Sobrang Higpit ng Ina na Ito sa Kaniyang Anak, Isang Masaklap na Pangyayari Pala ang Magbibigay Liwanag sa Kaniya

Sobrang Higpit ng Ina na Ito sa Kaniyang Anak, Isang Masaklap na Pangyayari Pala ang Magbibigay Liwanag sa Kaniya

FamilyInspiringStories

“Tigilan mo ang lalaking iyan!” sigaw ng ina ng dalagang kolehiyala na si Rio.

“Sinasabi ko sa’yo, walang patutunguhan ang buhay mo diyan sa lalaking ‘yan!” dagdag pa ni Bitoy sa kaniyang sermon sa anak na nahuling nakikipag palitan ng mensahe sa isang lalaking nakilala niya sa birthday ng kaniyang pinsan.

Hindi ito madalang mangyari, mas madalas pa ang eksenang ito sa buhay nila dahil maya’t maya ay maririnig ang pangongontra ni Bitoy sa kaniyang anak. Ang tanging takbuhan lamang ni Rio ay ang kaniyang kuya na nasa ibang bansa at amang abala naman sa pagtatrabaho.

Marangya ang kanilang buhay at sa edad na labing pito, buong buhay ni Rio ay hawak ng kaniyang ina. Maging ang kurso na kaniyang kinuha ay sapilitang ipinakuha sa kaniya ng ina. Ito ay ang arkitekto. Matalino’t may hitsura ang dalaga. Subalit simula bata, hindi siya masalitaing bata at palagi lamang tahimik kahit na kasama niya ang kaniyang mga pinsan.

Dinibdib ni Rio nang pagbawalan siya ng ina na kausapin si Sep- ang binatang kaniyang natitipuhan. Isang linggo din niyang iniwasan kausapin ang ina. Ramdam naman iyon ni Bitoy subalit wala iyon sa kaniya. Ang tanging hangad lamang niya ay ang sa tingin niyang magpapabuti ng buhay ng anak.

Isang gabi, habang nagmumukmok ang dalaga sa kaniyang silid, kumatok ng dahan dahan ang kaniyang ama. Pagpasok nito sa kaniyang silid, nagpakita ito ng isang bagong model ng selpon. Parang kuminang ang mga mata ni Rio nang makita ang mga iyon.

“Pa, akin po ‘yan?” masiglang tanong ng dalaga sa ama. Matapos tumungo ng ama na nakangiti, mahigpit siyang binigyan ng akap ng anak.

“Sana maintindihan at patawarin mo ang mama mo kung sobra siyang protektahan ka. Katulad ko, gusto lang niya na maging maayos ang buhay mo. Siyempre ikaw lang ang nag-iisang anak namin na babae, ‘di ba? Naiintindihan mo ba ako, anak?” marahang paliwanag ni Rod sa kaniyang anak. Bilang tugon, tumungo lamang ito sa kaniyang ama at saka muling ibinaling ang atensyon sa kaniyang bagong selpon.

Sobra ang pagmamahal ni Rio sa kaniyang ama. Sa tuwing sumasama ang loob niya sa ina, ang tanging sandigan niya ay ang kaniyang ama. Subalit hindi iyon palaging nandoon dahil abala iyon sa bangko kung saan ito nagtatrabaho.

Ilang araw lamang ay naging maayos na muli ang takbo ng buhay ng buong pamilya. Bahay at eskwelahan muli ang buhay ni Rio. Kung minsan ay sinasama siya ng ina na mamili ng mga pagkain sa mall pagkatapos siyang sunduin sa eskwelahan. Hindi siya nakakatakas sa ina dahil hindi ito pumapalyang sunduin siya. SImula pagkabata ay ganoon na ang sistema nila hanggang sa ngayong siya ay nasa kolehiyo na.

Isang hapon, habang pauwi ang buong pamilya, nabanggit nila kay Rio ang magaganap na malaking selebrasyon ng debut ng dalaga. Dahil nalalapit na ang kaarawan nito ilang araw lamang matapos sumapit ang pasko. Wala siyang kaalam alam dito at doon lamang iyon nabanggit sa kaniya.

“Ang motif ng birthday mo ay color pink. Maraming pupunta na mga kamag-anak natin. Yung iba galing pa ng states. Magiging reunion na rin ito ng buong pamilya natin kaya talagang pinaghahandaan naming ito,” banggit ng ina sa kaniya.

Nakaramdam naman siya ng pagkasabik dahil para din naman sa kaniya ang araw na iyon.

