na umimimik pa si Belinda. Mukhang nakaramdam yata bigla nang hiya dahil sa ginawa.

“Don’t worry Belinda, handa pa rin naman akong tulungan ka. Sana kinausap mo na lang ako nang masinsinan, ‘yong tayong dalawa lang. Hindi naman kailangang umabot sa pagpapa-barangay,” muling wika ni Heart.

“Sorry po madam sa nagawa ko. Walang-wala po kasi talaga ako at wala akong naipon mula no’ng nagtatrabaho pa ako sa inyo. Wala akong madadalang pera sa pag-uwi ko, kaya ito na ang naisip ko,” tumatangis na wika ni Belinda.

Walang pagdadalawang-isip namang kinabig ni Heart ang dating katulong at niyakap. “It’s okay, Belinda. I understand you, dear,” alo ni Heart habang hinahaplos ang likod ng babae para gumaan ang mabigat na pakiramdam nito.

“Sorry po talaga ma’am. Sorry po,” wika ni Belinda.

“Okay lang. Sana sa susunod na magtatrabaho ka ulit. Lagi mong iisipin na mahalin ang trabaho mo at igalang ang amo mo. Upang hindi ka biglang tanggalin at kapag makakapagtrabaho ka na ulit. Lagi mong tatandaan na kailangan mong mag-ipon para sa kinabukasan mo. Huwag masyadong magwaldas ng pera, lalo na’t pinaghirapan mo iyon,” payo ni Heart kay Belinda.

“Yes po madam, tatandaan ko iyan,” mangiyak-iyak na sambit nito.

“Bibigyan kita ng fifteen thousand, para makauwi ka na sa probinsya niyo at para na rin may mabili kang pasalubong sa pamilya mo. Belinda, ang lahat nang bagay ay nadadaan sa maayos na usapan. Hindi mo kailangang magpadalos-dalos at tumakbo kaagad sa barangay,” nakangiting wika ni Heart.

“Salamat po Madam Heart, sa mabuting kalooban na sinuklian ko lang ng hindi maganda. Patawarin niyo po sana ako ma’am.” Hindi mapigilang paghingi ni Belinda ng tawad sa butihing amo.

More Stories