Ang Balak na Pagtapos sa Kaniyang Buhay ay Nauwi pa sa Kabayanihan; Anong Leksyon Kaya ang Ituturo ng Pangyayari sa Binata?

Ang Balak na Pagtapos sa Kaniyang Buhay ay Nauwi pa sa Kabayanihan; Anong Leksyon Kaya ang Ituturo ng Pangyayari sa Binata?

InspiringMiracleStories

“Ilang beses na akong tumawag sa Iyo… totoo Ka ba talaga?” tanong ng binatang si Melvin habang nakatingala sa nagdidilim na langit. Kasabay ng mainit na luha ay ang pagpatak ng ulan sa kaniyang mukha.

Nang mga nakaraang araw ay punong-puno ng hinanakit ang dibdib niya. Natanggal sa trabaho, nagkasakit ang ina, away sa pamilya, patong-patong na utang. Ngayong pumanaw na ito, ‘di niya malaman kung anong gagawin. Ilang beses pa siyang nanalangin, nagtanong, humingi,  ngunit tila bingi ang langit.

Nang mga oras na iyon tila namanhid na ang kaniyang puso. Pagod na siyang lumaban sa buhay, kaya narito siya ngayon sa tulay. Sa baba ay ang naghahampasang alon, rinig na rinig niya ang pag-ugong ng hangin sa paligid.

Unti-unti niyang ipinikit ang mata. Akmang tatalon na siya nang may marinig na sigaw.

“Tulungan niyo ang anak ko! Rico! Rico! Tulong!” 

Paglinga niya ay nakita niya malapit sa pampang ang isang ale. Lumusong ito sa tubig ngunit nabubuway ng malalakas na alon. Sunod niyang nakita ang isang binatang tila mas bata sa kaniya na nalulunod at natatangay na ng malakas na agos. Dahil sa pagsisisigaw ng ale ay natataranta siyang bumaba sa tulay at mabilis na tumungo sa kinaroroonan ng mga ito.

Walang anu-anong lumusong si Melvin sa tubig papunta sa babaeng tinawag na Rico. Mabuti na lang at magaling siyang lumangoy at nahila niya ito sa pampang.

“Rico, anak ko! Anak ko!” Hagulgol ng ale. Mabilis ang mga pangyayari at natagpuan na lamang ni Melvin ang sarili sa loob ng ambulansya. Hawak niya ang kamay ng ale habang ito naman ay walang tigil ang iyak sa harap ng anak na hindi pa rin gumigising.

Pagdating sa ospital, doon pa lamang nalaman ni Melvin na nagtangka pala si Rico na lunurin ang sarili. Nasa high school pa lang ito ngunit dahil sa pambubulas na nararanasan ay nagkaroon ng depresyon. Mabuti na lamang at natunugan ito ng ina at nasundan. Lubos naman ang pasasalamat sa kaniya ng ale na ang ngalan pala ay Linda.

“Salamat hijo sa pagsagip sa anak ko. Kung natagalan pa raw siya sa tubig ay tiyak n-na… Salamat talaga, salamat,” halos hindi mapatid na turan nito. Maraming tauhan sa ospital ang nakarinig noon kaya pinalakpakan pa siya ng mga ito at tinawag na isang bayani. Siya daw ang pinadala ng Panginoon para sa pamilyang iyon. Hindi maiwasang mapangiti ni Melvin. Ngunit sa likod ng kaniyang isip, nakukwestiyon niya kung bakit sa panalangin ng iba, may sagot ang Panginoon. Bakit sa kaniya wala?

Umuwi ang binata na gulong-gulo ang isipan. Hindi pa rin naman nabawasan ang mga problema niya. Kinabukasan, nakatanggap siya ng tawag mula kay Aling Linda at pinadadaan siya sa ospital.

Pagdating niya roon ay mainit na pagtatalo sa pagitan ng mag-ina ang nadatnan niya. 

“Rico, anak, kailangan mong kumain..” ani Aling Linda. Ngunit tinabig lamang ng binata ang kamay ng ina sanhi upang tumilapon dito ang mainit na sabaw.

“Ara–” napatayo si Aling Linda dahil sa pagkagulat.

“Sabing ayaw kong kumain eh! Bakit ba ang kulit mo?! Umalis ka na! Ayaw kitang makita! Sana tatay na lang ang meron ako! Bakit kasi ikaw pa ang nandito! Alis!” Malakas na sigaw ni Rico sa ina. Lumuluhang lumabas ng kwarto si Aling Linda, mabilis na nagpunas ng luha nang makita siya sa tapat ng pinto.

“H-hijo! Narito ka na pala! N-naku sandali lamang ha,” nagmamadaling paalam nito. 

Nahabag si Melvin kay Aling Linda. Hindi niya maiwasang maalala ang ina dito. 

Nakakunot ang noong pumasok siya sa kwarto ni Rico at naupo sa upuan sa tabi ng kama nito.

“Dapat kang magpasalamat sa mama mo, Rico,” sabi niya. Wala namang imik ang binata. 

“Alam mo bang muntik na rin siyang mapahamak sa ginawa mo? Halos mahimatay siya kaiiyak dahil matagal kang gumising. Ni hindi rin siya umalis sa tabi mo para lang bantayan ka. Matuto kang pahalagahan ang nanay mo.”

“Bakit ka ba nakikialam? Edi dun ka na sa nanay mo,” naiinis na sagot ni Rico.

“Wala na ang nanay ko. Nam*tay na siya, nitong nakaraang buwan lang,” pagkasabi ni Melvin nito ay mahabang katahimikan ang sumunod.

“S-sorry..” mahinang sabi ni Rico.

“High school ka pa lang Rico. Marami ka pang pagdadaanan sa buhay. Medyo mahirap, may mga pagsubok, ngunit ‘wag kang sumuko. Isipin mo na lang yung mga taong nagmamahal sa iyo.” Matagal pinag-isipan ni Melvin iyon nung nakaraang gabi. Hindi niya akalain ang pangyayaring ito pa ang magtuturo sa kaniya ng leksyon. Tila ba nasampal siya ng malakas at nagising sa isang bangungot. Hindi porque mahirap ang buhay ay dapat na sumuko. Lagi’t lagi ay mayroon pa ring solusyon sa mga problema, at hindi sagot kailanman ang pagpapatiwakal. Ngayon niya lang napagtanto na mayroon pa rin namang saysay ang buhay niya. Mayroon pa rin namang mga taong nagmamahal sa kaniya. Mayroon pa palang pag-asa.

“Salamat po, kuya. Nahihiya po ako kay mama at sa’yo. Hindi ko na po uulitin,” nahihiyang sabi ni Rico sa binata.

Napangiti dito si Melvin at nagsabing, “salamat din, dahil niligtas mo rin ako.” 

Lumabas sa ospital si Melvin na magaang na ang dibdib. Ngayon niya lang napagtanto na lagi ngang may sagot ang Panginoon sa panalangin. Iyon nga lang, madalas ay hindi sa paraang inaasahan natin.

More Stories