“Ako na ang pumili ng mga sasayaw at magbibigay ng mensahe sa iyo,” dagdag pa ni Bitoy sa anak.

“Pwede po ba ako mag-invite ng mga classmates ko?” tanong naman ng dalaga.

“Pwede pero siguro kakaunti lang dahil sabi ko nga sayo, reunion na din ito ng pamilya. Hindi lang basta birthday mo.” Malamig na tugon ng kaniyang ina.

Ngunit sa isip isip niya ay ayos na iyon dahil kakaunti lang naman talaga ang mga iimbitahin niya. Nang makarating na sila, agad siyang pumasok sa kaniyang silid at nilapag ang mga gamit. Sinundan naman siya doon ng ama.

“Huwag mo isiping hindi para sa iyo ang araw na iyon ha? Sayong-sayo iyon at gagastos ako nang malaki, kami ng mama mo para sumaya ka,” mga tinig ng kaniyang ama na nagpagaan lalo ng kaniyang loob.

“Opo, pa. I love you po. Thank you!” sagot niya sa ama habang nasa bisig siya nito.

Lumipas ang mga araw, mas lalong abala ang lahat para sa dadating na kaarawan ni Rio. Handa na ang mga gowns na susuotin niya pati na mga kakailanganin sa party. Ang kulang na lamang ay ang mismong araw na kanilang pinakahihintay.

Sumapit ang Noche Buena. Kinabukasan ay sasapit na ang araw ng kapaskuhan. Hindi sila gaano naghanda ngunit masaya sila sa kanilang salo-salo dahil umuwi galing Canada ang kaniyang kuya. Pakiramdam ni Rio ay buo siya at wala ng mahihiling pa. Natulog siya ng gabing iyon na masayang binati ang bawat miyembro ng pamilya ng maligayang pasko.

Kinabukasan, mga tinig ng maraming tao ang kaniyang naririnig mula sa kaniyang silid. Hindi niya ugaling manghimasok subalit napatayo siya upang alamin kung ano ang nangyayari sa labas. Narating niya ang sala kung saan nabigla siyang makita ang ina na may kausap sa telepono habang lumuluha ito.

“Halika dito, Rio. Halika.” Ani nito sa kaniya. Naglakad siya papalapit sa ina habang tumatakbo sa kaniyang isipan kung ano ang nangyayari.

“Ang papa mo… Ang papa mo, nasa ICU. Naaksidente kagabi…” mga tinig na nagpatigil ng mundo ng dalaga.

Agad niyang binisita ang ama na nakaratay sa kama ng ICU. Nakakabit ay mga makina na nagdudugtong ng buhay nito. Hindi naman mapatid ang mga luha sa mukha ng kaniyang ina at kuya.

Ilang araw lamang ang lumipas, dumating na ang araw na kanilang pinakahihintay. Ang araw sana na iyon na siyang pinakamasaya ay naging araw na puno ng kalungkutan para kay Rio. Bumuhos ang emosyon ng dalaga ng tawagin ang pangalan ng ama bilang siya ang huling sasayaw sa dalaga. Subalit naroon ang kaniyang ina na papalit sa amang nasa ospital.

“Patawad, ‘nak. Sa lahat lahat. Naging mahigpit ako nang sobra sa’yo kahit na sa ama mo. Sana mapatawad mo ako…” wika ng kaniyang ina na puno ng luha sa mata habang nakaakap sa kaniyang anak na lumuluha rin ng mga oras na iyon.

Matapos mairaos ang party, nagpasya ang mag-iina na bisitahin ang haligi ng tahanan na nasa ospital. Mas maluwag ang loob ng bawat isa matapos magkaroon ng kapatawaran.

“Pa, eighteen na ako. Kaya ko na ang sarili ko. Big girl na po ang bunso niyo… Salamat pa sa lahat. I love you so much…” sambit ng dalaga habang hawak ang kamay ng ama.

Hindi pa man sila nakakalabas ng ospital, ibinalita na sa kanila na tuluyan na ngang namayapa ang kanilang pinakamamahal na ama at asawa. Subalit handa na silang harapin ang buhay na magkakasama kahit na nawala na ang haligi ng kanilang tahanan.

Tunay ngang walang maikukumpara sa pamilyang nagtutulungan at nagpapatawaran. Lahat ng pagsubok ay makakayanan kung ang bawat isa ay sumusuporta at naghihilaan, hindi pababa, ngunit paangat.

More Stories